May naisulat ka na ba kapag mayroon kang nagugustuhan?
Dahil buwan raw ng pag-ibig ngayon makiki-Feb-ibig muna ako. Sabi nila kahit hindi mo sabihin mapapansin ng mga tao kung mayroon kang inspirasyon. Noong nasa kolehiyo ako dumating ako sa pagkakataon na mayroon akong nagustuhan. Kahit na hindi ko pa sabihin ay natawa ako noong nilagyan ng propesor ko sa Malikhaing Pagsusulat (Creative Writing in Filipino) ang isang nilagay ko sa portfolio ko….
Sa iyong piling lahat ng aking emosyon ay nailalabas
Kung kaya't ika'y aking binabalik-balikan
Kahit nasaan man ako mapunta'y ikaw lang ang hahanap-hanapin
Ang iyong kanlunga'y parang duyan ni nanay
Sa gabi'y ikaw sa aki'y naghehele
Sa aki'y mawala ka'y hindi ako makakatulog ng mahimbing
Para akong nasa kandungan ni nanay
Ikaw rin ang aking iyakan sa tuwing ako'y nalulumbay
Kapag ika'y nawala ay hindi ako dadalawin ng antok
Sa iyong yakap katawan ko'y protektado
Sa iyong mga bisig ay aking nadarama ang alaga ni Ina
Nakakatakot ang gabi kung sa iyo'y mawalay ang katawan kong giginawin
Ako'y tinatanggap ano man aking anyo
Ng iyong mga matang hindi mapanghusga
Sa aki'y walang ibang susulyap tulad ng iyong pagmalas sa tunay na ako.
***
Para sa akin, habang sinusulat ko ito noon ay hindi ko naman alam na mapapansin pala ito dahil dito sa sinulat kong ito. Sa ngayon, dahil wala na akong nararamdaman para sa taong iniisip ko noong panahon na iyon ay wala na rin halaga ang bawat salita.
Ikaw, may naisulat ka na ba kapag mayroon kang nagugustuhan?
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento