Lumaktaw sa pangunahing content

Bakit Ba Takot Tayo sa Salitang "Hindi"?

Bakit ba takot tayo sa salitang "hindi"?

Bakit nga ba marami sa atin ang takot sa salitang "hindi"? Ang iba takot masabihan ng "hindi" o ma-hindi-an. Ang iba naman ay takot magsabi ng "hindi" o humindi. 

Parang pag bumibili tayo. Minsan nahihiya tayong humingi ng discount kasi baka hindi-an lang tayo ng nagtitinda. At dahil ayaw natin mapahiya ay hindi na lang tayo hihingi ng discount. Ilang beses na akong sumubok humingi ng discount hindi rin parating pinagbibigyan pero minsan binibigyan ako ngunit hindi ko naman ikinamatay nung sinabihan nila ako ng "hindi pwede". Sa mga pagkakataon na pumayag na mabigyan ako ng discount hindi ko malalaman na papayag sila at makakatipid ako kung hindi ko sinubukan. Kung natakot ako na mapahiya eh di sana di ako nakatipid sa ilang pagkakataon. 

Parang pag nakikiusap tayo sa guro natin. Naalala ko pa noong nasa kolehiyo ako. Ika-apat na namin taon noon. Huling taon na. Huling Paskuhan. Kaya lang mukhang may balak pa mag-klase ang guro namin habang nagkakasiyahan ang karamihan sa aming mga kamag-aral sa field. Lakas loob na nagsabi ang isang kaklase ko sa propesor namin na huwag na lang kami mag-klase sa araw ng Paskuhan. Nagulat ako nang biglang sinabi ng propesor namin na hindi siya papayag kung ang kaklase kong iyon ang magsasabi sa kanya. Sabay tanong sa akin kung ano ang masasabi ko. Siyempre ang sagot ko naman ay sana huwag  na lang kami magklase. Pumayag siya! Natanggihan man ang kaklase ko ay hindi namin malalaman kung papayag ang aming propesor kung ako ang hihiling. 

Kapag nagpapa-alam tayo sa mga magulang natin kung may lakad ang barkada minsan ay natatakot tayo na sabihin nilang hindi pwede. Sumasama ang loob natin sa kanila dahil hindi natin magawa ang gusto natin. Nakakahiya sa barkada. 

Sa mga lalaki raw, ang pinaka-mahirap na parte ay ang pagtatapat sa babaeng gusto nila. Natatakot silang masabihan na hindi sila gusto. Torpe. Kahiya kasi 'pag na busted. Kaya lang minsan ay naghihintay lang pala ang babae. Pagkatapos ay 'pag huli na ang lahat dahil may nauna nang ibang lalaki at nalaman nila na nagustuhan rin pala sila ng babae dati ay magsisisi sila. Sayang. Natakot kasi sa "hindi". 

Mas mahirap ang kalagayan ng mga babae sa ating lipunan. Kasi ayon sa ating kultura, ang babae ay kailangan maghintay sa lalaki na maunang lumapit. Paano kung sabihin mo ang nararamdaman mo? Minsan ginawa ko. Sinabi ko sa taong gusto ko ang nararamdaman ko. Hindi siya makasagot. Sabi ko sa kanya wala akong kontrol sa nararamdaman mo, kaya wala akong magagawa kung gusto mo ako o hindi. Pero sa nararamdaman ko, oo, mayroon akong magagawa. At ang magagawa ko lang ay sabihin sa iyo na gusto kita. Natigilan siya. Hindi niya alam sasabihin niya. Maya-maya ay nagpadala siya sa akin ng mensaheng humihingi ng pasensya dahil mayroon na siyang ibang gusto. Ouch! Masakit. Pero kung hindi ko ginawa ay habang buhay kong iisipin kung ano ang nangyari kung sinabi ko sa kanya. Habang buhay akong manghihinayang nang hindi nalalaman na dapat ko na pala siyang kalimutan dahil ako lang ang may gusto sa kanya. Siguro ay habambuhay akong umaasa sa lokong iyon. Buti na lang ay naglakas loob ako kaya maari na akong mag-move on. 

Ang iba naman sa atin ay takot na magsabi ng hindi. Kapag may humihingi ng pabor sa atin ay minsan tayo na ang napeperwisyo ay papayag tayo kahit labag sa ating kalooban para lang mayroon tayong "magandang image". Masabi lang na mabait tayo. 

Naalala ko tuloy minsan tumira ako sa isang homestay kasama ng ibang mga lahi. Pumasok ako sa kasilyas dahil masakit na ang tiyan ko. Pero biglang may kumatok ng bongga sa pinto. Sinabi ko na ako ang nasa loob. Tumigil ang katok. Napansin ko nga lang na wala palang sabon sa loob kaya lumabas muna ako upang kumuha ng sabon. Aba! Bigla ba naman pumasok ang isang babae na nakatigil rin doon at inunahan ako sa banyo dahil natatae raw siya. Nainis ako dahil masakit na rin ang tiyan ko. Pero para maganda pa rin ang image ay sinabi kong bilisan niya. Kaya lang ang tagal niya. Sa mga ganoong pagkakataon ay mas pinili ko ang image ko kaysa tiyan ko. Buti kinaya ko pa. Kung nasabi ko lang sana ang salitang "hindi", e 'di sana nakumpormiso ang nararamdaman ko.  

May mga babae rin sinasabi na pinilit sila ng nobyo nila gawin ang mga bagay na hindi naman talaga nila gusto. Ang masama hindi nila sinasabing "hindi" sa nobyo nila. Sabay magrereklamo sa aming mga kaibigan. Kapag tinanong mo kung bakit hindi siya humindi ay sasabihin na baka magalit o baka humanap ng iba. Natatakot mag-away ng nobyo o iwan sila ng mga ito. Ngunit kung hahayaan nilang masunod ang nobyo nila kahit labag sa kalooban nila ay hindi sila tunay na mahal ng nobyo nila. Kung mahal sila ng mga iyon ay isasaalang-alang nila ang nararamdaman ng nobya. Tsk!

Minsan rin ay mayroon akong nakilala. Nagsabi siya sa akin na nais niyang sumama sa susunod kong lakad. Nais niyang siya ang kumuha ng litrato ko katulad noong una kaming nagkakilala. Nagsabi rin siya na nais niyang bumalik kami sa lugar kung saan kami unang nagkakilala. Makalipas ang ilang buwan ay binago ko ang plano. Inagahan ko ang petsa ng lakad ko ng ilang buwan kaysa unang pinag-usapan namin. Sinabi ko sa kanya kung nais mo pa rin sumama sa akin ay sabihin mo lang. Ngunit ang masakit doon ay nagpanggap siyang hindi niya nabasa ang mensahe. Hindi man lang scene-zoned. Deadma talaga. Kunwari di niya natanggap ang mensahe kahit na nakalagay ay delivered at parati naman siyang online. Nasaktan ako hindi dahil hindi ko siya nakasama sa lakad ngunit dahil hindi man lang siya nagkaroon ng lakas ng loob magsabi ng "hindi" kung hindi niya gustong sumama. Mas mahirap ang nakabitin ka, ika nga may loose ends kaysa may closure. Hindi ko naman kawalan na hindi siya nakasama. Hindi naman sa kanya naka-base ang paglakad ko o ang kaligayahan ko. Sana lang nagkaroon siya ng "courtesy" kaaalaman sa pag-respeto ng kapwa niya na sabihin niya ang totoo kaysa magpanggap na "gentleman" o mabait kahit na sa totoo lang ay "A-hole" siya. Hay, buti na lang move on na. 

Maari lang, matuto tayong huwag matakot masabihan o magsabi ng hindi. Salita lang ito. Hindi ito nakamamatay. Mas nakakabawas sa ating pagkatao ang hindi pagsabi ng totoo kaysa magkaroon ng magandang image na hindi naman tayo nagiging totoo sa sarili natin. 

HINDI
HINDI 
HINDI
HINDI
HINDI x 1,000,000,000,000,000……

Namatay ba ako? Hindi. Namatay ka ba? Hindi. Malamang kaya nga binabasa mo pa rin ang nakasulat dito eh. 


Bakit nga ba natatakot tayo sa salitang "hindi"?

Mga Komento

Mga Mabebentang Kuwento

Paano ba kami kapag may patay?

I sa sa iniiwasang pag-usapan ang tungkol sa patay. Pero paano ba kapag may patay kami? Katulad ng maraming pamilyang Pilipino, marami kaming sinusunod na pamahiin kapag mayroon kaming patay. Noong college ako ay nagsulat ako tungkol sa mga pamahiin ng mga Pilipino sa patay. Marami tayong mga pamahiin dito sa Pilipinas. Nag-iiba, nadagdagan at nababawasan ang mga ito depende sa lugar o probinsya. Pero sa mga pamahiin natin, ang mga pamahiin sa patay na ata ang pinakamarami.  Hindi man madaling isipin ang mamatayan  ng isang mahal sa buhay dahil lungkot ang una nating nararamdaman pero ito ay isang kaganapan kung saan dumarating ang mga kamaga-anak at nagkakaroon ng instant reunion. Umuuwi ang mga nasa ibang lugar na hindi madalas umuwi o nagpapadala ng pera ag dating mahirap hingan ng pera. Dumarating din ang mga outside the kulambo na pamilya sa mga lalaking may itinatago sa tunay na pamilya.  Habang nag-lalamay, inaalala ng mga tao ang namayapa. Paano ba siya noo...

Bakit Tayo Makasarili?

Bakit nga ba tayo makasarili? Ako, ako, ako, parati na lang ako sabi nga sa pelikula. Para sa iba, hindi nila maamin na makasarili sila, kasi para sa kanila perpekto sila. Sige na, kayo na. Pero para sa atin na aminado sa ating pagiging makasarili, bakit nga ba tayo ganito? Paano ba tayo nagiging makasarili? Sabi nga mahalin muna natin ang ating mga sarili bago tayo magmahal ng iba. Hindi masamang mahalin ang sarili. Kaya lang, lahat ng sobra ay  masama. Lahat rin ng bagay na sumasagasa na sa interes ng iba ay maaari na rin makasama. Dahil hindi natin maiiwasan ang pakikipag-ugnayan sa ating kapwa. Dito nasusukat ang ating pagkatao. Dito rin nalalaman kung paano natin tinitimbang ang mga bagay sa buhay natin.  Tignan natin ang mga ebidensya ng ating pagiging makasarili sa araw-araw. Kalamidad. Bakit nga ba nagbabaha? Isa na ata sa mga bagay na nakasanayan na ng mga nakatira sa siyudad ay ang karanasan sa baha. Bakit nga may baha? Paano imbes na itago muna ang balat ...

Na-LSS Ka Na Ba?

Na-LSS ka na ba? (LSS = Last Song Syndrome pero puwede rin naman na Last Sound Syndrome) Ito ay nangyayari tuwing mayroon tayong paulit-ulit na kanta na naririnig. Minsan tinatamaan tayo ng LSS dahil gusto natin ang kanta, minsan naman dahil ayaw natin sa kanta.  Natutunan ang tungkol sa pagkakaroon ng LSS noong ako ay nasa elementarya at high schol pa lang ako. Parati namin naririnig ang mga nagtitinda ng Selecta na tumutugtog upang manawag ng mga bibili lalo na mga bata. Dahil dito ay inuulit na ng kaibigan ko ang tugtog. Pero bago pa lang nangyari iyon ay naalala ko na sa sobrang pagkagusto ko sa isang kanta ni Ate Regine ay minsan kahit antok na antok na ako ay hindi ko mapigilan na hindi kumanta habang pinatutugtog ito sa radyo sa service. Nakakahiya man na nakikita ng mga ka-service ko na kumakanta ako habang natutulog bago ko napansin na ginagawa ko ang pagkanta at pagtulog ng sabay.  Noong nag-aral ako sa ibang bansa ay minsan pumunta kami ng mga kaibigan ko s...