Mabentang mabenta sa ating mga Pilipino ang horoscope.
Naalala ko pa noong nasa kolehiyo pa ako. Nakikita ko mga kaklase ko na nagbabasa ng dyaryo sa library. Akala ko ay nagbabasa ng balita. Hindi pala balita kung hindi horoscope ang binabasa nila! Hindi sila nag-iisa sa ganyang gawain. May iba na mas madalas pang tinitignan ang horoscope kaysa balita.
Bakit nga ba ang hilig natin sa mga ganoon? Parang mas mahalaga pang malaman ang horoscope kaysa mga nangyayari sa bansa at sa mundo. Sabagay, nakaka-depress nga naman daw ang balita parati. Biruin mo umagang umaga ang bubungad sa iyo: kurapsyon, krimen, gera, atbp. Umagang umaga bad vibes agad! Showbiz section na lang tumitingin ang iba. Mas challenging daw kasi manghula kung sino ang nasa blind item.
Ilan ba sa atin inaalam ang birthday ng crush natin. Mula doon ay nalalaman natin ang zodiac sign niya. Mula naman sa zodiac sign ay inaalam natin kung ano ang pagkatao niya. Inaalam rin natin kung 'compatible' ba siya sa atin o hindi. Kapag compatible kayo ay maniniwala ka, ngunit kung hindi naman ay hindi ito paniniwalaan. Kalokohan.
Bakit nga ba kailangan ang zodiac signs at horoscopes upang malaman ang pagkatao ng tao kaysa makilala siya ng totoo? Nakatakda na ba ang ugali ng isang tao dahil lang sa araw ng kapanganakan niya? Ito rin ba ang magiging basehan ng mangyayari sa buhay ng isang tao?
Sa dinami-raming magkapareho ng araw ng kapanganakan, ng mga magkapareho ng zodiac sign, ibig sabihin ba ay pare-pareho rin ang mangyayari sa kanila?
Sinubukan mo na ba talagang intindihin ang nakalagay sa horoscope mo o sa deskripsyon ng zodiac sign mo? Hindi ba parang ang "vague"? Hindi siya partikular sa mga detalye. Naisip mo na rin ba kung sino kaya ang nagsusulat ng mga iyon? Si God ba siya para paniwalaan mo na totoo ang bawat sinabi niya sa horoscope mo. Minsan nga parang pare-pareho lang ang sinasabi sa horoscope sa iba't ibang zodiac sign.
Naalala ko tuloy si Madame Auring. Dati parati siyang kinokonsulta sa Teysi ng Tahanan tungkol sa sinasabi ng mga bituin para sa iba't ibang zodiac sign. Paniwalang paniwala naman ang mga manonood lalo na kung pabor sa kanila ang sinasabi ng manghuhula. Makalipas ang ilang taon ay lumabas ang tunay niyang kulay. Sinabi niyang buntis raw siya at ang nakabuntis sa kanya ay ang nobyo niyang kasing-edad ata ng anak niya (kung mayroon man).
Para naman sa mga konserbatibong grupo, ang mga horoscope ay gawa ng demonyo, at ang mga manghuhula ay sugo ng demonyo. Ang mga nagbabasa raw lalo na ang mga nininawala sa mga ito ay naniniwala sa demonoyo. Hala, lagot! E paano na si Madame Auring at iba pang nagsasabing tunay silang manghuhula?
Sabi nila ang horoscope at mga hula raw ay para lang mga gabay. Hindi natin dapat dito ibase ang buhay natin. Para naman sa iba, isa lang itong malaking kalokohan na hindi dapat binabasa.
Kung pinaniniwalaan mo man ang zodiac signs at horoscope ay nasa sa iyo na iyon. Buhay mo naman yan eh. Walang basagan ng trip diba? Pero ingat ingat lang sa paniniwalaan mo. Kunin mo ang makakabuti sa iyo, at huwag pansinin ang mga makakasama sa iyo. Huwag seryosohin ang mga nakasulat diyan, dahil sa huli ilalaglag ka niyan sa ere. Kapag may nangyari sa iyong masama dahil sa sobrang paniniwala mo diyan ay hindi ka mapapanagutan ng mga manghuhula, lalo na ng tulad ni Madame Auring. Busy sila eh. hehe.
Ikaw, anong zodiac sign mo? Nabasa mo bang horoscope mo ngayon? Anong kapalaran mo ayon sa mga bituin?
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento