Lumaktaw sa pangunahing content

Bakit mahirap mag 'move on' kapag namatayan ng minamahal?

Habang ang mga tao ay abala sa pag-celebrate ng Valentine's Day, ang mga nawalan ng mahal sa buhay ay aalalahanin rin ang pagmamahal sa mga nauna na. 

Naalala ko noong namatay ang tatay ko. Pumunta ang mga kaibigan ko sa lamay. Doon ako kinausap ng isang kaibigan ko mula high school. Sa kanya naman kasi, namatay dahil sa cancer ang nanay niya bago siya kinasal. Sabi niya sa akin, kapag namatayan ka ng mahal sa buhay hindi siya parang pakikipag-break sa nobyo/nobya. Kahit matagal na, babalik at babalik pa rin sa iyo ang sakit. Hindi kasi siya parang nakipag away ka lang sa mga tao, na alam mo darating ang panahon na puwede kayong magkita ulit o makapag-usap. Yun bang pwedeng magkaroon ng 'closure'.

Kaya lang kapag namatay na ang tao, kahit anong gawin mo, ay hindi na kayo magkikita o mag-uusap ulit. Wag niyo sabihin sa akin na mayroon naman mga multo dahil hindi iyon ang pakikipag usap na gusto natin.

Gaano ba dapat katagal ang pagluluksa? 9 days, 40 days, 1 year sa babang luksa? Makalipas ba ang panahon na iyon ay dapat ba ok ka na agad? Na kapag ba lumipas na ang deadline at hindi ka pa rin maayos ay magkakaroon ka ng deduction sa grade?

Paano ba maka move on? Sa totoo lang ay mas mahirap ang maiwan ng minamahal. Kahit ang pag-aalala sa kanila, kapag birthday nila, death anniversary, at sa mga bagay na magpapaalala tungkol sa kanila: paboritong lugar,pagkain, ginagawa, mga sinabi, mga pangarap, atbp.

Para sa naiwan. Sabi nga ni Nora McInerny, "we don't move on from grief, we move forward with it." Totoo naman. Para sa atin na naiwan ng mga mahal sa buhay ay manatili silang buhay sa ating mga alaala. Kaya nga ang burol ay mahalaga para sa mga naiwan. Mahalaga na makapag-paalam kahit papaano. Matinding "sepanx" ito. Isang sakit na hindi na kahit kailan man magagamot. Dahil kahit kailan ay hindi na mapupunan ang lugar ng nawalang mahal sa buhay para sa mga naiwan. Para sa mga naiwan ay mahalang maaalala ang mga minamahal--na kahit kailan ay hindi sila tuluyang nawala. Mananatili sila sa alala . Maiiwan ang alaala pati ang mga nagawa nila. Ang pagmamahal nila na bumuo sa ating pagkatao. Lahat ng kontribusyon nila sa buhay natin ay mananatiling parte natin. At walang kahit sino man ang makakakuha ng mga iyon mula sa atin. 

Pero paano nga ba ang mag move forward sa buhay? Pa-unti-unti kong sinusubukan mabuhay mag-isa. Para akong isang batang ngayon pa lang natututong lumakad mag-isa. Nagsimula akong hindi makagalaw. Hindi ako makakilos. Sa umaga, habang ang mga tao ay namomroblema sa pandemya, ako naman nag-iisip paano mananatiling buhay ngayon wala na ang magulang ko. Hindi ko alam paano magpapatuloy mabuhay. Wala na ang mga taong una at tunay na nagmamahal sa akin. Wala na ang mga taong tunay masaya na buhay pa ako. Bawat araw, nagsisimula ang araw ko na nakahiga lang ako at umiiyak. Tinatanong ko ang Panginoon kung bakit ba nagising pa ako. Pinipilit ko lang tumayo para magtrabaho. Pinipilit ko lang ngumiti at humarap sa mga estudyante na para bang wala akong pinagdadaanan. Kaya lang hindi ko kaya talaga. Natapat pa ako sa mga estudyanteng iba ang mga ugali. Hindi ko pinaniwalaan ang mga narinig ko mula sa ibang kasama ko, pero napatunayan ko na totoo pala. Matindi talaga ang mga ugali. Hindi ko na lang pinaliwanag sa kanila ang lahat sa buhay ko. Bakit sino ba sila sa akin? Kahit kailan ay hindi naman ako maiintindihan nga mga ordinaryong taong hindi dumaan sa pinagdaanan ko. Isa pa, alam ko naman ang totoo na sinubukan ko talaga gawin ang maaari kong gawin sa aking makakaya sa kabila ng pinagdadaanan ko at hirap ko sa pag-adjust sa online setup. Naisip ko tatapusin ko na lang ang unang semester. Isang buwan bago matapos ang semester, kasabay ng inis ko sa mga ginagawa ng mga estudyante ko sa akin, nagpaalaam na ako sa boss ko.

Kailangan ko mag-isip at i-proseso ang mga nangyari sa akin. Wala akong sagot na makuha pero hindi ko tinitigilan magdasal. Umiiyak lang ako. Nag-mamakaawa na sana kinabukasan hindi na muling gigising pa. Kaya lang hindi naririnig ang panalangin ko. Ilang birthday rin na pina-ihip pa ako ng candela, sabay sabi sa akin na "wish!" ko rin hiniling na "sana huli na ito" sabay ngiti na lang sa mga nakapaligid sa akin. Hindi nila alam na ganoon ang hiling ko. Na sana wala nang susunod pang birthday ang dumating. Nagpapasalamat lang ako sa mga taong bumabati para lang hindi sila malungkot/magalit kung hindi ko pansinin. Alangan naman sabihin ko, "walang dahilan para sabihin na 'happy' ang araw na ito". Ganoon din kapag Pasko at Bagong Taon, isa lang ang dasal ko: "Lord, please sana po huli na ito. Sana hindi na po ako umabot sa susunod na taon." Kaya lang eto pa rin ako nagsusulat. Nagkukuwento. Minsan umiiyak pa rin. Walang okasyon at araw na hindi ko sila naaalala.

Paano ba ang ginagawa ko para magsimulang mag-move forward? Hindi madali para sa personality ko. Alam ko na walang makakaintindi sa akin. Kahit ang mga taong akala nila kilala nila akong ng matagal. Pero dahil araw araw pa rin akong nagigising, wala naman akong magawa kung hindi mag-move forward. Kung ano ano rin ang ginawa ni Lord para matulungan ako. Kahit na ayawan ko pa ang mga nangyayari. 

Nagsimula sa bahay namin. Dahil sa mga pangyayari sa bahay ay kinailangan ko magbawas ng gamit. At siyempre marami doon sÄ… bahay ay ang mga gamit ng mga magulang ko. Isang taon ang lumipas mula ng sila ay nawala nang sinubukan ko simulan ang pag-move forward na ayaw ko naman talaga. Naisip ko: nnong gagawin ko sa mga gamit nila na naiwan? Kailan ba dapat ito ipamigay or idonate? Paano kung bawat gamit niya/nila na pinapamigay mo ay lalong pinapamukha sa iyo na talagang wala na ang may-ari ng mga gamit? Matagal na mayroon nagsasabi sa akin na kung mamimigay raw ako ng gamit ng nanay ko ay bigyan ko sila. Unti unti ang ginawa ko. Hanggang sa ano lang ang kaya ko muna noong unang taon. Gusto ko masigurado na magagamit ng maayos ang mga gamit nila. Na para bang magkakaroon ng bagong buhay/silbi ang mga gamit. 

Kaya naman noong naka-isang taon na si mommy ay sinumulan ko tignan ang gamit niya. Pinili ko ang mga gamit niya na maaari kong ipamigay sa mga taong sa tingin ko ay mas makikinabang sa gamit niya. Habang ang ibang gamit niya ay hindi ko pa mabitawan kaya sinabi ko sa kanila, sa susunod na lang ulit. Ganoon din ang ginawa ko sa mga gamit ng tatay ko. Pa-unti-unti lang din hanggang sa kaya ko. Sumunod na taon ganoon ulit ang ginawa ko. Hanggang sa sumunod pang taon na konti na lang ang naiwan sa akin. Tuwing binibitawan ko ang mga gamit nila, pakiramdam ko ay binibitawan ko ang alaala nila. Para bang nawawala na sila talaga. Kaya parating may kasabay na iyak ang bawat pagbitaw ko sa mga gamit nila.

Apat na taon na ang nakalipas pero umiiyak pa rin ako. Hindi na kasing dalas noong unang taon. Pero masakit pa rin. Natutunan ko na rin kahit paano na mag mukhang masaya at normal sa mga tao na kahit kailan ay hindi ako maiintindihan. Tumatahimik na lang ako medals dahil alam ko na ayaw na nilang marinig ang tungkol sa sakit na nararamdaman ko. Para kasi sa kanila dapat naka "move on" na ako. Tapos na ang isang taon na deadline ng lipunan sa mga katulad ko. Mga katulad ko na lang na nawalan ng mahal sa buhay ang kahit papaano ang makakaintindi. Dahil ang totoo ay kasama ng ng pagkatao ko ang karanasan ko sa pagkawala ng mga magulang ko. Hindi na ito mawawala. Para sa akin, wala na akong pakialam kung hindi matatanggap ng mga tao ang katotohanan na parte na ito ng bumubuo sa akin ngayon. Bitbit ko ang mga alaaala, pagmamahal, at ang kalungkutan sa kanilang pagkawala sa buhay ko ngayon at sa mga darating pang panahon--hanggang sa araw na aking muling makapiling ang mga mahal ko.

Para sa iyo, bakit mahirap maka-move on kapag namatayan ng minamahal?

Mga Komento

Mga Mabebentang Kuwento

Paano ba kami kapag may patay?

I sa sa iniiwasang pag-usapan ang tungkol sa patay. Pero paano ba kapag may patay kami? Katulad ng maraming pamilyang Pilipino, marami kaming sinusunod na pamahiin kapag mayroon kaming patay. Noong college ako ay nagsulat ako tungkol sa mga pamahiin ng mga Pilipino sa patay. Marami tayong mga pamahiin dito sa Pilipinas. Nag-iiba, nadagdagan at nababawasan ang mga ito depende sa lugar o probinsya. Pero sa mga pamahiin natin, ang mga pamahiin sa patay na ata ang pinakamarami.  Hindi man madaling isipin ang mamatayan  ng isang mahal sa buhay dahil lungkot ang una nating nararamdaman pero ito ay isang kaganapan kung saan dumarating ang mga kamaga-anak at nagkakaroon ng instant reunion. Umuuwi ang mga nasa ibang lugar na hindi madalas umuwi o nagpapadala ng pera ag dating mahirap hingan ng pera. Dumarating din ang mga outside the kulambo na pamilya sa mga lalaking may itinatago sa tunay na pamilya.  Habang nag-lalamay, inaalala ng mga tao ang namayapa. Paano ba siya noo...

Bakit Tayo Makasarili?

Bakit nga ba tayo makasarili? Ako, ako, ako, parati na lang ako sabi nga sa pelikula. Para sa iba, hindi nila maamin na makasarili sila, kasi para sa kanila perpekto sila. Sige na, kayo na. Pero para sa atin na aminado sa ating pagiging makasarili, bakit nga ba tayo ganito? Paano ba tayo nagiging makasarili? Sabi nga mahalin muna natin ang ating mga sarili bago tayo magmahal ng iba. Hindi masamang mahalin ang sarili. Kaya lang, lahat ng sobra ay  masama. Lahat rin ng bagay na sumasagasa na sa interes ng iba ay maaari na rin makasama. Dahil hindi natin maiiwasan ang pakikipag-ugnayan sa ating kapwa. Dito nasusukat ang ating pagkatao. Dito rin nalalaman kung paano natin tinitimbang ang mga bagay sa buhay natin.  Tignan natin ang mga ebidensya ng ating pagiging makasarili sa araw-araw. Kalamidad. Bakit nga ba nagbabaha? Isa na ata sa mga bagay na nakasanayan na ng mga nakatira sa siyudad ay ang karanasan sa baha. Bakit nga may baha? Paano imbes na itago muna ang balat ...

Na-LSS Ka Na Ba?

Na-LSS ka na ba? (LSS = Last Song Syndrome pero puwede rin naman na Last Sound Syndrome) Ito ay nangyayari tuwing mayroon tayong paulit-ulit na kanta na naririnig. Minsan tinatamaan tayo ng LSS dahil gusto natin ang kanta, minsan naman dahil ayaw natin sa kanta.  Natutunan ang tungkol sa pagkakaroon ng LSS noong ako ay nasa elementarya at high schol pa lang ako. Parati namin naririnig ang mga nagtitinda ng Selecta na tumutugtog upang manawag ng mga bibili lalo na mga bata. Dahil dito ay inuulit na ng kaibigan ko ang tugtog. Pero bago pa lang nangyari iyon ay naalala ko na sa sobrang pagkagusto ko sa isang kanta ni Ate Regine ay minsan kahit antok na antok na ako ay hindi ko mapigilan na hindi kumanta habang pinatutugtog ito sa radyo sa service. Nakakahiya man na nakikita ng mga ka-service ko na kumakanta ako habang natutulog bago ko napansin na ginagawa ko ang pagkanta at pagtulog ng sabay.  Noong nag-aral ako sa ibang bansa ay minsan pumunta kami ng mga kaibigan ko s...