Lumaktaw sa pangunahing content

Bakit ang Hilig Natin Mag-Cram?

Bakit ang Hilig Natin Mga-Cram?

Isa sa mga paborito ng karamihan sa ating mga Pilipino ay ang mag-cram. Karamihan sa atin ay galit sa hindi nagmamadali kapag malayo pa ang deadline. Ayaw na ayaw ang pakiramdamam na matagal nang natapos ang dapat gawin bago pa ang deadline. Kailangan laging cramming. Last minute na kung gumawa. 

Sa paaralan, parati tayong cramming para sa assignment, project, report, at pagsusulit. Ang pag-susunog ng kilay para sa mga ito ay yun tipong malapit na. Kadalasa'y kinabukasan na ang deadline o ang pag-susulit, sa gabi pa lang tayo gagawa. Naaalala ko dati parati kong sinasabi sa sarili ko matapos ko maipasa ang mga kailangan ko maipasa ng hindi ganoon ka-ganda ang kinalabasan o ano naman kaya ay matapos ang isang pag-susulit, na sa susunod ay hindi na ako mag-cram. Ngunit kadalasan ay nauuwi pa rin ang sa pag-cram. Mas inuuna kong manood ng TV, mag-laro, gumala at mag-relax bago ko bigyan ng pansin ang mga kailangan kong gawin. 

Ano bang mayroon sa cramming at tila hindi natin ito maiwasan? Kung bisyo ang pag-cram, marami sa atin ang adik. Kung ito ay isang krimen, marami sa atin ang makukulong. Kung ito ay nakamamatay na sakit, ay marami na sa atin ang namayapa na.  

Mas consistent pa ang pag-ka-cram natin kaysa pagtawid natin sa tamang tawiran. Hindi nawawala sa uso ang pagiging isang crammer. Hindi ka 'in' kapag hindi ka nag-cram.

Bakit ba kasi masyado nation dinidibdib ang mga katagang, "better late then never"? Kaya tuloy nasasabi nation, "pwede na 'yan". Pwede na ang pwede. Bahala na si Batman. 

Naghihintay tayo na dumating na ang oras na kulang o wala na tayong panahon upang maghanda pa. Kaya tuloy ang daming naapektuhan tuwing may mga kalamidad na nangyayari. Kasi marami sa atin ang hindi handa. Nagkakagulo tayo kapag nandyan na ang kalamidad kasi hindi tayo nakapag-handa. 

Uso sa atin "panic buying". Kahit nga kapag malapit na ang Pasko, doon pa lang tayo bumibili ng mga regalo kung kailan siksikan na sa mga pamilihan at nagmamahal na ang mga bilihin. Kapag nag-aanunsyo nga ang PAGASA na may darating na malakas na bagyo, doon pa lang tayo nag-iisip ano ang pwede natin gawin. Gusto natin ang pakiramdam na kinakabahan tayo sa pagmamadali natin mahabol ang deadline. Relax muna bago ang stress. 
"Mamaya na lang."
"Bukas na lang."
"Tsaka na lang."
Ang parati natin sinasabi.
Kaya marami sa atin ay inaasa na lang lahat sa Diyos. Kahit sa ibang bagay sa buhay natin, inaasa na lang natin sa Diyos ang lahat 'pag gahol na tayo sa oras at alam natin na hindi tayo handa. "Sana absent ang teacher"
"Sana mawalan ng pasok"
"Sana i-extend ang deadline"
Iyan ang karamihan na dinadasal natin. Minsan suwerte lang na natutupad ang hiling natin. 

Ewan ba kung bakit noong nag-aaral pa ako ay mas epektibo sa akin ang mag-cram sa pag-aaral para sa mga pag-susulit. Para kasing mas naalala ko ang mga aralin sa ganoong paraan. Iyon nga lang kung gaano ko minadaling isiksik lahat sa utak ko ay ganoon din kadaling nawawala ang mga ito sa aking memorya. Parang isang mumurahing bateryang binebenta sa kalye na gawa sa Tsina. Pagkatapos ng pag-susulit ay na-drain na rin ang laman ng utak ko agad. 

Pero hindi rin naman natin ikamamatay kung babawasan natin ang pag-rerelax upang gamitin ito sa mas makabuluhang bagay. Magagamit natin ang oras para gawin ang mga dapat natin gawin ng hindi na kinakailangan pang mag madali sa paghahabol ng deadline.


Ikaw, bakit ang hilig mo mag-cram?

Mga Komento

Mga Mabebentang Kuwento

Paano ba kami kapag may patay?

I sa sa iniiwasang pag-usapan ang tungkol sa patay. Pero paano ba kapag may patay kami? Katulad ng maraming pamilyang Pilipino, marami kaming sinusunod na pamahiin kapag mayroon kaming patay. Noong college ako ay nagsulat ako tungkol sa mga pamahiin ng mga Pilipino sa patay. Marami tayong mga pamahiin dito sa Pilipinas. Nag-iiba, nadagdagan at nababawasan ang mga ito depende sa lugar o probinsya. Pero sa mga pamahiin natin, ang mga pamahiin sa patay na ata ang pinakamarami.  Hindi man madaling isipin ang mamatayan  ng isang mahal sa buhay dahil lungkot ang una nating nararamdaman pero ito ay isang kaganapan kung saan dumarating ang mga kamaga-anak at nagkakaroon ng instant reunion. Umuuwi ang mga nasa ibang lugar na hindi madalas umuwi o nagpapadala ng pera ag dating mahirap hingan ng pera. Dumarating din ang mga outside the kulambo na pamilya sa mga lalaking may itinatago sa tunay na pamilya.  Habang nag-lalamay, inaalala ng mga tao ang namayapa. Paano ba siya noo...

Bakit Tayo Makasarili?

Bakit nga ba tayo makasarili? Ako, ako, ako, parati na lang ako sabi nga sa pelikula. Para sa iba, hindi nila maamin na makasarili sila, kasi para sa kanila perpekto sila. Sige na, kayo na. Pero para sa atin na aminado sa ating pagiging makasarili, bakit nga ba tayo ganito? Paano ba tayo nagiging makasarili? Sabi nga mahalin muna natin ang ating mga sarili bago tayo magmahal ng iba. Hindi masamang mahalin ang sarili. Kaya lang, lahat ng sobra ay  masama. Lahat rin ng bagay na sumasagasa na sa interes ng iba ay maaari na rin makasama. Dahil hindi natin maiiwasan ang pakikipag-ugnayan sa ating kapwa. Dito nasusukat ang ating pagkatao. Dito rin nalalaman kung paano natin tinitimbang ang mga bagay sa buhay natin.  Tignan natin ang mga ebidensya ng ating pagiging makasarili sa araw-araw. Kalamidad. Bakit nga ba nagbabaha? Isa na ata sa mga bagay na nakasanayan na ng mga nakatira sa siyudad ay ang karanasan sa baha. Bakit nga may baha? Paano imbes na itago muna ang balat ...

Na-LSS Ka Na Ba?

Na-LSS ka na ba? (LSS = Last Song Syndrome pero puwede rin naman na Last Sound Syndrome) Ito ay nangyayari tuwing mayroon tayong paulit-ulit na kanta na naririnig. Minsan tinatamaan tayo ng LSS dahil gusto natin ang kanta, minsan naman dahil ayaw natin sa kanta.  Natutunan ang tungkol sa pagkakaroon ng LSS noong ako ay nasa elementarya at high schol pa lang ako. Parati namin naririnig ang mga nagtitinda ng Selecta na tumutugtog upang manawag ng mga bibili lalo na mga bata. Dahil dito ay inuulit na ng kaibigan ko ang tugtog. Pero bago pa lang nangyari iyon ay naalala ko na sa sobrang pagkagusto ko sa isang kanta ni Ate Regine ay minsan kahit antok na antok na ako ay hindi ko mapigilan na hindi kumanta habang pinatutugtog ito sa radyo sa service. Nakakahiya man na nakikita ng mga ka-service ko na kumakanta ako habang natutulog bago ko napansin na ginagawa ko ang pagkanta at pagtulog ng sabay.  Noong nag-aral ako sa ibang bansa ay minsan pumunta kami ng mga kaibigan ko s...