Lumaktaw sa pangunahing content

Bakit ba may mga 'PAASA'?




Ang tanong ng marami: bakit ba may 'paasa'? Madalas mong maririnig ang salitang 'paasa'. 'Asa ka pa', 'asa pa more', 'paasa lang', 'huwag kang paasa'.

Marami ngang 'paasa' talaga. Halos lahat na ata ng tao nagiging 'paasa' minsan sa buhay nila. Kahit tayo mismo guilty tayo diyan dahil hindi naman yan limitado sa larangan ng pag-ibig ngunit sa ibang bagay sa araw-araw nating buhay. 

Masalimuot na usapin ang tungkol sa mga 'Paasa'. Ngunit bago ang lahat ay paano ba natin maiintindihan ang salitang 'paasa'? Mula ito sa salitang ugat na 'asa'. Ayon sa www.tagalog-dictionary.com, ang mga kaugnay na mga salita ng 'asa' ay: hope, expect, trust, promise, view, desperate, chance. Sabi naman sa tagalog.pinoydictionary.com, ang mga salitang pag-asa ay: hope, trust, dependence, chance, anticipation.

May 'FILIPINO TIME' nga ba o sadyang 'PAASA' lang?

Nagkasundo kayo ng mga kaibigan, kaklase, ka opisina, pinsan, mo sa oras na magkikita kayo tapos darating makalipas ng ilang oras. Filipino time, kung ano man time yan, pinaasa mo pa rin ang kausap mo na darating ka sa oras na pinagkasunduan niyo pero nasaan ka??? Traffic? Hindi na mawawala ang traffic kaya huwag mo siyang gamitin na dahilan. Umalis ka ng maaga sa bahay. Ano kaya ay sabihin mo na ang totoo na hindi ka makakarating sa oras na pinag-usapan niyo. Paasa! 

'MALAPIT NA' asa pa kayo!

Minsan para hindi mahalata na mahuhuli ka sa oras na pinagkasunduan niyo kapag tinanong ka nila kung nasaan ay ang hirap sabihin ng totoo. 
Pagka-alis na pagka-alis mo ng bahay sasabihin mo sa kausap mo: "On the way na" maniniwala naman ang siya/sila. 
Pagkalipas ng ilang minuto wala ka pa rin sasabihin mo na "lapit na" kahit na sa totoo lang alam mong malayo ka pa kaya nagdadasal ka na sana hindi traffic ano kaya ay sana late rin sila dumating.
Tatanungin ka ulit sagot mo naman "be there in a while (traffic lang)" kahit hindi naman talaga traffic tanghali ka lang talaga umalis sa bahay.
Para hindi mainis sa iyo "be there in five minutes" kahit na alam mong mahina na ang 15 minuto para makarating ka sa lugar na pina-usapan niyo. 
"naglalakad na/hanap lang ng parking"
"hinahanap ko lang yun lugar (naligaw ata ako)".
Ang daming dahilan. Ang daming sinasabi. Pinaasa mo lang talaga siya/sila. Aminin mo na, guilty ka. Paasa!

Minsan nag-usap kami ng mga kaibigan ko na magkita ng alas 6 ng umaga para maaga makarating sa pupuntahan naming resort. Dumating ako ng alas 6, walang ligo at kulang sa tulog. Pagkalipas ng ilang minuto ay dumating na ang isa ko pang kaibigan. Ilang minuto pa ay isa-isa na rin nagdatingan ang iba. 
"Pasado alas 7 na, nasaan na si A??? Di ba alas-6 ang usapan?" tanong ko sa kanila.
"Sandali tatawagan ko." Sabi ng isa. "Hello A, na saan ka na? Nandito na kaming lahat?"
"Oo, malapit na ako." Sagot ni A.
Makalipas ng 30 minuto. "O, na saan na si A? 30 minuto na. Sabi niya malapit na siya ah." Sabi ko.
"Oo nga, sandali tawagan na natin ulit." sagot ng isa. "Hello A, na saan ka na?"
"Eto naglalakad na." Sabi ni A.
"Tanungin mo kung saan siya naglalakad. Baka sa labas ng bahay nila." Sabi ko. 
"San ka ba naglalakad? Sa labas ng bahay niyo?" 
"Haha. Oo, nahuli kasi akong gumising. Kakaalis ko pa lang ng bahay." Sagot ni A. 

Nangyari na ba yan sa inyo? Minsan nakaka-init ng ulo kasi nagsakripisyo ka para makarating sa oras na pinagkasunduan. Minsan rin naman parang sanay ka na minsan talagang ganyan mayroon talagang hindi tumutupad sa oras. Minsan talagang may 'paasa' lang. 

Ang Makulay na 'DRAWING' ng 'SUSUNOD AKO' (promise!)

Bukod sa paggamit ng 'Filipino Time' at traffic upang makalusot sa pagsira sa oras na pinagkasunduan ay mas matinding magpaasa ang mga salitang 'susunod ako' o 'titignan ko'

Siguro nga hindi kumpleto ang barkada kung wala ang isang tinatawag nating 'Drawing'. Siya yun mahilig magsabi ng 'susunod ako' ano kaya ay 'titignan ko' sabay hindi sisipot sa usapan. Minsan tinatawag din natin na 'Indian' o 'Indyan'. "Drawing ka na naman eh. Inindyan mo kami." (Maari rin basahin ang "Na-Indyan ka na Ba?" http://mgakuwentonian.blogspot.com/2014/08/na-indyan-ka-na-ba.html)

Ito yun sa sinasabing "better late than never", yun 'Filipino Time' ang late at ang 'drawing', 'indyan' ang never. Yun tipong namuti na ang mata mo sa paghihintay pero hindi pa rin dumating ang kausap mo. Maliwanag na 'na-indyan' ka. Asa ka pa kasi!

Dapat talaga IF IT'S LATE IT'S FREE!

Sa dami ng mga dahilan kung bakit hindi tayo makasunod sa oras na pinag-uusapan ay siguro dapat may multa ang nahuli. 

Kakaiba dito sa Pilipinas pagdating sa oras. Isa sa pinakamatindi magpaasa ay ang mga tinuturing natin na FASTFOOD joint. Sa lahat ng fastfood, ay dito ka paghihintayin 15 minuto, 10 minuto, minsan umaabot pa ng 30 minuto! Pumunta kami dati ng isang kasama ko sa trabaho sa isang Fastfood joint upang makabalik agad sa opisina. Ngunit habang nakapila pa kami ay biglang mayroong babaeng lumapit sa counter at gumawa ng eksena. Nagsisisigaw siya dahil raw ang tagal tagal na niyang naghihintay wala pa raw ang pagkain niya. Inisip pa namin, "grabe naman siya ang OA. Gaano katagal ba ang matagal para sa kanya?" Kaya tuloy pa rin kami sa pagbili. Ayun, pagkalipas ng 30 minuto naisip namin, "totoo pala ang tsismis. Kaya pala gumawa na ng eksena si Ate kanina." 

Paasa ang mga Fast Food joint na yan! Minsan upang hindi ka paasahin ay nahihilaw naman ang pagkain. Luto ang labas ngunit may dugo pa sa loob. Paasa pa rin.  Sa commercial parang ang sarap, parang ang laki ng serving. Pero subukan mong bumili makikita mo na umasa ka lang. mabenta ang pagpapaasa nila. Akala mo sarap na sarap ang endorser sa TV, pero kapag ikaw na ang kumakain ay iba na ang reaksyon mo. "K, lang. Sakto lang." Ganyan rin sa mga produkto. Minsan nga nagtataka ako sa mga kompanya bakit yun mga hindi naman talaga gumagamit ng mga produkto ang kinukuha nilang endorser. Tama ba naman yun sobrang payat na artista ang kunin na endorser ng pampapayat na gamot???? Parang buto't balat na yan mula bata pa! E yun artista na sobrang puti yun ang kinuha na endoser ng pampaputi? Anak ng dayuhan yun kaya pinanganak na siyang sobrang puti! Tayo naman mga ordinaryong mamamayan ay aasa na maging katulad nila. Sabagay paano ka bibili ng makeup kapag nakita mo yun saleslady na hindi maganda?

Dati mayroon promo ang isang kompanya ng pagkain na kapag nagpa-deliver ka ng pagkain at nahuli ang dating kaysa oras na sinabi nila ang kanilang taga-deliver ay libre na ang order mo. Ano man ang dahilan kung bakit hindi sila nakatupad sa usapan ay dapat na may kapalit ang pagpapaasa sa iyo na darating ang pagkain sa oras na sinabi nila. 

Kwento ng kasama ko dati sa trabaho na sinubukan nila magpa-deliver sa kompanya na iyon. Tiyempo naman na nahuli ng dating ang nagdala ng pagkain. Kinantiyawan daw nila na "LIBRE, LIBRE…" Nakasimangot raw ang delivery boy. Siguro sa kanya ibabawas ang pagkain na nahuli niyang nadala, ngunit kung iyon ang magiging dahilan upang ayusin nila ang sistema nila upang matupad ang mga pinangako nilang oras sa tao ay hindi masama ang polisiya. Noong bago lang ako sa ibang bansa upang mag-aral dati, nakita ko kung paano magmadali ang mga nag-momotor.  Ang iba mas mataas pa sa kanila ang dala-dala sa likod. Sa pagkain naman ay hindi ka maghihintay ng matagal. Mahalaga sa kanila ang oras pati na rin sa mga taong mas matinding umasa sa magandang serbisyo nila. Dito mag taxi, jeep, bus, truck ang makikita mong kung magmadali ay parang sila ang may-ari ng kalsada. Naghahabol sila sa oras pero bakit marami pa rin ang paasa sa oras? Kailangan ba talaga may pera na pinag-uusapan dito?

Naaalala ko tuloy ang isang kaibigan namin na ilang oras kami pinaghintay. Dumating ba naman siya sarado na ang mga kainan. Ginawa namin sinabi namin na dahil sobra niya kaming pinaghintay (at pinaasa) ay dapat ilibre niya kami. Buti na lang ay may McDonald's na malapit. Binili namin ang lahat ng gusto namin. Nagpa-upgrade pa kami ng drinks. Sabi pa ng crew sa amin, "add 20 pesos po kapag Large Orange Juice". Sagot naman namin, "Wala kaming pakialam! Kahit magkano pa." Siyempre sa isip namin, hindi naman kami ang magbabayad kaya ayos lang. hehe. Masarap talaga kapag libre. 

Akala niyo kayo lang ang PINAASA!!!!

Sa tuwing naririnig natin ang salitang "Paasa" ay una nating naiisip na tayo ang biktima. Pero sa totoo lang ay nagpapaasa rin tayo. Minsan hindi natin napapansin na nagpapaasa rin tayo. Tulad sa mga tindahan. Sagot ng mga tindero at tindera mula sa tabing kalsada, tiyangge hanggang sa mga mall, restaurant, at kahit online ay "Paasa kayo!"

Paano? Mahilig kasi tayong tumingin tingin. Nagtatanong ng presyo. Minsan sasabihin pa, "babalik na lang kami/ako." Tapos hindi na natin binabalik kapag may nakita na tayo na mas mura o mas maganda kaysa una nating nakita. Paasa. Paasa na babalik. Paasa na bibili. Paasa. Depensa naman ng mga mamimili ng mga low quality na mumurahin na gamit (alam na saan gawa) madali naman masira tinda ng iba. Asa kasi ng magandang kalidad pero ayaw magbayad ng malaki. Parang minsan ang mga kamag-anak ko. Nagpunta kami sa isang hotel. Puro reklamo sa pangit na serbisyo at pasilidad. Ang mura mura nga ng binayad pang budget hotel lang, asa pa ng pang 5-star hotel?

Minsan nagkita-kita kami ng mga kaklase ko noong high school. Kolehiyo na kami kaya umaasa lang kami sa allowance. (Dumidepensa agad). Sabi ng isa naming kaibigan kumain daw kami sa isang restaurant sa loob ng unibersidad niya. Pumasok naman kami. Aircon, mukhang mahal agad. Umupo kami. Binigyan kami ng menu. Napalunok kami ng mga kasama ko. Ang mahal pala. Iniisip ko "magkano nga ba dala kong baon ngayon?" Parang pang tatlong tanghalian ko na ang presyo ng isang meal! Tinanong ko ang kasama ko kung mayroon na siyang napili. Tumingin siya sa akin sabay bumulong, "ang mahal pala ng pagkain dito. Gusto mong umalis?" "Ikaw bahala." Sagot ko naman medyo nahihiya kasi. Minsan kapag ganoong sitwasyon, kahiyaan na lang kahit mahal ay binabawasan ko na lang ang ipon ko. Pero sa pagkakataong iyon ay tumango siya sa akin. Tumingin kami sa mga waiter. Sabi namin wala pa ang kasama namin (yung nagyaya doon), kaya babalik na lang kami. Totoong wala pa naman ang kasama namin na hinihintay namin. Ngunit wala na kaming balak bumalik sa araw na iyon doon. Nagtatrabaho na ata ako noong bumalik ako upang kumain doon. Tinupad ko naman ang sinabi ko na babalik ako, kaya lang iba na ang kasama ko at ilang taon rin ang lumipas. 

Nararanasan rin ng mga tsuper ng jeep yan. Paano? Minsan kasi may mga nakikita sila sa tabi ng kalsada akala nila sasakay. Titigalan pa nila yun pala hindi sasakay. Mayroon naman sasakay nga yun nga lang tatakas sa pagbabayad. Pinaasa lang ang kawawang tsuper na makakadagdag sa boundary nila ang bawat pasaherong naisasakay nila. Kaya lang may iba na mas pinipiling magpaasa. Iba ang ang dahilan ng mga pasaherong paasa. Ang iba gusto lang makalamang sa kapwa. Gusto makalibre. Pero mayroon din naman na wala talagang perang pambayad. Mayroon din na "trip lang" mag "1, 2, 3." Ang masaklap ay ang mga paasa na magbabayad, yun pala ay balak tangayin ang pera at mahahalagang gamit ng tsuper at ang mga pasahero. (Hindi ko pa nagawa yan ah!)

Pahiram ng PAGASA...

Matindi rin magpaasa ang mga nanghihiram ng libro sa library. Kailangan mo ng isang libro para sa isang klase mo ngunit hindi naman ibabalik ang libro ng nanghiram. Minsan nagrenew pala. Minsan naman magbabayad na lang siya ng overdue. Minsan naman nawala pala niya ang libro. Minsan rin hindi naibabalik ng maayos ang libro sa lugar na pinagkuhanan nila. 

May mga tao na naghihiram sa atin ng gamit, pera, atbp. Ang galing manghiram. Pinaasa ka na walang magiging problema sa pagpapahiram mo sa kanila. Ibabalik nila ang hiniram sa tamang panahon, ngunit minsan takdang panahon lang ang dumarating ngunit ang hiniram nila ay hindi kasama. Minsan hindi na sila natatagpuan. Naging biktima na ako dati ng mga ganyan. Sabi sa akin, ibabalik raw ang pera ko pagkalipas ng ilang buwan lang. Kailangang kailangan lang daw kasi pero karamihan sa kanila hindi na naibalik ang hiniram nila. Mga paasa. Kaya nadala ako sa pagpapahiram ng pera ko kahit na magkano lang. MInsan naiisip ko kapag maliit lang, bigay ko na lang iyon sa kanila kaysa umasa pa ako na maibabalik ang pera ko, at higit sa lahat ang tiwala ko sa kanila. 

Sa gamit mas madalas na naibabalik naman sa akin ang mga hiniram sa akin. Minsan nga lang hindi na lalo na kapag mga pinsan ko ang nanghiram. Minsan rin nakakalimutan ko ibalik ang gamit nila kaya patas lang kami naging paasa sa isa't isa. Sinasabi ko naman sa kanila na nasa akin ang gamit nila kapag nagtatanungan kami. Ang nakakainis naman kasi ay ang manghihiram ng gamit mo tapos hindi ibabalik sa iyo. Kapag tinanong mo ay hindi aaminin na hindi pa nila naibalik ang hiniram nila. Nakakainis rin na minsan ibabalik nga sa iyo sira naman. Ingat na ingat ka pa naman na madumihan o magusot ang pahina ng libro mo tapos pagbalik sa iyo ay parang nasalanta na ang libro mo. Mapapabuntong hininga ka na lang. Kahit papaano ay naibalik ang gamit mo. 

Para sa Pagbabago, PAASA ang Iboto!

Tuwing eleksyon na lang ay nagkalat ang mga paasa. Ang daming nagpapaasa sa atin. Pagsisilbhan raw tayo. Magkakaroon daw ng pagbabago. Uunlad raw ang bayan. Magaling silang mangako pero kapag nanalo ay asahan mong bulsa lang nila ang nagbago--mas lalong tumaba, Pero ang bayan napabayaan na. Mga paasa. Sinuswelduhan ng pera ng bayan ang mga ito upang mag paasa. Ang galing magsalita sa TV, sa radyo. Akala mo marami talagang nagagawa para sa ikabubuti ng karamihan, pero ang totoo paasa lang sila. 

Mayroon bang pagbabago? Oo, nagbabago ang mga nagnanakaw at nagpapaasa sa atin. Nagbabago ang buhay nila dahil mas yumayaman sila. Nagbabago rin pala ang paraan nila sa pagnanakaw. Minsan lantaran. Madalas kunwari hindi sila ang gumagawa ng pagnanakaw. Ano ginagawa ng mga kaibigan nila? Siyempre nakikinabang rin. Mga paasa! Minsan ang sarap rin nilang paasahin na iboboto niyo sila pero hindi naman talaga dahil alam na ang style nila bulok. Dapat pala hindi lang TRAPO tawag sa mga Tradisyonal na Politiko, TRAPA Tradisyonal na Paasa, ano kaya PROPA Propesyonal na Paasa. Ang galing kasi nilang magpaasa. Kailan kaya darating ang mga politiko na hindi paasa pero totoong nagsisilibi at inuuna ang kapakanan ng karamihan? Asa pa more!

Gagaling ka, UMASA ka lang!

Upang hindi tayo matakot, marami ang nagpapaasa sa atin na hindi gagaling tayo gaano man kalubha ang sakit natin. ASA lang. 

Kapag alam na ng doktor na may taning na ang buhay ng isang pasyente ay kinakausap ang mga kaanak nito. Ipinapaliwanag ang katotohanan at nang hindi na sila umasa na makakasama pa nila ng matagal ang kaanak na maysakit. Pero sa harap ng pasyente ay pinapaasa ito na gagaling basta uminom lang ng gamot at gawin lang ang sasabihin ng doktor. 

Minsan may himala na dahil naniwala ang pasyente na gagaling siya ay gumaling nga. Minsan talaga kahit ilang galong pag-asa ang laklakin o ipaligo ng maysakit ay si Kamatayan at ang mga punerarya pa rin ang nagkakaroon ng booking.

Kung kailangan ang pagpapaasa upang humaba ang buhay ng isang tao ay masasabi nating mahalaga rin ang maging paasa paminsan minsan. Pag may time lang naman. Hindi parating negatibo ang dulot nito. (Sinabi lang na "'paasa" akala ng mga tao parating tungkol sa love life. Pwedeng hindi!)

PINAASA ka? Gamitin ang Lifeline: Call-a-Friend!

Kapag may nagpapaasa sa iyo, humanap ng magbibigay ng panibagong pag-asa. Anong ginagawa ng pamilya, kamag-anak at mga kaibigan mo? Hindi katulad sa Who Wants to Be a Millionaire na isang beses ka lang pwedeng mag Call-a-Friend sa totoong buhay. Unlimited ang lifeline na iyon. Kahit kailan maari mong gamitin. Unlimited ang supply ng pag-asa para sa iyo. 

Minsan sasabihin nila, magdasal ka lang. Minsan hihiritan ka ng bible verses o quotes. Minsan sasabihan ka ng hugot lines para tumawa ka lang. Minsan tama na ang tapik sa likod o yakap upang magkaroon ka ng bagong pag-asa sa buhay. Huwag lang parating alak ang takbuhan natin kasi magastos iyon at nakakalaki ng tiyan. Huwag naman masamang bisyo dahil masama iyon sa kalusugan. Huwag rin naman pagbili ng kung anu-ano kung wala ka naman talagang pera. Huwag gumastos upang makalimot (retail therapy) kung uutangin mo lang sa credit card ang mga ito kasi baka maging paasa ka lang sa credit card companies na magbabayad ka tapos tatakbuhan mo lang sila. 

Minsan rin naman para tuluyan kang magising mula sa sobra sobrang asa na ginawa mo ay sasampalin ka ng katotohanan. Kapag nagising ka na mula sa isang maling pag-asa ang kinakailangan upang makapag simula ng bago, upang magkaroon ng pagkakataon na makaasa kang muli. Malay mo sa susunod, totoo na, hindi ka lang pinaasa sa wala. 

Sa tototo lang, ang mga magulang natin ang unang naging paasa sa buhay natin. May iba lang na hindi, pero karamihan talaga paasa sa mga anak. Paano? Siyempre, sino ba ang unang nagsabi na maganda/gwapo tayo? Sila. Kahit na sinasabi ng buong mundo na hindi ka kasing ganda/gwapo kaysa sinasabi ng magulang mo ay ikaw ang pinaka-maganda/gwapo sa paningin nila. Kahit pa mayroon kang "a face only a mother can love" ay kailangan pa rin nilang magpaasa na maganda/gwapo ka. Siyempre sa kanila ka galing baka sila ang masisi mo kung sinabi nilang pangit ka. Huwag ka na lang tumingin sa ibang tao o tumingin sa salamin. Sabi nga "what you know won't hurt you" diba? hehe. 

Pero sa totoo lang, hindi naman kailangan ang pagiging gwapo o maganda upang mahalin mo ang ibinigay sa iyo ng Diyos. Kung ano man itsura mo, pwede naman mabuhay ng masaya kasi nasa iyo ang kapangyarihan mamili. Tatanggapin mo ba ang sarili mo o magpapa-doktor ka? Ingat diyan kasi mayroon mga nabalita sa China na umasa ng bongga ang lalaki na maganda ang asawa niya kaya hindi niya matanggap bakit sobrang layo ng itsura ng anak nila sa kanila. Hindi naman siya nasalisihan. Na-peke lang siya. Umasa. Ayun, hiniwalayan ang asawa niya. Pinaasa siya. Mahilig kasi sa maganda hindi naman siya gwapo. Marami nang nagagawa ang siyensya ngayon pero hindi mo mababago ang genes mo. Kung ano nakuha mo sa mga magulang lalabas at lalabas iyon. Kaya kahit araw araw ka pang magpa-retoke ay malalamin din ang totoo na hindi mo tanggap ang binigay sa iyo ng Diyos. 

Pwede naman kasi na mahalin mo lang talaga ang sarili mo. Hindi kailangan ng tulong ng doktor. Ang mabuting personalidad nakakaganda. Kahit pa sabihin nila na "ang tunay na maganda ay nasa kabutihan ng kalooban nakikita" ay motto raw ng mga pangit. Maganda nga pero masama naman ugali. Pwede naman maging "confident" kahit 'di "beautiful" ayon sa standards ng lipunan. Paasahin mo sarili mo tuwing umaga na maganda/gwapo at parating maging masaya. Huwag lang "over" ang pagka-"confident" sa sarili mo kasi OA yun. Marami ang maiinis sa iyo. Tandaan: Lahat ng sobra masama. Ang iba nga pangit na ang itsura, masama pa ugali. Tapos gusto magustuhan sila ng mga tao? Asa ka pa diyan!

Sino ba ang Tunay na mga PAASA?

Ilang beses mo na ba narinig na, "kapag kailangan mo ng tulong, sabihin mo lang" o "nandito lang ako/kami kapag may kailangan ka"? Pero kapag dumating na ang pagkakataon na nangangailangan ka ng tulong ay nawawala na sila. Bigla kang maiiwan mag-isa harapin ang kailangan mong harapin sa buhay. Parang biglang naging bingi ang mga kausap mo. Biglang hindi mo na malapitan. Ang dami na nilang dahilan. Ituturo ka sa ibang tao. Nagka-amnesia na bigla tungkol sa sinabi nilang lumapit ka lang sa kanila kung kailangan mo ng tulong. 

Ang mas masakit pa ay minsan ang parehong mga taong nagsabi na maaasahan mo sila sa oras ng pangangailangan ay ang mismong mga taong gagawa ng masama sa iyo. Sila pa mismo ang mga taong sasaksak sa likod mo.  

Dito mo maiisip na mag-isa ka lang talaga sa buhay. Walang ibang tutulong sa iyo kung hindi ang sarili mo. Ano ba ang halaga ng mga salita nila kung hindi nila ito kayang panindigan? Bakit ang galing nila magpaasa ano? Kung isang krimen ang magpaasa at hindi panindigan ang mga salitang binibitawan, siguro ay punong puno ng mga preso ang mga kulungan dito sa Pilipinas. 

Kabataan ang PAASA ng Bayan?

Mula nang bata pa tayo ay nangangarap na ang mga magulang natin na balang araw ay maaasahan nila tayo. Pinag-aaral tayo dahil umaasa sila na darating ang panahon na kakayanin na natin tumayo sa sarili nating mga paa kapag nakapag-aral tayo. Umasa sila ng hindi natin sila pinapaasa. 

Pagdating naman sa paaralan ay umaasa ang mga magulang natin na mayroon tayong matututunan na magagamit natin sa buhay. Inaasahan nilang tuturuan tayo ng mabuti ng ating mga guro. Habang ang mga guro naman ay umaasa na mayroon tayong matutunan mula sa kanila. Umaasa rin sila ng hindi sila pinapaasa. 

Kaya lang habang lumalaki tayo ay natututunan nating maging paasa. Kasalanan ba natin na ituro sa atin na tayo ang pag-asa ng bayan? Pag-asa hindi paasa. Ibig sabihin, inaasahan nilang magbibigay tayo ng pag-asa hindi bumigo sa inaasahan nila. Ang masama, paglabas ng paaralan ay imbes na maging pag-asa ng bayan ay nagiging paasa ng lipunan. Bakit ba may korupsyon? Tinuruan naman siguro silang maging pag-asa ng bayan hindi maging paasa. Bakit maraming mga namamalimos sa kalye? Kulang ba sila sa pag-asa o sadyang pinili nilang umasa sa iba? 

Bakit mayroong mas pinipiling magbulakbol kaysa mag-aral? Bakit mayroong mga gumagamit ng masamang droga tapos gagawa ng masama sa kapwa? Bakit? Hindi ba umaasa ang mga magulang nila sa kanila? Bakit hindi ba sila naturuan na ang bawat isa sa atin ay pag-asa ng bayan? Bakit?

UMASA lang ba ako ng sobra?

Sa larangan ng pag-ibig, marami ang nasasawi dahil umasa na mahalin sila ng mga gusto nila pinaasa man sila o hindi. Marami ang nagpaasa sa atin mula nang bata pa tayo. Fairytales, komiks, cartoons, pelikula at mga palabas sa TV na tungkol sa pag-ibig. Dinagdagan pa ng mga Latin American telenovela, Chinovela, Koreanovela, Pinoy teledrama, pocketbook, at marami pang iba. Kaya tuloy minsan parang ang drama ng buhay natin kahit hindi naman dapat maging madrama.

HUWAG UMASA SA PAASA. Huwag umasa kung hindi talaga sinabing gusto ka rin niya. Sabi nga sa larangan ng pagibig ay walang gray area. Gusto ka niya o hindi. Mahal ka o hindi. Kayo talaga o hindi kayo. Walang 'pero pero.' Walang 'baka.' Walang 'ewan.' Walang 'siguro.' Hindi rin pwedeng 'minsan oo, minsan hindi.'  Kahit 'pwede' hindi pwede, dapat 'talaga.' Walang pag-aalinlangan. 

Parating tinatanong ng bayan, bakit may 'paasa'? Masama bang umasa? Hindi. Lalo na kung kailangan mo para mabuhay (hope). Huwag rin puro asa lang dapat may kasamang gawa rin. Parang ang mga umaasang mananalo sa Lotto ngunit hindi tumataya. Pero yun asa na naghihintay ka na matupad ang iniisip mo (expect) yun ang ingatan mo dahil doon maraming nasasaktan lalo na kung sobra lang umasa tapos mauuwi lang sa wala. 

Kung hindi mo mapigilang umasa ay siguraduhin mo na alam mong ikaw lang ang nag-iisip niyan. Sarili mo lang inisiip at nararamdaman ang alam mo. Hindi mo hawak ang isip at damdamin ng iba. Wala kang superpowers. Hindi ka si God. Tandaan mo na kapag nabigo ka dahil sa sobra mong pag-asa ay ikaw ang may gawa niyan. Pinili mong maging ma drama ang buhay mo. Lahat naman sa buhay mo ay maari mong piliin. Maari mong piliin na maging masaya sa kung ano man ang mayroon sa buhay mo. Huwag isisi sa ibang tao ang mga nangyayari sa buhay mo. Kung sa tingin mo ay pinaasa ka, maari mo naman piliin na huwag umasa kung ayaw mo talaga diba?

Ikaw, bakit nga ba may paasa?

Mga Komento

Mga Mabebentang Kuwento

Paano ba kami kapag may patay?

I sa sa iniiwasang pag-usapan ang tungkol sa patay. Pero paano ba kapag may patay kami? Katulad ng maraming pamilyang Pilipino, marami kaming sinusunod na pamahiin kapag mayroon kaming patay. Noong college ako ay nagsulat ako tungkol sa mga pamahiin ng mga Pilipino sa patay. Marami tayong mga pamahiin dito sa Pilipinas. Nag-iiba, nadagdagan at nababawasan ang mga ito depende sa lugar o probinsya. Pero sa mga pamahiin natin, ang mga pamahiin sa patay na ata ang pinakamarami.  Hindi man madaling isipin ang mamatayan  ng isang mahal sa buhay dahil lungkot ang una nating nararamdaman pero ito ay isang kaganapan kung saan dumarating ang mga kamaga-anak at nagkakaroon ng instant reunion. Umuuwi ang mga nasa ibang lugar na hindi madalas umuwi o nagpapadala ng pera ag dating mahirap hingan ng pera. Dumarating din ang mga outside the kulambo na pamilya sa mga lalaking may itinatago sa tunay na pamilya.  Habang nag-lalamay, inaalala ng mga tao ang namayapa. Paano ba siya noo...

Bakit Tayo Makasarili?

Bakit nga ba tayo makasarili? Ako, ako, ako, parati na lang ako sabi nga sa pelikula. Para sa iba, hindi nila maamin na makasarili sila, kasi para sa kanila perpekto sila. Sige na, kayo na. Pero para sa atin na aminado sa ating pagiging makasarili, bakit nga ba tayo ganito? Paano ba tayo nagiging makasarili? Sabi nga mahalin muna natin ang ating mga sarili bago tayo magmahal ng iba. Hindi masamang mahalin ang sarili. Kaya lang, lahat ng sobra ay  masama. Lahat rin ng bagay na sumasagasa na sa interes ng iba ay maaari na rin makasama. Dahil hindi natin maiiwasan ang pakikipag-ugnayan sa ating kapwa. Dito nasusukat ang ating pagkatao. Dito rin nalalaman kung paano natin tinitimbang ang mga bagay sa buhay natin.  Tignan natin ang mga ebidensya ng ating pagiging makasarili sa araw-araw. Kalamidad. Bakit nga ba nagbabaha? Isa na ata sa mga bagay na nakasanayan na ng mga nakatira sa siyudad ay ang karanasan sa baha. Bakit nga may baha? Paano imbes na itago muna ang balat ...

Na-LSS Ka Na Ba?

Na-LSS ka na ba? (LSS = Last Song Syndrome pero puwede rin naman na Last Sound Syndrome) Ito ay nangyayari tuwing mayroon tayong paulit-ulit na kanta na naririnig. Minsan tinatamaan tayo ng LSS dahil gusto natin ang kanta, minsan naman dahil ayaw natin sa kanta.  Natutunan ang tungkol sa pagkakaroon ng LSS noong ako ay nasa elementarya at high schol pa lang ako. Parati namin naririnig ang mga nagtitinda ng Selecta na tumutugtog upang manawag ng mga bibili lalo na mga bata. Dahil dito ay inuulit na ng kaibigan ko ang tugtog. Pero bago pa lang nangyari iyon ay naalala ko na sa sobrang pagkagusto ko sa isang kanta ni Ate Regine ay minsan kahit antok na antok na ako ay hindi ko mapigilan na hindi kumanta habang pinatutugtog ito sa radyo sa service. Nakakahiya man na nakikita ng mga ka-service ko na kumakanta ako habang natutulog bago ko napansin na ginagawa ko ang pagkanta at pagtulog ng sabay.  Noong nag-aral ako sa ibang bansa ay minsan pumunta kami ng mga kaibigan ko s...