Mahirap nga ba ang Pilipinas?
Bakit sabi nila naghihirap daw ang Pilipinas? Bakit nga ba parati nating naririnig na sabi sa ibang bansa mahirap daw ang Pilipinas?
Mahirap nga ba ang Pilipinas? Bakit Punong-puno ang mga mall parati? Dati wala ka masyado makikita sa mall kapag maaga pa at Lunes hanggang Huwebes. Bakit ngayon tila wala nang pinipiling araw at oras ang pagdagsa ng mga tao sa mall? Nagpapalamig lang sila? E bakit patuloy sa pagdami ang mga tinatayong mall? Ibig sabihin ba ayos lang sa mga nagmamayari ng mga ito na magtayo ng mas maraming palamigan ang mga Pilipino? Bakit kapag pumunta ka sa parking area ng mga mall at pasyalan ay sangkatutak ang mga sasakyan dito? Parang pumunta ka lang ng EDSA at C5. Punong-puno ng sasakyan. Madalas trapik. Mas madalas pa ang tigil kaysa ang paggalaw ng sasakyan. Nagiging isang malaking parking lot ang mga ito. Hindi lang basta jeep at bus o mga mumurahing mga sasakyan ang makikita mo sa kalsada, pati mga mamahalin na sasakyan tulad ng BMW, Mercedes Benz, Subaru, at iba pang "luxury car" ay makikita mo.
Mahirap nga ba ang Pilipinas? E bakit patuloy na dumarami ang mga tindahan ng mamahalin brand mula sa iba't ibang bansa dito? Prada, Chanel, Bulgari, Burberry, at marami pang iba. Hindi naman siguro sila magbubukas ng mga tindahan dito kung walang bumibili sa kanila, diba? Ang hilig pa naman ng mga Pilipino sa mga branded na gamit. Dapat may tatak. Mas mamahalin na tatak, mas gusto natin. Kahit na kapareho lang din naman ng mga ordinaryong tinda na halos 1/10 ang halaga ng mga gamit, basta may tatak ay mas bibilhin natin. Bakit? Kasi binibili natin ang tatak. Ang iba, kahit na peke ay pinapatos masabi lang na may tatak ang gamit. Ang iba, dapat may tag talaga. Ang iba gusto talagang sa tindahan binili kahit na magka-utang utang pa masabi lang na "afford" bumili ng branded ay ayos na. Wala naman daw nakukulong sa utang. Tama ba ito?
Mahirap nga ba ang Pilipinas? E bakit lahat ng latest gadget ay mayroon dito sa Pilipinas? Lahat halos ng tao mayroon cellphone. Dati tinanong ako ng isang duyahan kong boss kung bakit raw lahat ng Pilipinong nakikita niya ay dala-dalawa ang ginagamit na cellphone. Inisip ko siguro kasi yun iba gusto may pang text at tawag sa Globe, Smart, Sun, atbp. kaya ganoon. Yun iba nga pinipili na lang dual sim ang cellphone. Ibig sabihin kaya nilang mag-load para sa dalawang sim card.
Mahirap nga ba ang Pilipinas? E bakit parating nagtataas ang presyo ng mga bilihin? Ang iba pa nga nagmamahal na pumapangit pa ang kalidad. Ang iba nagmahal na, kumuonti pa ang serving (pagkain). Ang iba, nagmahal na mas madali pang masira (gamit). Lahat daw tumataas puwera na lang ang mga hindi uminom ng Cherifer, ang mga hindi ipinanganak na "vertically challenged."
Mahirap nga ba ang Pilipinas? E bakit ang daming matataba? Sa ibang mga bansa nga isang indikasyon ng prosperidad sa buhay ang pagiging mataba. Isang popular na halimbawa ay ang Laughing Buddha na kadalasan niyong makikita sa mga tindahan ng sa Binondo. Ito ay sinasabing ginagamit sa Feng Shui para makamit ang kasaganaan, mabuting kalusugan, tagumpay sa buhay, mabuting kapalaran, atbp. Sa North Korea mas gusto ang mataba kasi ibig sabihin ay nakakaangat sa buhay. Ibig sabihin maraming nakakain kaya malusog tignan ang pangangatawan. Isa pa, kapag mas mataba, mas maraming body fat na kakailanganin upang mas matagalan ang sobrang lamig doon. Marami sa mga ordinaryong mamamayan nila ang hinahangad maging mataba pero dahil hindi sapat ang supply ng pagkain ay hindi sila tumataba. Samantalang dito sa Pilipinas, maraming gustong magpapayat. Sa sobrang oily ng pagkain dito marami talaga ang mahihirapan magpapayat. Tignan mo nga ang Jollibee, McDonald's, Starbucks, atbp. Hindi ba punong-puno parati ng tao? Halos wala ka na ngang maupuan minsan tapos sasabihin na mahirap ang Pilipinas? Hindi pa naman mahilig maglakad ang karamihan sa ating mga Pilipino kaya gusto kung saan nila nais bumaba kahit na pwede naman maglakad na lang kasabay ng ibang bababa. Sari-saring klase ng pagpapapayat maririnig mo: gamot, juice, pagkain, exercise, yoga, atbp. Subukan mong maglakad lakad lalo na sa mga pasyalan makikita mong marami pa rin naman ang mataba, kung hindi naman mataba malaki naman ang tiyan. Magtataka ka nga bakit may mga nagtatrapik ang mataba e parati naman silang nakatayo (dapat). Mainit naman sa Pilipinas, kaya dapat pinapawisan tayo. Sabi nila sakit ng mga mayayaman ang Diabetes, ngunit patuloy na dumarami ang may sakit na Diabetes dito sa Pilipinas. Hindi naman nila sinasabing dumarami rin ang mayaman sa Pilipinas.
Mahirap nga ba ang Pilipinas? Bakit ang daming nananakaw ng mga korupt na politiko? Bakit marami ang nagpapakamatay mapapuwesto lang? Bakit marami ang karaniwang tao lamang bago maging politiko, ngunit bigyan mo ng ilang taon sa puwesto ay, boom, may mansyon na! Sa exclusive o mamahaling paaralan na pinag-aaral ang mga anak. Makikita mo ang mga gamit na branded. Tapos sasabihin nila mahal nila ang bayan nila. Talaga lang ah? Ah baka hindi ang bayan ngunit kung ano ang makukuha nila mula sa bayan at mamamayan. Naghahari-harian na sila, ang pamilya nila at mga alipores nila. Bakit kapag nakita mo ang halaga ng nagagastos nila sa pangangampanya ay mahihiya ang pangkaraniwang mamayan sa sobrang laki nito? Sa iba, kayamanan na ang P1000, sa kanila parang sentimo lang ang mga ito--walang halaga kumpara sa ginagastos nila. P300 Bilyon? Anong trabaho kaya ang kailangan kong gawin para magkaroon ng P1 milyon sa loob ng isang buwan, samantalang ang mga katulad nila ay kayang gumastos ng ganito para lang sa kampanya kahit hindi pa opisyal na campaign period? Nakakahiya naman sa kanila. Mahirap daw ang Pilipinas, bakit may nakakagastos ng bilyon?
Mahirap nga ba ang Pilipinas? O baka naman hindi lang kasi nagagamit sa tama ang pera nga bayan? O hindi kaya malaki lang talaga ang pagkakaiba ng mayaman at mahirap at dahil mas malaki ang populasyon ng mga hindi nakakaangat sa buhay kaya sinasabing mahirap ang Pilipinas? Marami rin naman mga pulubi kahit sa mga sinasabi nilang mayayamang bansa ah pero hindi sila tinatawag na mahirap.
Mayaman naman ang Pilipinas. Marami tayong islands kaya nga kinukuha na ng ibang bansa ang teritoryo natin eh. Kaya lang hindi natin kayang ingatan o proteksyunan. Bakit? Iba kasi ang binibigyan ng halaga ng gobyerno. Maraming likas na yaman ang Pilipinas kaya nga maraming mga dayuhan ang gustong mag negosyo dito. Kaya lang kanino napupunta ang kita? Maraming dayuhan ang nakikitang malaki ang oportunidad sa Pilipinas, malaki ang potensyal ng bayan natin. Pero marami rin ang nakakapigil sa kanila. Isa na ang sistema dito. Mayaman ang Pilipinas, ang laki ng populasyon natin, ibig sabihin malaki ang human resource. Kaya lang hindi nagagamit ang buong potensyal ng human resource natin. Bakit? Mali ang sistema. Kulang sa direksyon. Puro pansariling interes ang nauuna minsan yabang lang.
Ikaw, sa tingin mo ba mahirap ang Pilipinas?
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento