Hindi ko alam kung ano mas masakit:
(Gusto Mo) yung una kang nagkagusto sa isang taong hindi ka pinapansin pero nung nagdesisyon ka na mag "move on" dahil wala namang pag-asang magugustuhan ka rin niya ay bigla naman siyang nagpahiwatig na parang gusto ka na rin niya
O
(Gusto Ka) yung mayroon may gusto sa iyo na hindi mo inakalang magugustuhan mo kaya hindi mo binigyan ng pag-asa ngunit dahil parati nga siyang nagpaparamdam ay parang nagugustuhan mo na rin siya nang bigla mong malaman na sumuko na siya sa iyo at ibinaling na lang ang atensyon niya sa iba?
Masarap sa pakiramdam na ikaw ang gusto kahit di mo siya pinapansin ay todo papansin siya sa iyo na nakalimutan mo na ang totoong gusto mo. Masarap sa pakiramdam na ikaw naman ang hinahabol. Ikaw naman ang binibigyan ng importansya. Ikaw naman ang pinapahalagahan. Ngunit minsan nawawalan ng pag-asa ang taong may gusto sa iyo dahil ang totoo ay hindi mo maipakitang nagugustuhan mo siya dahil hindi ka naman sigurado sa nararamdaman mo na. Minsan sa paghihintay natin na maramdaman na may gusto na rin tayo sa taong nagpapahalaga sa atin ay inaakala nilang wala nang pag-asa kaya "move on" na sila.
Ikaw na lang ang dating hinangaan. Ang minsan nagpa-kilig sa kanila. Ang dating may-ari ng Facebook at Instagram account na parati nilang binibisita. Sa panahon na unti-unti mo nang nararamdaman ang pilit nilang pinararamdam sa iyo ay nawala na ang damdamin nila para sa iyo. Past ka na para sa kanila at deadma na sila sa iyo at sa mga post mo.
Dati isang text o message mula sa iyo ay nagkakandarapa sila sa pagsagot. Ayaw ka nilang paghintayin kaya agad agad andyan na ang reply. Pero sa panahon na parang gusto mo na siya ay maghintay ka sa reply na hindi na niya ipapadala sa iyo. Maghintay ka sa oras na pinag-usapan niyo dahil hindi na siya darating.
Masakit ba?
Sa tingin ko mas gusto ko na ako muna ang may gusto. Ako muna ang umasang mararamdaman niya ang nararamdaman ko. Ako muna ang kinilig sa bawat text at message niya pati na rin sa bawat "Like" at "Comment" mo sa mga post ko kahit na wala namang kwenta. Ako naunang pumakyaw sa bawat joke mo kahit sobrang corny naman talaga. Ako ang naunang bumili ng pagpapa-cute mo kahit hindi ka naman talaga kagwapuhan. Ako muna ang bumibisita sa Facebook at Instagram account niya. Ako muna ang naghihintay sa walang kasiguraduhan. Ako muna ang naloka sa pagsunod sa gusto niya. Ako muna ang nasaktan sa tuwing may post siya na may kasamang iba o parang may iba siyang gusto. Ako muna ang nagsabi sa isip ko lang siyempre na "sana ako na lang ang piliin mo, ako na lang. Ako na lang." (Si Basha lang ang peg)
Mas gusto ko na ako ang nagsabi kung kailan ko dapat tigilan na ang kahibangan ko. Kung kailan ko kakaibiganin si Katotohanan na HINDI MO AKO GUSTO. Na ako lang talaga ang nagbigay ng pasakit sa sarili kong damdamin. Loka lang talaga ako sa iyo. Ngunit, sa pagkakataon na ito na naintindihan ko na wala lang talaga ako sa iyo ay huwag mo nang asahan na maibabalik pa ang panahon na iyon. Isa ka na lang nakalipas na pahina ng kwento ng buhay ko. Isang malaking kalokohan na nagbigay kulay sa gitna ng monotonous na katotohanan na aking ginagalawan. Salamat na rin sa kilig at salamat sa akin sa sakit na ako ang gumawa. Huwag mo nang subukan pang ibalik ang nararamdaman ko dahil effort mag "move on" kapag masyado ka nang nagpaka-"tanga." (paumanhin sa salitang nagamit)
Masakit ba? Huwag ka mag-alala sandali lang yan, makakakilala ka rin ng iba. Makaka-move on ka rin dahil nakaya nga ng iba diba?
Ano nga ba mas masakit, ikaw ang naunang nasaktan o ikaw ang naunang nakasakit? Bakit ba ang hirap talaga?
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento