Sa buhay natin ay mayroon mga bagay na kailangan natin pero ayaw natin.
Anu-ano ba ang sa akin?
1. Masustansyang Pagkain
Isa na dito ang pagkain. Noong bata ako hindi ako mahilig kumain ng gulay. Mas masarap pa rin ang mga porkchop, fried chicken, crispy pata, atbp. Kapag ganyan ang ulam ay tuwang tuwa ako. Ngunit kapag nakita ko na ang ulam ay gulay ay nawawala bigla ang gana kong kumain. Habang lumalaki ako ay unti-unti kong pinag-aralan kung paano kumain ng gulay para may sustansya naman akong makuha.
2. Gamot
Katulad rin ng gamot. Ayaw na ayaw ko noong bata pa ako na uminom ng gamot kasi mapait. Kung anu-ano ang ginawa ng mga magulang ko pati mga tiyahin ko para lang mapainom ako ng gamot kapag may sakit ako. Noong una dinudurog nila ang biogesic sa kutsara sabay nilalagyan ng tubig at asukal. Nilulunod ko ng tubig ang sarili ko sa pag-inom upang mahugasan ang pait. Sinusumpa ko ang pag-inom ng gamot sa sobrang pait nito. Kung puwede lang talaga na hindi na ako uminom ng gamot, kaya lang hindi pala gagaan ang pakiramdam ko. Hindi kasi ako marunong uminom ng tableta at capsule. Liquid na gamot lang ang kaya ng powers ko. Minsan nilagay pa nila sa gitna ng saging ang gamot ngunit naubos ko ang saging ngunit di ko pa rin nalunok ang gamot.
Bakasyon ng ikatlong taon ko sa high school ko pinilit matutong uminom ng tableta at capsule na gamot. Pero hindi dahil may sakit ako kaya ako natuto. Mayroon kasing vitamins na nabili si mommy na makakatulong raw sa memory at mag burn ng fats. Nag-rereview ako noong para sa college entrance exams kaya mahalaga sa akin na maging mas maging mag memorize plus may dagdag na papayat raw ako. E di go! Hindi ko agad natutunan, pero hindi ako sumuko. Natutunan ko rin uminom ng gamot. Nakapasa rin ako sa unibersidad na mataas ang score ko, kaya lang hindi ako pumayat. Nabudol ata kami ni mommy. haha.
3. Pag-aaral at Strict/Terror Teachers/Professors
Pati sa pag-aaral. Kailangan mo mag-aral pero mas gusto mo mawalan ng pasok. Mas masaya kasing gumising ng medyo tanghali na at maglalaro na lang sa bahay. Naalala ko pa noong bata ako. Kinder ata ako noon nang una akong tumakas sa kasambahay namin. Pumunta ako sa bahay ng isang tita ko at nanood ako ng paborito kong palabas tuwing umaga, Batibot. Napagalitan ako ng sobra ng magulang ko. Kapag klase naman ay hindi ko mapigilan ang matulog. Naiinis ako bakit ko pa kailangan pumasok sa paaralan. Naainis ako sa titser ko dahil tinuturuan niya ako magbasa at sumulat pakiramdam ko alam ko na iyon. Kaya lang ang totoo ay hindi pa pala talaga ako marunong magbasa ng mahabang salita. Alpabeto lang talaga ang alam ko. Kaya dinala ako ng nanay ko sa ibang paaralan nung sumunod na taon. Malayo ito sa mga kamag-anak na puwede kong puntahan kapag ayaw kong pumasok sa klase. Hindi ako makakatakas.
Natuto naman ako ng marami. Kapag Linggo na ng hapon ay nalulungkot na ako dahil alam kong gigising na naman ako ng maaga para pumasok, gagawa ng assignment, atbp. Sakit sa ulo! Pero kapag Biyernes na ng hapon ay natutuwa na ako dahil huling araw na ng pasok sa linggong iyon. Kapag mayroon naman pagsusulit ay sa araw bago ang exam lang ako nag-aaral. Akala ko mabuti ang pag-cram. Akala ko grado lang ang mahalaga. Hindi ko alam ay dahil mabilisan kong isiniksik sa utak ko ang mg impormasyon ay ganoon din kabilis nawawala ang mga ito. Ang nakakatawa doon ay matapos ko ang kolehiyo ay hinanap ng utak at katawan ko ang pag-aaral. Ayun, nag-aral na lang ako ulit.
Isa pang kinatatakutan natin sa pag-aaral natin ang mga mahigpit na titser o propesor. Mas gusto natin ang mga titser o propesor na mabait. Noong unang semester ko sa kolehiyo marami kaming propesor na mahigpit. Hindi madali para sa amin na may hangover pa ng high school ang mag-adjust sa kanila. Marami ang bumagsak at napaalis ng paaralan namin. Nahirapan kami pumasa sa mga course namin lalo na dahil karamihan sa kanila ay mahigpit, mayroon iba na terror. Pero marami naman kaming natutunan.
Kaya lang mas tumatak sa akin ang takot sa isang terror na propesor namin. Ayoko kasi ng graded recitation. Uso ang mental block sa akin. Nauuna ang kaba bago ako makapag-isip ng maayos. Pasagutin mo na ang ng written exams, 'wag lang oral recitation. Nahirapan ako makasagot ng maayos sa klase niya. Hindi ko naman kasi alam bakit paulit-ulit niya akong tinatawag at mahirap pa ang mga tinatanong niya, samantalang ang ibang kaklase ko ay isang beses lang niya tinatawag madali pa ang tanong niya! Kaya noong sumunod na semester ay sinadya namin ng isang kaibigan ko na hindi pumasok sa klase niya. Pareho kaming na-trauma sa kanya. Tuwang-tuwa kami na nakatakas kami sa klase niya. Kaya lang pagbalik namin sa klase ay mayroon pa lang bagong lesson na itinuro. Hala!
Naalala ko rin noong Second Year kami sa kolehiyo. Tatlo pa lang kami sa kuwarto nang biglang dumating ang isang propesor namin upang sabihin na hindi siya makakapasok sa oras ng klase namin. Sabi niya kami na lang daw tatlo ang magbalita sa ibang mga kaklase namin. Pag-alis ng propesor namin ay nagdiwang muna kami sa loob ng kuwarto. Nag-selfie selfie sa harap ng bintilador para mukhang lumilipad ang buhok namin. Sa makatuwid ay hindi muna namin sinabi ang balita sa mga kaklase namin. Hinintay muna namin na dumating silang lahat bago namin sabihin ang balita. Ang saya namin pero wala kaming natutunan noong araw na iyon.
Noong panahon na iyon din ay nagkaroon kami ng propesor na binabasa ang mga nakalagay sa acetate niya. (Oo, acetate na nilalagay sa overhead projector (OHP). Uso iyon noon. Sumunod na taon pa nagsimula kami nagsimulang manghiram ng projector at laptop mula sa unibersidad.) Balik tayo kay Mam. Mabait siya talaga kaya lang binabasa niya ang nasa acetate pero walang pagpapaliwanag. Mahalaga pa naman sa major namin ang course na itinuturo niya. Bago magsimula ang klase ay nag-vovolunteer talaga kami ng isang kaibigan ko na kami ang magpapa-photocopy ng acetate para sa buong klase. Hinihintay namin matapos ang pag-photocopy ng acetates habang nagtuturo siya. Alam namin wala kaming hindi maisasagot sa exam basta pag-aralan lang ang acetates niya. Minsan nag-report ako sa klase ay nagulat ako nang tinanong niya ako kung saan ko nakuha ang mga ni-rereport ko. Sabi ko sa kanya sa mga libro sa library. Kinarir ko kasi ang report ko eh. Tambay rin ako parati sa library kaya nasuyod ko ang mga librong puwedeng gamitin sa report ko. Hindi na rin kami halos nakikinig sa klase kasi nga binabasa lang niya ang acetate. Parang hindi niya masyadong alam ang tinuturo niya. Katulad lang ng hindi niya alam ang nire-report ko. Mabait si Mam. Wala kaming masabi. Hindi nga siya nagagalit sa makukulit sa klase. Hindi rin siya nagagalit na hinihintay pa namin ang pag photocopy kaya madalas wala kami sa klase niya. Mataas rin ang mga grado namin sa kanya. Kaya lang nakakalungkot na hindi kami masyadong natuto. Hindi namin nasulit ang panahon upang maihanda kami sa iba naming major courses. (Sorry Mam lagi kaming nasa labas ng klase.)
Ayaw natin ang mga nagpapahirap sa atin pero sila ang madalas na nakakapag-iwan sa atin ng mga aral na dapat natin maalala. Mayroon rin naman na mahigpit pero parang trip lang niyang maging ganun kahit wala naman talagang naituturo. Sino ba mas naaalala natin na mga guro, hindi ba iyon mga pinahirapan tayo pero marami tayong natutunan. Lalo na natuto tayong magsikap dahil alam natin hindi natin makukuha ang mataas na marka ng madali. At kapag pinaghirapan natin ay mas binibigyan natin ng halaga. Mas masarap sa pakiramdam kapag nalagpasan mo iyon.
4. Problema
Ayaw rin natin ng problema sa buhay. Kahit anong gawin natin ay kasama na ang problema sa buhayng tao. Pero sa totoo lang kailangan natin ang problema para may excitement ang buhay natin. Para hindi boring ang buhay. Parang gamot lang. Kailangan natin ang problema dahil mayroon tayong matututunan mula dito. Kapag nalagpasan natin ang malaking problema ay mas madali na natin mahaharap ang iba pang problema. Parang Math problems lang. Kapag nakuha na natin paano ginagamit ang formula o paano ma-solve ang problem ay maaari na natin ma-solve ang iba pang problem. Natutunan natin gumawa ng paraan. Natututo rin tayong maging matatag. Naiiwasan ang dapat iwasan para hindi na maulit ang mga nangyari.
Ikaw, anong ayaw mo na kailangan mo?
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento