Puwede na ba ang "Puwede Na"?
Bakit nga ba sa ating mga Pilipino madalas natin naririnig na "puwede na (yan)"? Kaysa naririnig natin na, "hindi puwede ang puwede na."
Effort paghirapan ang 100 na grade. Effort magkaroon ng Honors. Hindi naman lahat ng nag-aaral ng mga 100 na grade sa card o may honors pag graduate ay yumayaman. Oo, pero yun alam mong binigay mo ang lahat lahat ng makakaya mo para sa kung ano man ang makukuha mo habang nag-aaral ka ay tunay na makakapagpasaya sa iyo maraming taon man ang lumipas. Hindi ang pangongopya sa kaklase o sa mga nakalagay sa internet ang solusyon. Hindi ang paglalaro ng Dota o kaya ay mag update ng Facebook timeline ng bawat minuto ang magbibigay sa iyo ng pangmatagalan at tunay na kaligayahan. Hindi ang pag una sa pakikipag-boyfriend (o girlfriend) kaysa gumawa ng assignment o mag-aral para sa exam ang magpapaligaya sa iyo. Pwede na sa iyo ang pasado lang?
Parang sa buhay yan eh. Dahil sa ngayon pwede na sa iyo ang pasang awa, sa buhay mo pwede na rin ang basta may pera lang. Pwede na yan trabaho na yan sa akin basta may pera kaysa wala. Oo, totoo naman na mas mabuting may trabaho kaysa umaasa sa iba. Pero higit na mas makakapagpasaya ang malaman mong ang trabaho mo ay parang hindi na trabaho sa sobrang gusto mo ang ginagawa mo dito.
Isa sa mga sinasabing dahilan ng "pwede na" attitude natin ay ang katamaran. Aminin na natin, nakakatamad magsikap pa. Masakit lang tanggapin na marami sa atin ang tinatamad pagsikapan ang mas mataas na pangarap. Pwede na. Mabubuhay naman ako sa pwede na.
Kaibigan 1: "Anong itsura niya?"
Kaibigan 2: "Uhm, pwede na…"
Kaibigan 1: "Gwapo ba?"
Kaibigan 2: "Uhm, pwede na…" sabay dagdag ng mga katangian na katanggap-tanggap kaysa istura niya. "Pwede na, mabait naman eh." "Pwede na, magaling naman magpatawa eh." "Pwede na, mayaman naman." Ano kaya naman mabigyan lang ng katwiran, "Pwede na, magiging choosy pa ba ako?"
Sa larangan ng pakikipag-relasyon, naririnig natin iyan. Pwede na yan, ilang taon ka na ba? Pwede na yan, mayaman naman. Pwede na yan, basta 'di lang single. Pwede na.
Bakit ba hindi natin maintindihan na magkaiba ang "pwede na" sa "pwedeng pwede"? Una, magkaiba ang spelling at bilang ng letra. Pangalawa, magkaiba ang ibig sabihin nila. Bakit ba may standards ka pa tapos ikaw mismo ang lalabag dito para lang sa pwede na? Magiging totoo ka bang masaya sa "pwede na" kaysa "pwedeng pwede"?
Ang hirap nga lang ay magtatanong tayo kung bakit ang dami nating hinahanap na hindi natin nakukuha pa rin. Bakit parang may kulang? Bakit parang may "something" na hindi ko maintindihan? Bakit parang walang totoong pagbabago sa buhay ko? (Disclaimer: hindi po ako nag-eendorso ng kandidato at hindi rin ako naniniwala sa mga pinagsasabi ng mga politiko) Bakit parang pareho pa rin?
Anong nangyari? pumayag ka kasi na pwede na ang pwede na. Hindi mo pinaghirapan ang tunay na mabuti, ang tunay na magaling, ang mataas na pangarap. Nakuntento ka sa mababang standard kasi pwede na ang pwede na.
Effort maghintay sa lalaking tunay na magmamahal sa akin at pasado sa standard ko. Paano kung maiwan na ako ng panahon? Hindi naman lahat ng may asawa o may karelasyon araw araw masaya. Bakit mo pipilitin ang sarili mo sa isang relasyon o sa isang tao kung hindi naman talaga siya naaayon sa standard mo? Darating din ang panahon na maghahanap ka ng bagay na nasa standard mo pero wala sa kanya. Sana pala naghintay na lang ako. Sana pala hindi na lang. Parang Reyna Elena ang pagsisi, kailangan nasa huli.
Ikaw, pwede na ba ang pwede na?
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento