Lumaktaw sa pangunahing content

Nasanay ka na ba sa Nakasanayan?



Mahirap na madaling masanay sa nakasanayan. 

Minsan masyado tayong nagiging kumportable sa mga bagay bagay sa buhay natin na hindi na natin matanggap ang pagbabago. Nahihirapan na tayong mag-isip pang sumubok ng iba. Halimbawa, kapag nasanay na tayo sa ginagamit nating tatak ng mga binibili natin, minsan ang hirap kapag wala ang tatak na ito. 

Isa sa pinakakinaiinisan ko ay kapag ang kasama ko ay masyadong nasanay sa nakasanayan lalo sa ibang bansa. Para sa akin pumupunta tayo sa ibang bansa para malaman ang kultura at pamumuhay sa ibang lugar. Doon malalaman mo ano ang pagkakaiba sa nakasanayan mong buhay. Pero kapag kasama ko ay takot sumubok ng iba sa nakasanayan nila ang hirap na kumbinsihin na sumubok ng ibang bagay. Limitado ang nararanasan nila. Limitado ang nalalaman nila. Paulit-ulit na lang. Minsan dahil nasanay na sila sa isang hotel na natirahan namin ng dalawang beses na ay sinabi nilang doon nila ulit gustong tumira sa pagbalik namin sa bansang iyon pagkalapas ng ilang taon. Pagbalik namin ay nakita naming malaki na ang pinagbago ng hotel na iyon. Nawala na ang dating kagandahan ng hotel. Pangit na rin ang serbisyo nila. Pero dahil nasanay na sila sa nakasanayan ay kailangan naming maranasan iyon. 

Sayang ang punta nila sa ibang lugar kung ayaw rin naman nilang sumubok ng iba. Katulad ng ibang pagkain. Isa sa pinakagusto kong gawin ay sumubok ng ibang luto ng pagkain kahit pa marami rin naman akong hindi kinakain talaga. Minsan napakain ako ng insekto sa ibang bansa nahiya kasi kami sa guide namin. Biruin niyo, takot nga ako sa mga gumagapang na ipis lalo na sa lumulipad na ipis, sinong makakapagsabing kakain ako ng insektong parang ipis dahil nahiya ako? Gusto ko sanang sumuka pero uminom na lang ako ng marami para mahugasan ang lasa. Kumain rin ako ng matamis na cookie para mapatungan ang lasa sa dila namin. Hindi lang siguro ako sanay kasi tinitignan ko ang guide namin habang kumakain ng mga insekto. Sarap na sarap siya talaga parang mga Pinoy na sarap na sarap sa pagkain ng Balut habang sukang suka ang mga dayuhan na nakakakita sa atin.

Sa pagkagusto namin na makasubok na iba isang beses na lumabas kami ng bansa ng mga kaibigan ko ay bumili kami ng inumin mula sa pinigang tubo. Mabilis na naubos ng isang kaibigan ko ang kanya habang ako at ang isa ko pang kaibigan ay hindi muna uminom habang hinihintay ang isa pa naming kaibigan na nahuling bumili. Habang inuunti-unti namin ang pagsipsip ay napansin namin na nagbitbit ng drum ng tubig ang mga nagtitinda. Hindi namin alam kung saan nila ito nakuha. Ang mukhang maduming drum ng tubig ay walang takip nilang bitbit sa daan. Habang tinitignan namin kung saan nila ito dadalhin ay hindi kami makapagsalita. Napansin namin na ito ang ginamit upang panghugas sa tubo bago pitpitin sa makina. Napalunok kami ng kaibigan kong hindi pa iniinom ang binili naming inumin. Naisip namin na marumi ang inumin namin pero mas naisip namin na sayang ang pinambili namin. Di bale nang sumakit ang tiyan huwag lang masayang ang pera namin! haha. Pero buti na lang hindi naman sumakit ang tiyan namin. 

May trial and error sa buhay. Isang pagsubok ng bago. Minsan mapapaswerte ka na makaranas ng mas maayos kaysa nakasanayan mo. Minsan rin naman ay napapasama ang bagong karanasan mo ngunit hindi ito dapat maging hadlang upang subukan mo ang mga bagong bagay. Sabi nga nila kasama ang pagkakamali sa ating paglaki. Kasama ang pagkakaroon ng hindi mo magugusthuhang karanasan sa buhay upang malaman mo ano ang hindi mo na uulitin pa sa buhay mo. 

Ang buhay natin ay kailangan ng iba't ibang kulay na hindi natin makukuha sa parating pagpili sa nakasanayan na. Hindi mo ito makukuha sa paulit-ulit na bagay. Parang isang painting o litrato na kung iisa lang ang kulay ay wala kang makikita imahe. Kailangan ang iba't ibang kulay sa buhay. Katulad sa pag-eedit ng litrato ang makikita natin na setting ay contrast, whites, blacks, color temperature, saturation, exposure, atbp. Ito ang magpapaganda ng buhay natin, ang mga contrast, liwanag at dilim, kulay, atbp. Kaya hindi tayo dapat matakot sa mga bagay na hindi pa natin alam--sa mga bagay na hindi pa natin nasusubukan. 

Katulad rin ng daw ng pakiramdam natin kapag tayo ay nagmamahal kung saan mararamdaman nating bumibilis ang tibok ng puso natin kapag iniisip o nakikita natin ang taong minamahal natin. Ganoon din ang nangyayari sa ating puso kapag natatakot tayo lalo na sa hindi natin alam. Mabuti nang umaangat at bumababa ang linya sa puso natin kaysa mag-flat line ito. Kinakailangan kuryentehin ng mga doktor ang isang pasyenteng kapag nakita nilang nag-flat line ang tibok ng puso. Ganoon ang buhay natin, minsan kailangan natin makuryente paminsan-minsan para mabuhay tayong muli. 

Dati ayokong kumain ng ilang bagay na hindi ako sanay kainin. Katulad ng maanghang na pagkain na iniiwasan ko dati noong bata pa ako. Ngunit pagdating ko ng high school ay natutunan ko rin paano kumain ng maanghang. Mula nang natutunan ko iyon ay mas marami na akong nakakain lalo na kapag nagpupunta kami sa ibang bansa. 

Noong nagsisimula akong mag-aral ng Korean noong nasa kolehiyo ako ay hindi ko maatim ang pagkain ng kimchi. Hindi ko maintindihan ang mga kaklase ko kung paano nila nasasabi sa aming mga gurong Koreana na masarap daw ang kimchi. Para sa akin hindi ko na maatim ang amoy nito, paano ko pa ito isusubo? Hanggang sa napunta na ako sa Korea para mag-aral. Hindi ko masyadong nagustuhan sa simula ang mga pagkain dito dahil hindi ako sanay sa mga pagkain nila. Hinahanap-hanap ko ang mga pagkaing Pinoy at Western. Pero dahil nakita kong mahal doon ang mga pagkain na nakasanayan ko na--ang mga pagkain na alam ng dila kong masarap ay tinuruan ko ang dila ko na paunti-unting makasanayan ang mga pagkain sa bansang iyon. Hindi lumaon ay nasanay na rin ako sa lasa ng pagkain doon. Hanggang sa nagustuhan ko na rin ang mga pagkain nila, kasama ang kimchi. Hinanap-hanap ng panlasa ko ang pagkain nila pagbalik ko ng Pilipinas. 

Madalas rin kaming dating nililibre ng mga boss namin sa labas kaya lang dahil alam kong hindi ako makakakain ng hindi lutong pagkain tulad ng sushi at sashimi ay napalagpas ko ang pagkakataon na nagpakain ng libre sa isang mamahaling Japanese restaurant ang isang boss namin. Nagutom lang ako pagbalik ko ng opisina. Pero minsan ay sinubukan ko nang kumain ng sushi at sashimi sinabayan ko na lang ng alak hindi naman pala masyadong masama ang lasa kapag may kasamang alak. 

Kapag nasasanay tayo sa nakasanayan at hindi na natin ninanais sumubok ng iba pa dito ay nililimitahan na natin ang sarili natin. Sa pagkain, sa pagbibiyahe, atbp. Minsan kailangan mong sumubok mag skywalk kahit na takot ka sa matataas na lugar (acrophobic). Subukan sumakay ng nakakatakot na rides sa theme park at sumigaw ng malakas, hindi mo alam na makakatulong itong magtanggal ng mga iniisip mo. Subukan mag-zipline mas nakakatakot mas masaya kahit na nakakakaba. Subukan mag-snorkeling kahit na hindi marunong lumangoy, makikita mong mga isda pati na rin ang kagandahan ng ilalim ng dagat na hindi mo makikita kung matatakot ka lang. Magsuot ka lang ng protective gears! Marami akong kinatatakutan pero sinusubukan ko ang mga bagay dahil alam kong darating ang panahon na hindi ko na masusubukan ang mga ito. Alam kong hindi ako habang buhay na bata. Darating ang panahon na kahit gaano ko pa ito gustong gawin, tulad ng mga nagagawa ko habang bata pa ako ay hindi ko na maaaring gawin dahil baka atakihin na ako sa puso. Habang may oras pa ay subok lang! Subok lang ng subok habang pwede pa!

Hindi ko naman sinabi na humanap ng ibang karelasyon, hindi ito kasama sa sinasabi ko dahil mayroon din naman na dapat natin makasanayan na. Dahil ang pagpasok sa isang relasyon ay isang hindi parang pagpili ng kakainin, pagpili ng lugar na pupuntahan, pagbili ng gamit, hindi ito isang biro. Kailangan piliin ng mabuti kung sino ang ating magiging karelasyon bago ito pasukin dahil kapag nakapili na tayo ng karelasyon lalo na iyong mauuwi sa kasalan ay kailangan na nating masanay dito kahit ano pang mangyari. 

Ikaw, nasanay ka na ba sa nakasanayan na?

Mga Komento

Mga Mabebentang Kuwento

Paano ba kami kapag may patay?

I sa sa iniiwasang pag-usapan ang tungkol sa patay. Pero paano ba kapag may patay kami? Katulad ng maraming pamilyang Pilipino, marami kaming sinusunod na pamahiin kapag mayroon kaming patay. Noong college ako ay nagsulat ako tungkol sa mga pamahiin ng mga Pilipino sa patay. Marami tayong mga pamahiin dito sa Pilipinas. Nag-iiba, nadagdagan at nababawasan ang mga ito depende sa lugar o probinsya. Pero sa mga pamahiin natin, ang mga pamahiin sa patay na ata ang pinakamarami.  Hindi man madaling isipin ang mamatayan  ng isang mahal sa buhay dahil lungkot ang una nating nararamdaman pero ito ay isang kaganapan kung saan dumarating ang mga kamaga-anak at nagkakaroon ng instant reunion. Umuuwi ang mga nasa ibang lugar na hindi madalas umuwi o nagpapadala ng pera ag dating mahirap hingan ng pera. Dumarating din ang mga outside the kulambo na pamilya sa mga lalaking may itinatago sa tunay na pamilya.  Habang nag-lalamay, inaalala ng mga tao ang namayapa. Paano ba siya noo...

Bakit Tayo Makasarili?

Bakit nga ba tayo makasarili? Ako, ako, ako, parati na lang ako sabi nga sa pelikula. Para sa iba, hindi nila maamin na makasarili sila, kasi para sa kanila perpekto sila. Sige na, kayo na. Pero para sa atin na aminado sa ating pagiging makasarili, bakit nga ba tayo ganito? Paano ba tayo nagiging makasarili? Sabi nga mahalin muna natin ang ating mga sarili bago tayo magmahal ng iba. Hindi masamang mahalin ang sarili. Kaya lang, lahat ng sobra ay  masama. Lahat rin ng bagay na sumasagasa na sa interes ng iba ay maaari na rin makasama. Dahil hindi natin maiiwasan ang pakikipag-ugnayan sa ating kapwa. Dito nasusukat ang ating pagkatao. Dito rin nalalaman kung paano natin tinitimbang ang mga bagay sa buhay natin.  Tignan natin ang mga ebidensya ng ating pagiging makasarili sa araw-araw. Kalamidad. Bakit nga ba nagbabaha? Isa na ata sa mga bagay na nakasanayan na ng mga nakatira sa siyudad ay ang karanasan sa baha. Bakit nga may baha? Paano imbes na itago muna ang balat ...

Na-LSS Ka Na Ba?

Na-LSS ka na ba? (LSS = Last Song Syndrome pero puwede rin naman na Last Sound Syndrome) Ito ay nangyayari tuwing mayroon tayong paulit-ulit na kanta na naririnig. Minsan tinatamaan tayo ng LSS dahil gusto natin ang kanta, minsan naman dahil ayaw natin sa kanta.  Natutunan ang tungkol sa pagkakaroon ng LSS noong ako ay nasa elementarya at high schol pa lang ako. Parati namin naririnig ang mga nagtitinda ng Selecta na tumutugtog upang manawag ng mga bibili lalo na mga bata. Dahil dito ay inuulit na ng kaibigan ko ang tugtog. Pero bago pa lang nangyari iyon ay naalala ko na sa sobrang pagkagusto ko sa isang kanta ni Ate Regine ay minsan kahit antok na antok na ako ay hindi ko mapigilan na hindi kumanta habang pinatutugtog ito sa radyo sa service. Nakakahiya man na nakikita ng mga ka-service ko na kumakanta ako habang natutulog bago ko napansin na ginagawa ko ang pagkanta at pagtulog ng sabay.  Noong nag-aral ako sa ibang bansa ay minsan pumunta kami ng mga kaibigan ko s...