Hindi natatapos ang kasiyahan sa panahon ng kapaskuhan dahil isang lingo ang makalipas ay hinaharap na natin ang Bagong Taon. Pagkatapos pa lang ng Pasko ay panibagong pagdiriwang na naman ito.
Paano nga ba nating ginugunita ang Bagong Taon dito sa Pilipinas? Dito sa Pilipinas ay parang hinalong kalamay ang ating mga tradisyon lalo na tuwing Pasko at Bagong Taon, ang iba ay galing sa mga Chinese, mayroon na rin Western.
Magsuot ng damit na may bilog bilog/polkadots para daw dumami ang pera natin ngayon bagong taon na darating. Dahil wala na raw masyadong halaga ang barya kaya dapat daw parisukat/rectangle na ang design ng damit mo para papel ang pera na dumating sa iyo ngayong bagong taon. Pwede rin naman cheque o 1/2 sheet of pad paper. haha. Pero bakit kapag nagsuot ka naman ng polkadots nang hindi Bagong Taon ay aasarin kang Bagong Taon ba daw. Sagutin mo kaya nang, "oo Bagong Taon ngayon at araw araw sa buhay ko" tignan natin kung anong isasagot nila.
Maglagay ng pera (buo at barya) sa bulsa at alog-alugin pagsapit ng alas-12 ng hating gabi ng ika-31 ng Disyembre upang dumami raw ang ating pera ngayong darating na taon. Hindi ko alam kung paano nakakatawag ng pera ang kaugaliang ito pero marami pa rin ang gumagawa nito.
Tumalon pagdating ng alas-12 ng hating gabi ng ika-31 ng Disyembre upang tumangkad. Ito ay para sa mga bata. Pero paano kung hindi talaga matatangkad ang pamilya niyo? E san naman kukunin ang tangkad mo? Kaya kahit tumalon ka ng tumalon hanggang sa sumakit ng ang paa mo sa kakatalon ay hindi ka pa rin tatangkad. Try mo lumaklak ng sangkatutak na cherifer imbes na uminom ng softdrinks o juice. haha. Pero sa totoo lang, nasa vitamins, prutas at gulay, pati na rin pag-eehersisyo at pagtulog ng sapat na oras ng pagtulog sa buong taon ang kinakailangan hindi ang pagtalon habang nagpapalit ang taon. Ako nga tumatalon din noong bata pa ako tuwing nagpapalit ang taon, pero bakit tila kulang pa rin ako sa tangkad? hehe
Pagluluto ng Palitaw kasabay ng pagpapalit ng taon. Suwerte daw kasi ito. Katulad ng paglutang ng lutong palitaw ay aangat daw ang ating buhay sa bagong taon. Dapat raw itong kainin ng pamilya upang hindi lang suwertehin sa buhay, ngunit pati na rin upang magbuklod-buklod tulad ng madikit na palitaw na may matamis na asukal.
Huwag daw kakain ng manok dahil isang kahig, isang tuka kung kumain ang mga manok kaya hindi raw swerte. Kaya di mabenta ang mga manok sa mga nakakaalam nito. Sa mga hindi nakakaalam huwag na daw kayong magtaka kung bakit hindi pa rin kayo swerte sa buhay. haha.
Isang kaugalian na nakuha natin sa mga dayuhan ay ang paggagawa ng New Year's Resolution. Naglilista daw tayo ng mga bagay na gusto nating baguhin sa bagong taon. Kadalasan daw nilalagay natin ay ang pagbabawas ng timbang. Pero bakit ang dami pa rin ang sobra ata ang bilbil. Ahem, ahem.
Kasama rin sa mga kaugalian tuwing bagong taon ay ang pag lilinis ng gamit. Itapon na daw ang mga hindi kailangan. Ipamigay na ang mga lumang gamit na hindi na gagamitin tulad ng damit. Dapat raw maayos ang gamit dahil kung hindi ay buong taon magulo ang gamit mo. Ika nga nila, "start the year right" at "out with the old, in with the new."
Pinupuno rin ang mga cabinet ng mga pangunahing pangangailangan sa bahay tulad ng bigas, asin, asukal, paminta, mantika, atbp. Dapat daw puno para puno daw ang lahat ng gamit sa bahay buong taon. Naglalagay rin sa magkahiwalay na tasa ang nag-uumapaw na asin at bigas. Parang alay na nilalagay sa may altar para daw sa masagang taon. Kaya naman ubusan ang mga tinda sa grocery at palengke tuwing malapit na ang bagong taon. Ito rin marahil ang dahilan kung bakit tumataas ang presyo ng bilihin sa ganitong panahon.
12 klase ng prutas daw ang dapat nakaahin sa hapag kainan bago sumapit ang disperas ng bagong taon. 12 para sa 12 buwan ay masagana ang ating buhay. Ang iba nga para daw mas masagana ay dinadagdagan pa ang bilang ng prutas para daw mas masagana pa kaysa sa iba.
Isa pang ginagawa bago dumating ang bagong taon ay ang pagpapalit ng hairstyle. Oo, hairstyle. Sa mga Chinese din ata galing ito. Kasi daw "new year" kaya dapat "new look." Kaya marami din ang nagpupunta sa mga parlor para magkaroon ng "new look" (buti hindi sa cosmetic surgeons. mahal daw e hehe) Kahit gaano mo pa baguhin ang hairdo mo, kung hindi mo naman babaguhin ang ugali mo tungo sa kabutihan ay ganoon pa rin ang takbo ng buhay mo. Kung parati ka pa rin nakasimangot at 'nega' sa buhay ay huwag ka nang umasa na gaganda pa ang kapalaran mo talaga.
Pero sa totoo lang kahit sundin pa natin lahat ang mga iyan, hindi naman dyan nagtatapos ang lahat. Hindi sa mga bagay na iyan o sa Ika-1 ng Enero nagtatapos ang "bagong taon". Kaya lang karamihan sa atin ay nakakalimutan na simula pa lamang ito. Bakit ba maraming nagsasabing magbabawas na ng timbang o kakain na ng masustansyang pagkain sa bagong taon ang hindi ito nagagawa?
Hindi sa mga tradisyon na iyan nakukuha ang pag-unlad o pag-sagana ng buhay. Kailangan natin magsikap at gawin ang ating parte upang maging masagana rin ang buhay natin. Ang lahat ng mga iyan ay paalala lamang sa atin na maari nating magawang masagana ang ating buhay, na maari nating gawing ma"swerte" ang ating kapalaran kung pagsisikapan lang natin ito. At ang lahat ng ito ay maari nating simulan sa bagong taon.
Ikaw, anong bago sa'yo ngayong bagong taon?
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento