Lumaktaw sa pangunahing content

Mahilig ka bang Mag-Selfie?

Tayong mga Pinoy nga naman sobrang hilig sa litrato. At hindi lang basta litrato, kung hindi sariling litrato. Madalas mong maririnig kapag grupo ng mga Pinoy ang nagtu-tour ang "picture, picture." Nandyan din ang "ako, ako naman ang kuhanan niyo ng solo." Ano kaya ay "kuhanan mo naman ako pang-profile pic." Kung hindi naman ay makikita mo na lang na tahimik nang nakangiti sabay tapat ng camera, cellphone, etc. at nagse-selfie na. 

Naaalala ko pa nung high school ako. Booth namin ang pinakamalakas sa lahat ng booth tuning school fair. Bakit? Kasi nag tayo kami ng parang studio para sa mga gustong magpakuha ng litrato. Piniprint namin at ginugupit na wallet size ang mga litrato nila. Patok na patok kami sa mga kapwa namin mag-aaral dahil doon. 

Kahit tuwing pumupunta sa mall ang mga magkakaibigan, magkapatid, pamilya, etc. ay hindi pwedeng hindi magpapakuha ng litrato. Lalo na yun naka-wallet size. Napupuno ang mga wallet namin ng mga studio picture. May vanity shots, yun tipong nakapose na feeling commercial model ang pagngiti sa kuha, at mayroon din wacky shots na paborito daw ng mga pangit sa litrato. Mas pangit sa wacky shot, mas nakakatawa. Nakakaasar lang yun mga taong kahit sabihing wacky ay ayaw pa rin mag mukhang pangit. Pareho din na nakakainis sa mga ganitong pagkakataon ang mga sinasabihang stolen shot pero nakatingin pa rin sa camera at nakangiti na nagpopose pa!

Mabentang mabenta rin sa amin dati ang neoprint. Tuwang tuwa kami tuwing may nakikita kaming neoprint machine. Iba iba ang pinipili naming template. Habang nagpapakuha naman ay isa isang nagpupumilit na masiguradong makikita ng buo ang mukha nila sa litrato. Naalala ko pa nang minsan na nagpakuha kami ng dalawang pinsan ko ng neoprint. Pinili ng pinaka ate namin ang mga design na may magazine cover template lalo na dahil mayroon isang template doon na may Vogue. Nang magsimula na ang pagkuha ng mga litrato ay kanya kanyang pose na kami. Kanya kanya kaming naniniguradong maikita ng buo ang mukha namin sa picture. Hindi namin napansin na nagtutulakan na pala kami sa booth. Kaya lang ang pinaka-ate namin na siyang namili ng design ng neoprint namin ay ang siyang laging putol sa mga kuha! Ang pinaka nakakatawa sa lahat ay naitulak pala namin siya palabas ng booth nang Vogue na ang template. Kaya wala siya sa Vogue na template. Sinabihan pa raw siya ng ng-ooperate na "Mam, sa loob lang po ang pagpapakuha" haha. Galit na galit siya sa amin pero natatawa pa rin kami kapag naalala namin yun. Sikat na sikat ang neoprint dahil nakikita mo agad ang litrato. Dinidikit namin ang mga litrato sa card, sa diary, etc. Yun nga lang minsan madali rin nabubura ang ibang print. 

Sa ngayon uso na ang cellphone na may camera. Noong unang nauso ang mga ito noong 2000s ay nagsimula na rin ang mga tao na kuhunan ang sarili nila. Hindi katulad ng mga camera na film pa ang laman na maghihintay ka na madevelop ito bago mo makita ang itsura ng kuha mo. Mas pinaganda na ang camera ng mga cellphone ngayon. Kaya mas madali na mag-'selfie'. Minsan nga kahit wala ka nang dalang camera basta may cellphone ka na may camera ay pwede na. Mas madali na rin namin i-post at i-share sa internet ang mga litrato. 

Digital Camera ang bitbit ng mga tao dahil nakikita rin naman agad ang mga kuha. Dito maaring magsimulang magkunwaring parang photographer. Kaya rin magandang may bitbit kang ganito para magpakuha ng solo at kumuha ng selfie. Pero hindi dito tumigil ang mga taong mahilig sa selfie. 

DSLR. Aang ilang taon na halos lahat na ata ng tao ay bumibili nito para mas maganda ang picture, lalo na ang mga panlagay sa internet. Kahit ito ay hindi pinalagpas ng mga taong mahilig sa selfie. 

Kasabay ng mga ito ang pagkakaroon ng mga paraan upang ma-enhance ang mga kuha. In short, mapaganda ang mga selfie. Photoshop ang pinakapatok diyan hanggang sa kasalukuyan. Sumunod dito ang mga application sa cellphone. Mabenta rin ngayon ang 'selfie stick' o 'selfie-pod' o 'monopod.' Dahil ganyan kahilig sa 'selfie' at 'groupie' ng mga Pinoy. Nandyan din ang mga photobombers. Ang iba ay napapadaan lang ng hindi sinasadya, habang ang iba naman ay sinasadya talagang sumingit sa frame. Minsan nakakatawa. Minsan naman ay nakakainis. Minsan din naman ay hindi pala talaga sila buhay nahuli lang sa camera. Katakot! Kaya ingat-ingat rin kung saan nagpapakuha ng litrato. Sige ka, yan selfie mo baka maging groupie bigla! 

Nakakatawa ang mga tao na walang ibang magawa sa araw nila kung hindi kumuha ng kumuha ng  sarili nilang litrato. Lahat ng ginagawa nila kinukuhanan nila ang sarili nila. Kahit pag nasa CR sila. Oo, alam namin na tumae ka, hindi mo na kailangan ipakita ang istura mo matapos maglabas ng sama ng loob! haha. Pero bago ang lahat tanggalin ang tinga! Para hindi naman malaman ano ang kinain mo sa tinga mo pa lang. haha.

Minsan naman bagong gising (huwag kalumutan punasan ang muta). Minsan nakahiga sa kama (parang nang-aakit lang). Minsan video pa nga na kapag kumalat ay nagiging scandal! Ewan ba bakit kahit ang mga bagay na ginagawa ng na pribado ay kailangan kuhanan pa. Nalalaman tuloy ng mga tao ang mga kalokohan nila sa kwarto. Sa mga scandal nalalaman na ang mga inaakala natin na mahinhin at tatahitahimik ay dapat talaga palang nasa loob ang kulo. 

Sabi nga niligay na raw sa diksyunaryo ang salitang 'selfie'. Sabi ng ibang eksperto, ang pagkahilig sa 'selfie' ng mga tao ay maituturing na manipesytasyon ng 'narcissism'. Ayon sa Greek Mythology, si Narcissus ay napakaguwapong nilalang. Sa sobrang gwapo niya ay maraming nagkagusto sa kanya. Kaya lang ay wala siyang magustuhan. Minsan ay napatingin siya sa tubig at nakita niya ang sarili niyang mukha. Umibig siya sa sarili niyang repleksyon sa tubig. 

Nakakalungkot na marami sa mga kabataan natin ay mayroon nang Narcissism. Wala ka nang makitang ginagawa nila kung hindi mag selfie, minsan groupie din. Sabay post sa Facebook o Instagram. Naghihintay na maraming mag-like sa kanilang litrato. Minsan ay nila-like pa ang sarili nilang litrato para dumagdag sa nag-like. Ano kaya ay sasabihan ang mga kaibigan na i-like ang post nila. 

Hindi naman masamang kumuha ng sariling litrato paminsan-minsan. Pero hindi kailangan na parating nagse-selfie at ipost ito agad agad sa FB at IG. Hindi kailangan na malaman ng buong mundo ang bawat kilos at galaw mo! Bigyan mo naman ng pagkakataon na mag-isip ang mga tao kung ano ang latest sa iyo! Parang sa isang relasyon, dapat may 'space' kung hindi ay magsasawa na ang ka-relasyon mo (mga kaibagan mo o follower) at baka makipag-hiwalay sila sa iyo (unfollow ka). Ngunit kung pare-pareho naman kayong ganyan ang ugali ay magpapalitan na lang kayo ng like. Wala nang 'depth' ang 'relasyon' niyo. 

Ingat Ingat rin sa pagseselfie dahil mayroon nang namatay sa pagseselfie. 

Ikaw, mahilig ka bang mag-selfie?

Mga Komento

Mga Mabebentang Kuwento

Paano ba kami kapag may patay?

I sa sa iniiwasang pag-usapan ang tungkol sa patay. Pero paano ba kapag may patay kami? Katulad ng maraming pamilyang Pilipino, marami kaming sinusunod na pamahiin kapag mayroon kaming patay. Noong college ako ay nagsulat ako tungkol sa mga pamahiin ng mga Pilipino sa patay. Marami tayong mga pamahiin dito sa Pilipinas. Nag-iiba, nadagdagan at nababawasan ang mga ito depende sa lugar o probinsya. Pero sa mga pamahiin natin, ang mga pamahiin sa patay na ata ang pinakamarami.  Hindi man madaling isipin ang mamatayan  ng isang mahal sa buhay dahil lungkot ang una nating nararamdaman pero ito ay isang kaganapan kung saan dumarating ang mga kamaga-anak at nagkakaroon ng instant reunion. Umuuwi ang mga nasa ibang lugar na hindi madalas umuwi o nagpapadala ng pera ag dating mahirap hingan ng pera. Dumarating din ang mga outside the kulambo na pamilya sa mga lalaking may itinatago sa tunay na pamilya.  Habang nag-lalamay, inaalala ng mga tao ang namayapa. Paano ba siya noo...

Bakit Tayo Makasarili?

Bakit nga ba tayo makasarili? Ako, ako, ako, parati na lang ako sabi nga sa pelikula. Para sa iba, hindi nila maamin na makasarili sila, kasi para sa kanila perpekto sila. Sige na, kayo na. Pero para sa atin na aminado sa ating pagiging makasarili, bakit nga ba tayo ganito? Paano ba tayo nagiging makasarili? Sabi nga mahalin muna natin ang ating mga sarili bago tayo magmahal ng iba. Hindi masamang mahalin ang sarili. Kaya lang, lahat ng sobra ay  masama. Lahat rin ng bagay na sumasagasa na sa interes ng iba ay maaari na rin makasama. Dahil hindi natin maiiwasan ang pakikipag-ugnayan sa ating kapwa. Dito nasusukat ang ating pagkatao. Dito rin nalalaman kung paano natin tinitimbang ang mga bagay sa buhay natin.  Tignan natin ang mga ebidensya ng ating pagiging makasarili sa araw-araw. Kalamidad. Bakit nga ba nagbabaha? Isa na ata sa mga bagay na nakasanayan na ng mga nakatira sa siyudad ay ang karanasan sa baha. Bakit nga may baha? Paano imbes na itago muna ang balat ...

Na-LSS Ka Na Ba?

Na-LSS ka na ba? (LSS = Last Song Syndrome pero puwede rin naman na Last Sound Syndrome) Ito ay nangyayari tuwing mayroon tayong paulit-ulit na kanta na naririnig. Minsan tinatamaan tayo ng LSS dahil gusto natin ang kanta, minsan naman dahil ayaw natin sa kanta.  Natutunan ang tungkol sa pagkakaroon ng LSS noong ako ay nasa elementarya at high schol pa lang ako. Parati namin naririnig ang mga nagtitinda ng Selecta na tumutugtog upang manawag ng mga bibili lalo na mga bata. Dahil dito ay inuulit na ng kaibigan ko ang tugtog. Pero bago pa lang nangyari iyon ay naalala ko na sa sobrang pagkagusto ko sa isang kanta ni Ate Regine ay minsan kahit antok na antok na ako ay hindi ko mapigilan na hindi kumanta habang pinatutugtog ito sa radyo sa service. Nakakahiya man na nakikita ng mga ka-service ko na kumakanta ako habang natutulog bago ko napansin na ginagawa ko ang pagkanta at pagtulog ng sabay.  Noong nag-aral ako sa ibang bansa ay minsan pumunta kami ng mga kaibigan ko s...