Lumaktaw sa pangunahing content

Nagkaroon ka na ba ng Nakakadiring Karanasan?


Ang bawat araw natin ay iba iba. Minsan ay masaya, minsan malungkot, minsan rin kadiri. Heto ang listahan ng ilang nakakakadiring pangyayari na maari nating maranasan sa buhay.:

Kadiri Moment No. 1: Laway

Unang una sa listahan ng mga nakakadiring pangyayari sa ating buhay ay may kaugnayan sa laway. Marami kasing pagkakataon na tumatalsik ang laway ng isang tao. Minsan sa sobrang sarap ng usapan ay kahit may laman ang bibig ay nakakapagsalita tayo. Minsan rin naman alam naman ng mga kaharap natin na ngumunguya pa tayo ay tatanungin pa tayo. Kaya nga sabi "don't speak when your mouth is full" dapat din malaman nila na 'don't ask someone whose mouth is full' diba? Tapos magagalit kapag biglang may sumamang pagkain pagsalita mo. 

Pero mayroon rin naman mga tao na kahit walang laman ang bibig ay basta na lang tumatalsik ang laway. Kung baga, natural na talsikin ang laway nila. Pinanglihi siguro sa shower or spray. Kaya sa tuwing nagsasalita ay nababasbasan ang mga kausap nila. Swerte na lang kapag may kinakain lalo na kung malansa katulad ng bagoong ang kinakain, matitikman ng mukha mo ang kinakain nila. Ingat at baka maging bato ka. Madalas sa pisngi bumabagsak ang blessings, kaso minsan sa mata tumatalsik nakakabulag, minsan rin sa bibig ng kausap, at minsan sa kinakain mo o iniinom. Ibigay mo na sa kanila ang iniinom mo o kinakain dahil nalawayan na nila iyon. Para lang mga aso na minamarkahan ang teritoryo sa pamamagitan ng pag ihi. haha

Huwag mo rin gugulatin ang mga taong ganito dahil masama silang nabibigla at baka mabugahan ka ano man laman ng bibig nila. Kaya kapag alam mong talsikin ng laway ang mga ito ay siguraduhing may harang ang mukha mo, ilayo ang pagkain o inumin sige ka, baka umamo ka sa kanila. 

Kadiri Moment No. 2: Hinga at Ubo

Pangalawa sa madalas na maranasan ay ang mahingahan. Nakakainis kapag ang kausap mo ay hindi naamoy ang sarili nilang hininga. Keep distance dahil nakakasakit iyon ng ulo. Pero mayroon mga tao na kahit anong gawin ata ay bulok ang tiyan at sumisingaw sa bibig. Halitosis daw ang tawag sa sakit ng mga ito. Ipagamot ito kung mayroon nito. Maawa sa mga tao sa paligid niyo. Nakakahiya rin na pinaguusapan ka ng mga tao at maalala ka nila hindi dahil sa mgagandang ginagawa mo para sa kanila ngunit mas maalala ka nila dahil sa amoy ng hininga mo. Alam niyo naman tayong mga Pinoy masyadong mahalaga ang amoy ng isang tao kaya kapag mabaho ang hininga ay lalayuan ka. Mas nakakahiya siguro kung regaluhan ka ng mga tao sa paligid mo ng sepilyo, toothpaste at mouthwash kahit walang okasyon dahil nga sa amoy ng hininga mo. Pasalamat ka kung ganoon ang ibigay sa iyo kaysa bigyan ka ng asido para sa bibig mo. Ibig sabihin ay matindi na talaga ang amoy ng hininga mo na parang imburnal na ang minumumog mo sa baho. 

Naalala ko tuloy ang taga linis namin ng bahay. Ang tindi ng hininga. Mapapatitingin ka bang direksyon bigla pag nagsalita siya. Isang araw ay hindi na matiis ng nanay ko kaya tinanong niya ito, "hindi mo ba naaamoy ang hininga mo?" haha. Sabi raw naman nito ay alam niya na mabaho nga hininga niya. Marami raw siyang sirang ngipin. Pero naisip namin, paano kaya siya hinahalikan ng asawa niya? Paano pag bagong gising siya? Eh kung magsalita pa naman yun ay malambing (kaya parang may hangin). "Magandang umaga" Kaya siguro parating mainit ulo ng asawa niya umaga pa lang. Kung ganoon ba naman ang sasalubong sa ibo sa umaga pa lang, wala naman sigurong hindi totoyoin. Kaya lang nagluluto rin siya ng tanghalian tuwing sabado. Oh no, wag na natin isipin na tinitikman niya yun diba. 

Mas matindi pa ang mabahingan ka o maubohan ka lalo na ng mga taong tila tubig galing sa kanal ang mouthwash. Parating ingatan ang kalinisan ng bibig upang hindi magkaroon ng masamang amoy ang hininga, at kung may halitosis naman ay kumonsulta agad sa doktor upang magamot ito agad. 

Kadiri Moment No. 3: Dura, Dahak at Singa

Bakit nga ba may mga mahilig dumura, dumahak at suminga kahit nasa labas ng banyo? Isa sa mga hindi ko maintindihan ay ang kaugalian ng ilang Pilipino na dumudura, dumadahak at sumisinga kahit nasa pampublikong lugar nang hindi man lamang pumunta sa CR o ano kaya ay gumamit ng tissue. Hindi ba nila alam na isa ito sa pinakamabilis na paraan upang kumalat ang mga sakit? Sa isang bansa nga na napuntahan namin ay nagulat ako na normal lang na dumadahak ang mga tao sa daan. Pinagmamalaki pa naman nila na sila ang isa sa pinakaunang sibilisasyon sa mundo ngunit bakit sila salaula? Kaya naman madalas ang mga sakit na kumakalat sa hangin sa kanila, katulad ng bird flu. 

Dito rin sa atin, subukan mong maglakad sa mga kalye na maraming tambay at makikita mong nakakalat ang mga dura at dahak sa sahig minsan may singa pa. Ingat sa paglalakad at baka madulas ka sa plema ng iba. Kadiri! 

Naaalala ko dati na mayroon kaming kasamahan sa trabaho na iba ang lahi. Madalas siyang sumisinga at bumabahing ng hindi nagtatakip ng bibig at ilong. Ang kawawa naming kaibigan na kasama niya sa kuwarto ay ipinanganak ang anak niya na mahina ang resistensya at may sakit dahil daw na-expose siya sa matinding dumi. Kaya nga kapag doon siya sa may lugar ko sumisinga o  bumabahing ay agad akong nagspray ng mga disinfectant sa takot kong magka-virus dahil sa kanya. Sa sobrang kadiri rin niya ay minsan na nagkaroon ng salo-salo ang opisina namin. Sa kaswertehan namin ay sa amin tumabi ang salaulang kasamahan namin sa trabaho. Pagkalapag palang ng mga pagkain ay agad kaming kumuha bago pa man niya gamitin ang chopsticks niya pangkuha sa mga pagkain. Kumuha na kami na parang gutom na gutom kami. Sinigurado namin na hindi na kami kukuha kapag kumuha na siya ng pagkain doon.

Kadiri Moment No. 4: Bubblegum

Isa sa pinaka madalas na mangyari na nakakadiri ay ang madikit sa bubblegum na nginuya ng iba. Ibig sabihin mula sa bibig ng isang taong hinid natin alam kung ano ang ibang kinain bago nguyain ang bubblegum na madidikitan mo. Nakakainis talaga kapag bigla ka napahawak sa ilalim ng armchair o sa upuan mo at mahahawakan mo ang isang bagay na hindi dapat nandoon: iniluwang bubblegum. Madalas matigas na ito bago mo mahawak. Pero nakakainis at nakakadiri kapag medyo kadidikit palang ng salarin. Nandoon pa ang katas ng laway niya! Kadiri talaga! Masama pa kung madidikit sa damit mo. Minsan rin tinatamad na magdikit sa upuan ng mga ngumunguya ng bubblegum kaya ibabato na lang para bang "bato bato sa langit, ang tamaan 'wag magagalit" ang attitude. Kadiri kung babagsak sa buhok mo, tiyak na gupit ang solusyon diyan. Ano kaya ay maapakan ng bago mong sapatos. Hindi lang bubblegum ang maikakalat mo pati ang mga dumi na madadaanan mo ay sasama sa sapatos mo. Bigyan nga ng papel ang mga salaulang hindi marunong magtapon ng bubblegum ng maayos! Ilang beses na rin ako nakaranas na uupo sa isang desk at nakahawak sa matigas na gum. Nakaapak na rin ako ng gum sa daan at oo sumama ang dumi sa daan sa sapatos ko. Kainis! Pero ang pinakanakakadiri sa lahat ay ang minsang nasa ibang bansa ako at gumamit ng payphone doon. Pagkatapos ko gumamit ay napansin kong nadikit ang buhok sa likod ng hawak kong telepono. Nakita ko na may nakadikit palang gamit na bubblegum sa likod ng telepono. Medyo sariwa pa ang gum. Buti na lang di masyadong marami ang buhok ko na nadikit. Pinabayaan ko na lang na mabunot ang ibang buhok na nadikit. Naway magdikit dikit ang mga ngala-ngala ng mga salaulang mag bubblegum!

Kadiri Moment No. 5: Echos

Isa sa pinakakadiri na mararanasan natin ay maka-engkwentro ang tawag ng kalikasan. Naalala ko tuloy ang komersyal dati sa TV, "sa bukid walang papel, kiskis sa pilapil…" Kapag tumawag kasi ang kalikasan ay hindi pwedeng hindi sasagutin agad. Kaya lang mayroong mga hindi marunong sumagot sa kalikasan ng maayos o minsan pagkakataon ang nagtutulak sa iba na maging bastos. Halimbawa ay ang mga sorpresa sa CR. Yun tipong pagbukas mo ng pinto o ng takip ng bowl ay naroon ang mga echos na hindi maayos na napabalik kay inang kalikasan. Ikinahiya ng may sala kaya iniwan na lang ng hindi pinaninindigan ang sala. Naalala ko noong isang buwan sa isang paliparan ay ng CR ako. Pagpasok ko palang ng CR ay naamoy ko na may sumasagot sa tawag ng kalikasan. Napansin ko na tapos na ang ibang gumagamit doon maliban sa isang pinto na matagal na hindi nagbubukas. Nanatili rin ang sangsang ng amoy sa loob ng CR. Pagbukas ng pintong iyon ay lumabas ang isang sosyal na babae. Sosyal ang pananamit at gamit. Pawis na pawis pero mukhang success kasi nakangiti siya. Dumiretso siya sa lababo. Nilapag ang kanyang bag na mukhang mamahalin at sabay tinignan ang sarili sa salamin. Pagtingin sa salamin ay napansin siguro niya na may pawis ang mukha niya. Sa pag akma niyang paghawi gamit ang kamay sa kanyang buhok ay bigla siyang tumigil. Sabay abot sa sabon at hugas ng kamay. Naalala niya siguro na hindi pa siya naghuhugas ng kamay pagkatapos niyang nagbigay pugay sa inidoro. Buti na lang napigilan niya ang sarili niya kung hindi ay maihahawak niya ang kamay niyang pinanghawak sa tae niya. Kadiri!

Noong 4th year high school ako ay nagpunta kami ng mga kaklase ko sa Baguio para sa aming retreat. Habang naglalakad kami sa may parke ay may nakita kaming isang lalaking nakaapak ng tae. Galit na galit siyang sumisigaw ng "shit shit!" Natawa kami ng kaibigan ko. Sa isip namin ang arte naman. Sa pagtawa namin ay hindi namin napansin na nasa daan pala namin ang tae. Hindi ko alam kung ano ang salarin, kabayo ba o aso basta mukhang malambot ang tae at marami. Ang masama ay sa malayo kami nakatingin. Boom! Isang apak ko ay muntik na akong madulas. Yun pala ay naapakan ko na ang tae! Kadiri talaga! Bago pa naman ang sapatos ko. Hindi ko alam kung paano mawawala ang sangsang  ng amoy  mula sa sapatos ko. Karma lang sa pagtawa namin sa lalaking sumigaw ng "shit shit!" Pero at least may sapin ang paa ko. Matindi ang isang pinsan ko. Isang gabi ay nag-inuman kami sa tabing dagat noong nasa kolehiyo pa ako. Sa kalasingan ay hindi na nag-isip pa ang isang pinsan ko na pumunta ng CR para umihi. Dahil madilim na at tulog na ang lahat ng mga kasama namin ay doon siya umihi sa may tabi lang. Habang umiihi siya ay biglang nag-amoy tae ang hangin. Pagtayo ng pinsan namin ay napansin niya na nakaapak pala siya ng tae. Masama walang sapin ang paa niya. Ayun, ramdam na ramdam niya ang laman ng tiyan ng asong salarin. Kadiri!

Kadiri Moment No. 6: Libreng Pagkain

Minsan nagpunta kami ng mga pinsan ko sa ibang bansa. Sa tuwing makakakita ng mga free taste ang isang pinsan ko na kasama ay sinusubukan niya talaga. Tinatanong namin siya, "o, anong lasa?" Parati niyang sagot, "lasang Intsik." Tinatanong naman namin siya, "e paano mo nalaman ng Instik? Nakatikim ka na ba ng Instik?" Minsan kapag mukha namang malinis ay tinitikman rin namin. Minsan rin kapag masarap ay bumibili kami. Akala niyo nakikitikim lang ng libre, ano? Kahiya naman siyempre. Balik tayo sa pinsan ko. Bago kami umalis ay amy pinuntahan kami doon. At siyempre may libreng patikim na naman. Sa hilig niyang sumubok ng mga libreng pagkain ay agad niyang nilapitan ang pagkain kumuha ng toothpick sabay kain. Nakatingin sa kanya yun saleslady. "O, anong lasa?" tanong namin sa kanya. "Lasang Instik." sagot niya habang hinahanap kung saan niya ilalagay ang gamit niyang toothpick. Ang masama ay kinuha pala niya ang toothpick mula sa mga gamit na ibinalik ng mga tao! Yuck! Kaya pala iba ang tingin sa kanya nung saleslady! Ayan siguro tama na siya sa nalasahan niya. haha. 

Sabi nila kung sino pa yun madirihin siya pa yun mas nalalapit sa mga sitwasyon na kinadidirihan niya. Mayroon rin akong isang tiyo na masyadong suplado. Dahil nga sa sobrang suplado niya ay lagi namin siyang niloloko lalo na tungkol sa pagkain. Ayaw na ayaw niya kumain ng mga ininit na pagkain lalo na yun mahigit isang linggo na. Bago kumain ay parati siyang nagtatanong na "kailan pa niluto ito?" Kapag niloloko namin siya sinasabi namin, "dalawang linggo na po yan." Kapag naniwala siya ay hindi na siya kakain. Kapag natawa kami hindi ay kinakain naman niya. Pero kapag totoo na ay hinahayaan muna namin na kainin niya bago namin sabihin na luma na o expired na ang kanakain niya! haha. Sa sobrang gutom niya minsan nagpunta siya ay agad niyang kinuha ang isang ensaymada na nakahain sa ibabaw ng lamesa namin. Ang hindi niya alam ay mahigit isang linggo nang nasa ibabaw ng lamesa yun na walang balot! haha. Kaya lang nakain na niya bago ko pa nasabi na marumi yun. 

Tayong mga Pilipino mahilig rin sa mga imported, lalo na yun imported na tsokolate. Minsan nagpadala ng tsokolate ang isang kamag-anak namin galing sa ibang bansa. Hindi niya napansin na expired na pala ang mga iyon. Buti na lang una kong tinitignan ang expiration date kapag mga pagkain na pinapadala. Napansin ko mahigit dalawang taon na palang expired ang mga iyon! Kaya lang siyempre sayang daw kaya inihain pa rin nila sa lamesa. Lahat ng kumakain ay pagkatapos tikman ang tsokolate palang namin tinatanong kung anong lasa sabay sabi na kasi expired na yan haha. Buhay pa naman sila. 

Sabi nila mabuti rin naman daw ang germs paminsan minsan. Hindi nila sinabing parati ha.  Kahit na anong pa ang pagkumpara nila sa mga nakatira sa maruruming lugar ay hindi ka taga-doon kaya mag-ingat rin sa mga kadiri na pangyayari dahil maari itong maging dahilan ng ating pagkakasakit lalo na kung madalas. Sabihin man ng iba na maarte ka, basta 'di ka magkakasakit dahil sa sobrang dumi ang mas mahalaga. Hindi po kanal ang tambayan ko kaya hindi po kami pareho ng resistenya pagdating sa dumi, germs, virus at bacteria kaya 'wag po kami ikumpara. 

Ikaw, may mga nakakadiri ka bang karanasan? 

Mga Komento

Mga Mabebentang Kuwento

Paano ba kami kapag may patay?

I sa sa iniiwasang pag-usapan ang tungkol sa patay. Pero paano ba kapag may patay kami? Katulad ng maraming pamilyang Pilipino, marami kaming sinusunod na pamahiin kapag mayroon kaming patay. Noong college ako ay nagsulat ako tungkol sa mga pamahiin ng mga Pilipino sa patay. Marami tayong mga pamahiin dito sa Pilipinas. Nag-iiba, nadagdagan at nababawasan ang mga ito depende sa lugar o probinsya. Pero sa mga pamahiin natin, ang mga pamahiin sa patay na ata ang pinakamarami.  Hindi man madaling isipin ang mamatayan  ng isang mahal sa buhay dahil lungkot ang una nating nararamdaman pero ito ay isang kaganapan kung saan dumarating ang mga kamaga-anak at nagkakaroon ng instant reunion. Umuuwi ang mga nasa ibang lugar na hindi madalas umuwi o nagpapadala ng pera ag dating mahirap hingan ng pera. Dumarating din ang mga outside the kulambo na pamilya sa mga lalaking may itinatago sa tunay na pamilya.  Habang nag-lalamay, inaalala ng mga tao ang namayapa. Paano ba siya noo...

Bakit Tayo Makasarili?

Bakit nga ba tayo makasarili? Ako, ako, ako, parati na lang ako sabi nga sa pelikula. Para sa iba, hindi nila maamin na makasarili sila, kasi para sa kanila perpekto sila. Sige na, kayo na. Pero para sa atin na aminado sa ating pagiging makasarili, bakit nga ba tayo ganito? Paano ba tayo nagiging makasarili? Sabi nga mahalin muna natin ang ating mga sarili bago tayo magmahal ng iba. Hindi masamang mahalin ang sarili. Kaya lang, lahat ng sobra ay  masama. Lahat rin ng bagay na sumasagasa na sa interes ng iba ay maaari na rin makasama. Dahil hindi natin maiiwasan ang pakikipag-ugnayan sa ating kapwa. Dito nasusukat ang ating pagkatao. Dito rin nalalaman kung paano natin tinitimbang ang mga bagay sa buhay natin.  Tignan natin ang mga ebidensya ng ating pagiging makasarili sa araw-araw. Kalamidad. Bakit nga ba nagbabaha? Isa na ata sa mga bagay na nakasanayan na ng mga nakatira sa siyudad ay ang karanasan sa baha. Bakit nga may baha? Paano imbes na itago muna ang balat ...

Na-LSS Ka Na Ba?

Na-LSS ka na ba? (LSS = Last Song Syndrome pero puwede rin naman na Last Sound Syndrome) Ito ay nangyayari tuwing mayroon tayong paulit-ulit na kanta na naririnig. Minsan tinatamaan tayo ng LSS dahil gusto natin ang kanta, minsan naman dahil ayaw natin sa kanta.  Natutunan ang tungkol sa pagkakaroon ng LSS noong ako ay nasa elementarya at high schol pa lang ako. Parati namin naririnig ang mga nagtitinda ng Selecta na tumutugtog upang manawag ng mga bibili lalo na mga bata. Dahil dito ay inuulit na ng kaibigan ko ang tugtog. Pero bago pa lang nangyari iyon ay naalala ko na sa sobrang pagkagusto ko sa isang kanta ni Ate Regine ay minsan kahit antok na antok na ako ay hindi ko mapigilan na hindi kumanta habang pinatutugtog ito sa radyo sa service. Nakakahiya man na nakikita ng mga ka-service ko na kumakanta ako habang natutulog bago ko napansin na ginagawa ko ang pagkanta at pagtulog ng sabay.  Noong nag-aral ako sa ibang bansa ay minsan pumunta kami ng mga kaibigan ko s...