Lumaktaw sa pangunahing content

Totoo bang "Love is 'Smell-Blind'"?

Sabi nila kapag ang isang magandang babae ay nagmahal ng pangit na lalaki o ang isang gwapong lalaki nagkagusto sa isang pangit na babae, "love is blind" daw kasi. Halos lahat ng tao ay hindi maintindihan kung ano ang nakita nung magandang babae o gwapong lalaki. 

Nagugulat ang mga tao. 
Ano ba yan?! Hindi sila bagay! Maganda/gwapo pa ako diyan eh! Hindi kaya ginayuma siya? O baka naman mayaman yun kahit pangit. Malay mo naman "true love"... 

Pero paano kapag ang isang babae/lalaki na naliligo araw araw ay magkagusto sa taong hindi gaano malinis sa katawan? Alam mo yun kahit anong mangyari ay ginugusto pa rin niya kahit alam niyang hindi naglilinis ng katawan. Anong itatawag doon: "love is 'smell-blind'"?

Inaamin ko na sensitibo ang pang amoy ko. Ayokong paulit-ulit ang amoy ko. Ayokong naamoy ko ang sarili ko. Kaya nga nakakatawang isipin na kahit anong sensitibo ng pang amoy ko ay minsan ko nang hindi pinansin ito. Yun tipong "mind over matter" ang nangyari. Parang pagkain ng hindi mo gustong kainin. Parang gulay sa mga bata, Balut sa mga dayuhan, aso sa mga mahilig mag-alaga ng aso, atbp. Huwag mo raw isipin na ang kakainin mo ay kung ano ang nakita mo. Isipin mo raw na kinakain mo ang pinaka paborito mong pagkain. Mind over matter. Pero kahit anong gawin ko ay mas madalas ay hindi ko kinakaya. 

Dati ay mayroon akong nakilala. Sabi nila guwapo naman daw siya. Noong nagpapahiwatig siya ng interes ay iniiwasan kong bigyan siya ng pag-asa. Ayoko ng magulong sitwasyon at duda rin ako sa kalinisan niya sa katawan. Kaya lang ay napapansin ng mga kaibigan ko na may gusto raw siya sa akin. Sabi nila nakita naman nila na naghuhugas naman daw ng kamay bago kumain. Mukhang naliligo naman sa umaga bago pumasok sa trabaho. Maayos naman ang pagkalaba ng damit. Hindi naman siya nagsisigarilyo at wala naman siyang putok. 

Kaya lang hindi naman sila talaga lumalapit sa kanya ng madalas katulad ko. Dahil ako ang mas madalas niyang kinakausap, hindi naiiwasan na minsan ay maamoy ko ang hininga niya. Nagulat ako para akong tinulak palayo ng naamoy ko. Kaya lang mind over matter. Deadma lang sa naamoy ko. E type ko eh. Mabait naman siya. Maayos ang itsura. Maganda ang trabaho. Hindi nagyoyosi. Walang B.O. Bad Breath nga lang. haha. Para tuloy bawang ang toothpaste niya at sibuyas naman ang mouthwash niya. Iba talaga! 

Pwede naman daw gawan ng paraan ang halitosis. Mabango nga hininga hindi mo naman matignan ang mukha niya. Mabango nga wala namang trabaho. Mabango nga ang hininga pangit naman ang ugali. Lahat talaga ng dahilan para makalimutan ang totoong isyu na may bad breath siya ay maiisip mo. 

Para sa iba, deadma na lang talaga sa bad breath. Negotiable naman daw yun. Parang pagkain ng mga hindi mo dating kinakain, natututunan naman daw ng isip na kalimutan ang naaamoy. Nasasanay rin daw ang ilong mo sa bad breath. Parang gamot kapag lagi mong iniinom, nagiging immune ka na sa epekto nito. Ganoon din sa pag-amoy ng mabahong hininga, masasanay rin ang ilong mo sa paglaon ng panahon. Kapit lang. Sa sobrang pagmamahal mo ay kahit amoy bulok ay magiging amoy mabango na rin sa iyo. Siguro nga "love is 'smell-blind'". 

Muntik na akong umabot sa ganung pagkakataon na kakalimutan ko ang naamoy kahit talagang hindi ko kinakaya. Muntik ko nang isakripisyo ang sarili ko dahil gusto ko siya. Maraming nangyari. Mas pinili kong lumayo na ikinainis niya. Hindi ako lumayo dahil sa halitosis niya. Pero dahil sa maraming dahilan. Nakakilala siya ng iba na matatanggap ang kalagayan niya. Nasaktan ako kahit na mabaho pa ang hininga niya at hindi ko ma-take. Pero naisip ko hindi naman siya talaga ang gusto ko kung hindi ang ideya na may gusto siya sa akin at maari niyang palitan ang taong lubos na nakasakit sa akin dati. 

Sa tuwing naalala ko ang nangyari noong mga panahon na muntik ko na lokohin ang sarili ko, naisip ko buti na lang hindi naging kami. Kakayanin ko bang halikan ang mabaho ang hininga? Kausapin nga lang ay parang tinutulak na ako eh paano pa yun malapit? Torture yun! Buti na lang hindi ko piniling isakripisyo ang sarili kong kapakananan. 

"Love is smell-blind" para sa iba. Nasa bawat isa sa atin na ang kapangyarihang pumili. Kung hindi naman malakas ang pang -amoy mo at hindi ka naman sensitibo sa kalinisan ng katawan ay maaari mo naman ipagamot yun. Maari ka rin naman magtoothpaste gamit ang bawang at magmumog gamit ang sibuyas para patas kayo. Pwede naman masanay ka na sa ganoon. Minsan hindi ka pa nagsasalita sumisingaw na sa ilong mo ang sangsang ng hininga mo. Huwag ka lang magtaka kung lalayo ang ibang kausap mo.Kapag nagawa mo yan ay bilib na ako sa iyo. Siguro nga may "true love." Pwede rin naman na mayroon lang talagang matibay ang sikmura tulad mo. hehe. 

Iba iba naman tayo ng gusto o hinahanap sa kung sino man ang makakasama natin sa buhay. Wala nga ba sa pang-amoy ang pag-ibig? Hindi ba naaamoy ang pagibig? "Love knows no smell" nga ba? Ikaw ang magpatunay.


Ikaw, totoo nga bang "Love is 'smell-blind'"?


P.S. Maaring basahin ang mga pahinang ito:

Si Mr. To-Sir-With-Love
https://mgakuwentonian.blogspot.com/p/si-mr-to-sir-with-love.html

Si Mr. To-Sir-With-Love II
https://mgakuwentonian.blogspot.com/p/si-mr-to-sir-with-love-ii.html

Si Mr. To-Sir-With-Love III
https://mgakuwentonian.blogspot.com/p/si-mr-to-sir-with-love_3.html

Mga Komento

Mga Mabebentang Kuwento

Paano ba kami kapag may patay?

I sa sa iniiwasang pag-usapan ang tungkol sa patay. Pero paano ba kapag may patay kami? Katulad ng maraming pamilyang Pilipino, marami kaming sinusunod na pamahiin kapag mayroon kaming patay. Noong college ako ay nagsulat ako tungkol sa mga pamahiin ng mga Pilipino sa patay. Marami tayong mga pamahiin dito sa Pilipinas. Nag-iiba, nadagdagan at nababawasan ang mga ito depende sa lugar o probinsya. Pero sa mga pamahiin natin, ang mga pamahiin sa patay na ata ang pinakamarami.  Hindi man madaling isipin ang mamatayan  ng isang mahal sa buhay dahil lungkot ang una nating nararamdaman pero ito ay isang kaganapan kung saan dumarating ang mga kamaga-anak at nagkakaroon ng instant reunion. Umuuwi ang mga nasa ibang lugar na hindi madalas umuwi o nagpapadala ng pera ag dating mahirap hingan ng pera. Dumarating din ang mga outside the kulambo na pamilya sa mga lalaking may itinatago sa tunay na pamilya.  Habang nag-lalamay, inaalala ng mga tao ang namayapa. Paano ba siya noo...

Bakit Tayo Makasarili?

Bakit nga ba tayo makasarili? Ako, ako, ako, parati na lang ako sabi nga sa pelikula. Para sa iba, hindi nila maamin na makasarili sila, kasi para sa kanila perpekto sila. Sige na, kayo na. Pero para sa atin na aminado sa ating pagiging makasarili, bakit nga ba tayo ganito? Paano ba tayo nagiging makasarili? Sabi nga mahalin muna natin ang ating mga sarili bago tayo magmahal ng iba. Hindi masamang mahalin ang sarili. Kaya lang, lahat ng sobra ay  masama. Lahat rin ng bagay na sumasagasa na sa interes ng iba ay maaari na rin makasama. Dahil hindi natin maiiwasan ang pakikipag-ugnayan sa ating kapwa. Dito nasusukat ang ating pagkatao. Dito rin nalalaman kung paano natin tinitimbang ang mga bagay sa buhay natin.  Tignan natin ang mga ebidensya ng ating pagiging makasarili sa araw-araw. Kalamidad. Bakit nga ba nagbabaha? Isa na ata sa mga bagay na nakasanayan na ng mga nakatira sa siyudad ay ang karanasan sa baha. Bakit nga may baha? Paano imbes na itago muna ang balat ...

Na-LSS Ka Na Ba?

Na-LSS ka na ba? (LSS = Last Song Syndrome pero puwede rin naman na Last Sound Syndrome) Ito ay nangyayari tuwing mayroon tayong paulit-ulit na kanta na naririnig. Minsan tinatamaan tayo ng LSS dahil gusto natin ang kanta, minsan naman dahil ayaw natin sa kanta.  Natutunan ang tungkol sa pagkakaroon ng LSS noong ako ay nasa elementarya at high schol pa lang ako. Parati namin naririnig ang mga nagtitinda ng Selecta na tumutugtog upang manawag ng mga bibili lalo na mga bata. Dahil dito ay inuulit na ng kaibigan ko ang tugtog. Pero bago pa lang nangyari iyon ay naalala ko na sa sobrang pagkagusto ko sa isang kanta ni Ate Regine ay minsan kahit antok na antok na ako ay hindi ko mapigilan na hindi kumanta habang pinatutugtog ito sa radyo sa service. Nakakahiya man na nakikita ng mga ka-service ko na kumakanta ako habang natutulog bago ko napansin na ginagawa ko ang pagkanta at pagtulog ng sabay.  Noong nag-aral ako sa ibang bansa ay minsan pumunta kami ng mga kaibigan ko s...