Lumaktaw sa pangunahing content

Pagod Ka Na Bang Maging "Bitter"?

Pagod ka na bang maging "Bitter"?

"Bitter" ka ba? Aminin na. Minsan parang alcoholism ang pagiging bitter, ang hirap aminin. Ang pagiging "bitter" parang "butter" may expiration. Matutunaw ka pag biglang nag-like sa post mo o nagparamdam ang nagustuhan mo na hindi ka naman gusto. Aasa ka na naman. Ngunit kapag nagsimula ka naman kumagat sa paasa niya, madagdagan lang ang galit mo sa kanya na parang nagdadagdag ka ng cholesterol sa puso mo sabay inom ng malamig na beer. In short, pinapatay mo ang sarili mo ng dahan dahan. Life is short para maging bitter habang buhay. Marami nang martir ang iba ginawa nang Santo at Santa, pero sila naging martir hindi dahil nagpakatanga sa love life. Kaya kung puwede lang, bigyan mo ng deadline ang pagiging bitter mo. Hindi dapat applicable ang "forever" sa pagiging bitter. Or else, mamatay kang bitter may love life ka man o hindi. 

Hindi masamang ma heartbroken kahit hindi naging kayo ng gusto mo. Sabi nila ang pagkakaiba ng mga babae sa lalaki sa larangan ng heartache ay ang mga babae ay mas pinipili ang makaka develop ng sarili (self-development), habang ang mga lalaki ay mas pinipili ang makakasira sa sarili (self-destructive).

Sa isang telenovela, may bida, may ka-love team ang bida, may mga supporting role, may kontrabida, may extra, atbp. Kung hindi ka gusto ng gusto mo, pakiramdam mo ikaw ang extra, pwede rin kontrabida sa kwento nila. Pero hindi naman  parating kailangan ikaw ang extra sa buhay ng may buhay. Puwede naman magkaroon ng kuwento ng walang partner. Puwede ka naman maging masaya kahit walang love life. Sabi nga "happily ever after is still happily ever after even without a prince." Kaya huwag hintayin magkaroon ng ka love team para lang maging masaya sa buhay. Uso rin naman ang indie films, e di ikaw na ang bida! 

Paano kung bitter ka talaga? Minsan madaling sabihin pero kapag ikaw na ang nasa ganoong kalagayan ay mahirap na. Nauuna ang tigas ng ulo. Karamihan sa atin pinipilit pa rin ang ending na gusto natin. Umaasa pa rin na ang gusto natin na ang ka-love team natin sa kwento ay ang gusto nating tao kahit pa nagsusumigaw na ang katotohanan na malabo na talaga mangyari iyon. 

Kaya dapat kapag bitter, dapat maging better. Dapat positibo ang epekto ng pagiging heartbroken sa atin lalo na kung bongga ka rin umasa sa taong hindi ka naman pala talaga gusto. Sayang naman ang lungkot at luha mo. Effort mag emote kung wala ka rin naman palang mapapala mula rito. Hindi na nga kayo nagkatuluyan nung gusto mo, maga pa mata, bumigat ang timbang mo, at negatibo pa ang mga pangyayari sa ibang aspeto ng buhay mo kasi bitter ka. 

Ano nga ba ang magagawa mo? Marami. Imbes na sirain mo ang sarili mo at ang buhay mo, dapat gamitin mo ang pagkakataon na ito upang ma-improve ang sarili mo. Mag-aral ng baong bagay. Magkaroon ng bagong hobby. Sa totoo lang, marami akong ginawa dati na ang motivation ko ay ang mapatunayan sa lalaking iyon na hindi ako pinili na nagkamali siya sa ginawa niya sa akin. Gustong-gusto ko marinig ang salitang "I'm Sorry" niya. Pero nung sinabi na niya sa akin iyon parang ok na ako. Closed na ang chapter niya. Hindi na ako bitter kaya lang parang lost na ako. Kaya lang kulang na sa motivation mag-aral ulit. Naalala ko tuloy ang sabi ng isang kaibigan ko sa grad school na parang mas mabuti pang heartbroken ako kasi marami raw ako na aachieve. Ayoko naman career-in ang pagiging heartbroken dahil hindi naman ako si Taylor Swift o si Sam Smith. Marami ang yumaman at pinagkakakitaan ang pagiging heartbroken nila, pero hindi ako sila. Pero kung balak mong maging sila, e di go. At least heartbroken ka na, mayaman ka pa! Minsan may award pa! 

Hindi mo naman kailangan isumpa ang mga couple na nakikita mo. Lalo na yun nag p-PDA sa MRT tapos mapapadikit s'yo habang iniisip mo: "maghihiwalay rin kayo". O kapag nakakita ka ng mga nagyuyupyupan sa kanto maiisip mong sana ay mahagip sila ng sasakyan. Tama nang boycott-in mo ang mga holiday na masaya sila lalo na Valentine's Day. E ano kung sabihin nilang malamig ang Pasko mo, may jacket naman! 

Bitter na kung bitter, sabi nga sa commercial sa radyo kailangan ang bitterness para maging balanse ang buhay. Kailangan ang mga bitter para sa mas mabuting kalusugan. Mamili ka: bitter ka pero malusog ka o sweet ka pero may diabetes ka naman?

Sa totoo lang, heartbroken ka kasi pinili mong maging heartbroken. Nasaktan ka sa nangyari dahil hinayaan mong masaktan ka niya noong umasa ka dahil maganda ang smile niya (may dimples pa), sa abs niya na sculpted, sa boses niyang parang nanghaharana 'pag kumakanta, sa kabaitan niya sa iyo (feeling mo thoughtful at sweet siya), at kung ano man ang naging dahilan at nagustuhan mo siya at inisip mong mutual iyon. Ikaw ang may gawa ng sakit na iyan kasi umasa ka. Kasi gumawa ka ng kwento sa isip mo na mutual ang nararamdaman niyo. Na ni-lilike niya posts mo dahil type ka niya talaga. Assuming ka lang. Minsan sadya lang na ganun siya kasi gusto niya magustuhan siya ng lahat. Feeling guwapo. Yun iba naman mabait lang talaga o FRIEND-ly. Hindi ka dahil hinahawak hawakan niya ay type ka niya. Flirt lang talaga siya, kunwari lang hindi.  Tsaka malay mo may balak  pala kumandidato yun lokong yun. hehe. 

Huwag magmadaling humanap ng bagong object of affection kung bitter ka pa. Bakit? Kasi hindi naman sa tao nagmumula ang tunay na kasiyahan. Dapat masaya ka na sa sarili mo at buo ka bago ka tumingin sa iba. Dahil mas matinding sakit ang mararamdaman mo kapag hindi ulit naging happy ending ang kwento niyo nung bago mong nakilala. Mas lalo ka lang magiging bitter. Mas titindi ang yamot mo sa pag-ibig. Lalo na kapag nakita mo yun mga ka FB mo na hindi naman kagandahan na masayang nagpo-post ng litrato nila ng jowa niya. Katapusan na ba ng mundo? O anong problema nung lalaki? O anong problema sa akin? 

Subukan mong sabihin: "Lagi na lang siya. Lagi na lang sila. Wala na bang iba?" Konting drama lang. Pampelikula. Malay mo madiscover ka 'pag ginawa mo yan sa pampublikong lugar. Libre ah. Pero seryoso, mahalagang tandaan kapag bitter, bawal mag self pity, dapat laging happy. 

Minsan ang tanong natin: anong problema? Marami. Sa mundo lalo marami, kaya huwag ka na dumagdag sa pagiging madrama mo. Ng mga lalaki? Wala. Hindi lang talaga ikaw ang ka-love team nila. Sa iyo? T**** ka lang talaga na medyo assumera pero may pag-asa ka pa. 

Isipin mo ang mga ito: Heartbroken ka na nga hindi pa mahanap ang korte ng katawan mo. Heartbroken ka na nga pangit ka pa. Heartbroken ka na nga, wala ka pang tulog. Heartbroken ka na nga, wala ka pang pera. Heartbroken ka nga wala ka pang career kasi wala sa trabaho ang utak mo. Kaya umayos ka! Mapagod ka nang maging bitter at gawing better ang sarili mo. Masaya mabuhay ng walang inaalagang galit. Ayusin mo ang sarili mo hindi dahil gusto mong makahanap ng kapalit ngunit upang maiayos mo ang sarili mo para sa sarili mo. 

Ano, pagod ka na bang maging bitter?

Mga Komento

Mga Mabebentang Kuwento

Paano ba kami kapag may patay?

I sa sa iniiwasang pag-usapan ang tungkol sa patay. Pero paano ba kapag may patay kami? Katulad ng maraming pamilyang Pilipino, marami kaming sinusunod na pamahiin kapag mayroon kaming patay. Noong college ako ay nagsulat ako tungkol sa mga pamahiin ng mga Pilipino sa patay. Marami tayong mga pamahiin dito sa Pilipinas. Nag-iiba, nadagdagan at nababawasan ang mga ito depende sa lugar o probinsya. Pero sa mga pamahiin natin, ang mga pamahiin sa patay na ata ang pinakamarami.  Hindi man madaling isipin ang mamatayan  ng isang mahal sa buhay dahil lungkot ang una nating nararamdaman pero ito ay isang kaganapan kung saan dumarating ang mga kamaga-anak at nagkakaroon ng instant reunion. Umuuwi ang mga nasa ibang lugar na hindi madalas umuwi o nagpapadala ng pera ag dating mahirap hingan ng pera. Dumarating din ang mga outside the kulambo na pamilya sa mga lalaking may itinatago sa tunay na pamilya.  Habang nag-lalamay, inaalala ng mga tao ang namayapa. Paano ba siya noo...

Bakit Tayo Makasarili?

Bakit nga ba tayo makasarili? Ako, ako, ako, parati na lang ako sabi nga sa pelikula. Para sa iba, hindi nila maamin na makasarili sila, kasi para sa kanila perpekto sila. Sige na, kayo na. Pero para sa atin na aminado sa ating pagiging makasarili, bakit nga ba tayo ganito? Paano ba tayo nagiging makasarili? Sabi nga mahalin muna natin ang ating mga sarili bago tayo magmahal ng iba. Hindi masamang mahalin ang sarili. Kaya lang, lahat ng sobra ay  masama. Lahat rin ng bagay na sumasagasa na sa interes ng iba ay maaari na rin makasama. Dahil hindi natin maiiwasan ang pakikipag-ugnayan sa ating kapwa. Dito nasusukat ang ating pagkatao. Dito rin nalalaman kung paano natin tinitimbang ang mga bagay sa buhay natin.  Tignan natin ang mga ebidensya ng ating pagiging makasarili sa araw-araw. Kalamidad. Bakit nga ba nagbabaha? Isa na ata sa mga bagay na nakasanayan na ng mga nakatira sa siyudad ay ang karanasan sa baha. Bakit nga may baha? Paano imbes na itago muna ang balat ...

Na-LSS Ka Na Ba?

Na-LSS ka na ba? (LSS = Last Song Syndrome pero puwede rin naman na Last Sound Syndrome) Ito ay nangyayari tuwing mayroon tayong paulit-ulit na kanta na naririnig. Minsan tinatamaan tayo ng LSS dahil gusto natin ang kanta, minsan naman dahil ayaw natin sa kanta.  Natutunan ang tungkol sa pagkakaroon ng LSS noong ako ay nasa elementarya at high schol pa lang ako. Parati namin naririnig ang mga nagtitinda ng Selecta na tumutugtog upang manawag ng mga bibili lalo na mga bata. Dahil dito ay inuulit na ng kaibigan ko ang tugtog. Pero bago pa lang nangyari iyon ay naalala ko na sa sobrang pagkagusto ko sa isang kanta ni Ate Regine ay minsan kahit antok na antok na ako ay hindi ko mapigilan na hindi kumanta habang pinatutugtog ito sa radyo sa service. Nakakahiya man na nakikita ng mga ka-service ko na kumakanta ako habang natutulog bago ko napansin na ginagawa ko ang pagkanta at pagtulog ng sabay.  Noong nag-aral ako sa ibang bansa ay minsan pumunta kami ng mga kaibigan ko s...