Bakit nga ba mabenta sa atin mga Pilipino ang mga "instant"?
Dati kung mayroon kang polaroid na camera sikat ka kasi instant ang pag develop ng larawan. Hindi mo na kailangan iwan ang film para makita ang litrato mo. Ngayon naman may digital camera, DSLR at camera phones na may instant ganda dahil sa mga application.
Sa pagkain, ang hilig natin sa instant. Instant noodles, instant pancit, instant spaghetti, instant soup, instant lomi, instant ulam, instant pampalasa, etc. Ngayon pati nga kanin at ulam, may instant na rin. Konting init lang sa kawali, microwave, o kaya lalagyan ng mainit na tubig ilang minuto lang ang kailangan pwede na kumain. Tipid nga naman daw sa rekado, sa gas, sa oras. Hindi man ito sa atin nagmula ay mabentang-mabenta ito sa atin. Yun nga lang, ayon sa mga pag-aaral marami rin sa sakit ang maari natin makuha dahil sa mga ito. Ang iba sa atin naman pikit-mata na lang basta malamanan lang tiyan. Ang iba naman mas nasasarapan daw sa mga instant kaya patuloy pa rin sa pagbili ng mga ito.
Sa ating panlabas na kaanyuan ay nais din natin ng instant. Instant ganda! Kaya patuloy ang pagyaman ng mga doktor sa pagpapaganda, lalo na mga derma at plastic surgeon. Sinong nagsasabing naghihirap ang bansa natin? E bakit kahit gaano kamahal magpa-instant ganda ay marami pa rin ang nagpapagawa nito? Instant kinis? Ang sagot magpaderma o bumili ng mga pinapahid. Instant tangos ng ilong? Salamat po at may doktor. Instant sexy? Pwedeng mag crash diet at mag-exercise ng bongga, pero kung gusto ng mas mabilis, pwede naman uminom ng mga gamot o magpa-liposuction. Marami rin gusto instant puti, may instant fair na lotion na o kaya uminom ng glutathione!
Hindi kaya ang pagkahilig natin sa mga instant o mabilisan ang dahilan kung bakit mabenta rin ang mga 5in1, 7in1, pito-pito, atbp. sinasabing marami nang magagamot sa atin agad?
Ang pagkahilig nating mga Pilipino sa mga instant ay mapapansin rin sa larangan ng populasyon. Bakit o paano? Gaano karami na ba ang mga batang nabuo kahit hindi mag-asawa ang magulang? Siguro bilang na bilang sa atin ang walang kilala na ganoon ang sitwasyon. Minsan nga 'di pa mag nobyo, ayun instant baby agad. Ang iba, ayaw ng instant baby kaya pinapalaglag ano kaya ay pinapa-ampon. Mayroon rin na itinatapon sa basurahan o iniiwan sa harap ng bahay ng may bahay. Kaya naman ang populasyon ng ating bansa ay hindi masasabing bumabagsak tulad ng sa mga mayayamang bansa.
Hindi tayo nauubusan ng bata. Kaya rin namumuti ang buhok ng mga Pari kasi lalapit raw sa kanila ang karamihan sa mga nais magpakasal ngayon gusto instant kasal kasi instant baby na ang parating. Ang iba naman sa huwes na lang o sa harap ng Mayor. Ang mas matindi pa, yun iba wala na talagang kasalan, instant asawa lang. Kapag nakapunta ka ng isang kasalang bayan, mabibilang mo doon ang magpapakasal ang matagal na naging magka relasyon at hindi pa buntis ang babae. Ang iba kung hindi buntis ang babae, may anak na bago pa magpakasal. Kapag binyagang bayan naman makikita mo ang mga magulang ng mga nagpapabinyag na karamihan ay hindi mo alam kung nakatapos ba ng pag-aaral kahit high school man lang. Instant Nanay at Tatay! At dahil instant, ang masakit sa mga ganun ay instant rin ang pagsasama. Kasing bilis ng pagkakaroon nila ng anak ang tagal ng pagsasama nila.
Sa mga nahihirapan naman magkaroon ng sarili nilang anak, mayroon na ngayon na IVF. Sabi nila magastos lang pero puwede rin naman na mag-ampon na lang dahil sa dami ng mga batang iniiwan ng mga magulang sa ampunan.
Ang mahirap sa mga instant na nagiging magulang ay ang mga wala naman talagang trabaho o ipapakain sa instant anak nila. Kapag ganun, instant ang dagdag sa bilang ng mga mamamalimos sa kalye pati na rin mga krimen. Masakit lang aminin ang mga ito. Walang makain pero may TV? Saan kaya kumukuha ng pambayad ng kuryente? Instant!
Ang nakakapagtaka lang sa atin ay kung anong hilig natin sa instant ay siyang bagal ng mga proseso dito sa atin. Matagal kumuha ng passport, lisensya, atbp.
Matagal ang biyahe sa lansangan. Hindi nga lang ito dahilan upang mawalan ng disiplina sa kalsada dahil lahat naman ng tao gustong mablis ang biyahe. Marami kasi sa atin hindi sumusunod sa batas ng trapiko. Lahat gustong mauna kahit nakaharang sa kalsada at makasagabal sa kapwa. Kaya rin ang mga nagtatrapik sa atin, instant kita rin ang gusto. Minsan wala naman dahilan upang manghuli ay pipilitin magkaroon ng violation ang driver para siyempre instant pera. Kotong. Naaalala ko nga sa isang intersection na parati namin dinadaanan. Sobrang bilis lang pag berde ng ilaw. Parang wala pang isang minuto. Mapapansin mo ang mga buwaya na nag-aabang sa lilikuan mo nag-aabang ng paparahin, para siyempre instant tanghalian, merienda, hapunan. Biruin niyo dilaw pa lang huhulihin ka na. Yun driver nga namin minsan nahuli doon. Pinagbintangan pa na peke raw ang lisenysa. Mahihirapan daw ang driver na tubusin ang lisensya niya kaya magbigay na lang ng P500 para di na mahirapan. Hindi raw niya mabibigyan ng resibo kasi wala siyang dala. Kotong lang. Sa dinami-rami ng pinapara nila araw-araw ay busog na busog ang bulsa nila.
Sa mga hindi naman nagtatrapik na gusto ang instant pera, maraming pagpipilian. Mayroon Lotto, Loteng, ending, Bingo, sugal, Jueteng, atbp. Lalo na kapag malaki na ang tatamaan ay mapapansin na mas mahaba na ang pila sa Lottohan. Lahat gustong maging instant milyonaryo. "Kapag nanalo ako sa Lotto…" yan ang maririnig mo. Habang ang iba naman maghihintay ng instant pera mula sa mga nanalo. Balato daw. Sabi nga nila kapag raw nanalo ka ng Lotto, yun malaking halaga, ay kailangan bigyan mo ng balato ang mga nandoon sa kukuhanan mo ng tama mo. Pati rin mga kapitbahay at kamag-anak mo manghihingi ng balato. Instant! Ang mahirap lang sa instant pera ay ang instant na pagkawala nito. Minsan dahil sa dami mong binigyan ng balato, minsan naman dahil mayroon din instant na yaman nanakawan ka o papatayin ka na lang. Instant nga naman.
Kaya rin maraming mga modus operandi na nauuso para makakuha ng instant pera. Mayroon bukas kotse, dugu-dugo/budol-budol, atbp. Nauso rin ang panghuhuli ng mga tuko. Mayroon rin mga treasure hunter hinahanap ang mga nakabaon ng ginto at kayamanan. Nasaan daw ang Yamashita Treasure?
Ang iba naman gusto ng instant yaman, pumapasok na lang bilang opisyal ng gobyerno. Instant pera! Hindi naman masyadong malaki ang sweldo ng mga politiko pero marami ang nagpapakamatay mapa pwesto. Bakit? Alam niyo na, Instant!
Instant sikat rin ang gusto ng iba kaya naman kung ano ano ang nilalagay sa Youtube at mga social networking sites para ma-discover at maging artista. Kasi raw instant pera rin pag artista ka na. Yun ibang magulang nga kahit hindi na makapasok sa paaralan mga anak ay mas inuuna ang pag-aartista ng mga anak, siyempre instant pera para sa kanila. Hindi na sila magtatrabaho tutal naman mas mabilis na kumita ng pera ang artista.
Hindi lahat ng instant masama, hindi rin lahat mabuti. Ikaw na ang mag desisyon kung ano ang tama.
Ikaw, mahilig ka ba sa instant?
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento