Marami sa atin ay ayaw mag-isa. Sabi nga ni John Donne, "No man is an Island." Lahat raw tayo parte ng isang malaking populasyon ng mga tao. Ito nga kaya ang dahilan kung bakit ayaw natin mag-isa?
Mayroon sa atin ang natatakot mag-isa sa bahay. Naaalala ko ang sinasabi ng mga mommy ko dati kapag napag-usapan ang takot na mapag-isa sa bahay. Sabi nila, "bakit ka matatakot sa sarili mong bahay?" Totoo nga naman. E paano naman hindi kami natatakot sa bahay, sa dami ba naman napapanood namin na horror movies at documentaries (tulad ng sa Magandang Gabi Bayan dati), hindi ka ba matatakot? Sa totoo lang kapag gabi tapos maaalala ko ang mga napanood ko, nahihirapan na ako matulog may kasama man o wala sa bahay.
Ang iba ay natatakot matulog ng walang kasama habang buhay. Hindi ba mas mabuti nang matulog ng walang kasama kasi tahimik kaysa naman mahirapang matulog dahil humihilik ang katabi mo? Haha.
Marami sa atin ang ayaw mag-isa lalo na kapag kumakain. Naalala ko yun isang kaklase ko dati. Sabi niya mukha raw kasini ewan kapag mag-isa ka kumakain. Mas gusto ng karamihan kumain ng may kasama. Mas masarap raw kasi kumain kapag may kasalo lalo na kung mainit ang chismisan. Malungkot raw kumain mag-isa. Yun iba kapag walang kasabay ay mas pipiliin na lang magutom. Para daw wala silang gana kumain. Noong bata bata pa ako ay ayaw ko rin kumakain mag-isa sa labas. Hinihintay ko ang mga kaibigan ko noong nasa kolehiyo pa ako upang makasabay ko kumain. Ayoko kumain mag-isa noon kasi baka isipin ng mga tao loner ako. Nakakahiya. Ewan ba. Pero noong nagsimula na akong magtrabaho ay mas pinipili ko na ang sarili ko kaysa ang iisipin ng ibang tao. Natutunan ko nang maging komportable na kasama ang sarili ko lang. Minsan sa pagkain ko na mag-isa ay mayroon akong mga nakikilala na ibang tao. Hindi ko na rin kailangan mahiya na tapos na kumain ang mga kasabay ko kasi madalas ako ang nahuhuling matapos. Medyo mabagal talaga ako kumain kapag mayroon mga kasabay.
Ang iba naman ay ayaw na lumalabas ng mag-isa lalo na upang gumala o mag biyahe sa ibang lugar/bansa. Pero sa totoo lang, masarap mag-isa. Masarap kasama ang sarili mo. Malaya kang gawin ang gusto mo. Walang magsasabi sa iyo kung ano ang gagawin mo, saan ka pupunta, atbp. Yun nga lang swertihan ang pagkakaroon ng matinong kuha na andun ka. Ngunit ito ang pinakamagandang pagkakataon upang makasama mo ang mundo--ang mga hindi mo pa kilala. Dito lumalawak ang ginagalawan mo. Hindi ka na nananatili sa mundong puro kakilala mo lang. Hindi lang ang mundong nakasanayan mo na ang mundo sa pagkakataong ito. Paminsan minsan ay natatakot pa rin akong maligaw pagkatapos ng ilang beses ko nang pagkaligaw. Ngunit hindi iyon dahilan upang hindi ko subukan lumabas ng mag-isa. Noong maranasan ko na gumala mag-isa, kahit may mga kasama ako o pwedeng kasama umalis ay hinahanap ko pa rin ang mga pagkakataon na ako lang mag-isa. Mas masaya ako. Mas komportable. Mas nakakahinga ako. Mas nakakapag-isip ako ng maayos.
Ang takot na mag-isa tulad ng karamihan sa mundo ay likha ng ating kaisipan lamang. Kaya maari nating piliin na hindi matakot. Minsan dahan dahan. Minsan biglaan. Nasa bawat isa sa atin ang kapangyarihan pumili kung kailan natin haharapin ang ating kinatatakutan kahit ito pa ay ang pag-iisa.
Ikaw, natatakot ka bang mag-isa?
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento