Bakit lahat nilalagay natin Online?
Sa kasalakuyan, lahat na ata nilalagay ng mga tao sa internet. Hindi lang mga "selfie", kung hindi pati lahat ng mga nangyayari sa buhay nila. Sabi nga sa isang nabasa ko, dati ang damdamin ay ipinapahayag sa taong may kaugnayan, ngunit ngayon ang damdamin ng mga tao ay makikita na lang na "status" o "tweet". Minsan mas nauuna pa ang iba na maka-alam ng nais nating ipaalam sa iba kaysa yun taong nais nating pagsabihan.
Bakit parang karamihan sa atin ay nilalagay ang buong buhay nila sa "timeline" nila? Siguro ito ang nakakapagpagaan ng loob nila--yun malaman ng "friends" o "followers" nila sa social networking sites ang buong buhay nila. Sa dinami-rami mong "friends" o "followers", ilan sa tingin mo ang totoong kaibigan at sumusunod sa iyo?
Kung ang mga artista nga nahihirapan sa buhay nilang walang "privacy", eh bakit natin ginagawang "public" pati ang mga bagay na hindi naman kailangan ng mga tao?
Sa dinami-rami mong "friends" o "followers", ilan sa kanila ang binibigyan ka talaga ng halaga? Tuwang-tuwa tayo tuwing may nag-la-like sa ating mga post lalo na pag-nag-iiwan ng comment ang mga ito na ayon sa ating kagustuhan pa. Pero ilan ba sa kanila ang tunay na "like" ang post mo? Ilan ba sa kanila ang talagang "concerned sa'yo? Karamihan nakiki-chismis lang sa buhay mo. Ang iba mag-la-like para mag-like ka rin sa kanilang post. O mag-co-comment para mag-comment ka rin sa post nila.
Minsan napag-usapan namin ng mga pinsan ko ang tungkol dito. Nababasa ng isa ang mga post ng isang kaklase niya noong high school siya sa Facebook. Tuwing gusto raw nila ng mga kaibigan niya na matuwa ay babasahin nila ang mga post ng kaklase nila. Kunwari mag-papadala ng mensahe ang isa sa kanila upang mangamusta. Ngunit ang totoo ay para lang sumagap ng chismis. Iniisip nila na malapit na raw ma-loka ito. Nakakatawa na nakaka-awa ang kaklase nila. Pero ginagawa iyon ng marami sa atin.
Mayroon kasing mga tao na umagang-umaga makikita mo na agad ang selfie nila. Minsan pinapakita pa ang cleavage nila. Hindi mo alam kung anong nais mangyari ng mga ito. Bakit kailangan mga cleavage? Mapapa-ngisi ka na lang, aangat na lang ang kilay o kukunot ang nuo mo sa mga pinag-gagagawa niya. Tsk! Sabi nga ng isang kaklase ko noong high school nang magkita kami at napag-usapan ang isang batchmate namin na parating pinapakita cleavage niya sa Instagram, tinitignan daw niya kasi raw pampatawa niya tuwing umaga.
Nagiging katatawanan ka para sa iba kahit na hindi iyon ang nais mong mangyari. Samantalang ako, dinedeadma ko ang mag post ng mga ganun. Minsan pa nga in a-unfollow ko na. Nakaka-"bad vibes" lang kasi. Imbes na maging masaya ako, naiinis lang ako. Alam ko buhay nila iyon. Sila naman ang mukhang "tanga" sa harap ng mga nakakabasa sa kanila na matino ang pag-iisip. Kaya nga mas pinipili ko na lang un-follow ang post nila.
Nakakamatay bang magkaroon ng pribadong buhay? Yun tipong hindi lahat ibabahagi mo sa madlang people? Subukan mo lang. Pag namatay ka, eh di nakakamatay nga! Wala pa naman akong nabalitaan na ganun ang nangyari. Tulad nito: "babae, hindi nag-update ng status, biglang namatay!" "Lalaki, hindi nag-post ng selfie ng isang araw, inatake sa puso!" Kalokohan!
Hindi masamang mag-share sa mga tao, pero ang lahat ng sobra ay masama. Kaya daw "think before you click", hindi, "click before you think". Mag-isip muna bago mag-post ng kung anu-ano. Para hindi isipin ng mga nababasa o nakikita post mo na-a-"ano" ka na. Hindi sa dami ng "likes" o "comments" o "shares" nasusukat ang pagkatao mo.
Ikaw, bakit lahat binabahagi mo?
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento