Lumaktaw sa pangunahing content

Paano na nga ba ang Pilipinas Ngayon?

    Natapos na naman ang isang eleksyon para sa presidente noong Mayo. May bago na namang presidente ang manunumpa bago magtapos ang buwan ng pag gunita natin ating kalayaan. Pero ang tanong, paano na nga ba ang Pilipinas ngayon? 

 

    Ayon kay Rhoads Murphey, ang Pilipinas nga raw sa Timog Silangang Asya ang pinaka matagal na nasakop o napasailalim sa mga dayuhan. Tayo ang may pinakamatagal na nakaranas nito. Bago dumating ang mga Espanyol, walang Pilipinas. Walang konsepto ng bansa, pambansang wika, isang religion, isang pamamahala. Hindi napa ilalim sa isang local na mamumuno ang mga Isla ng Pilipinas. Hiwa-hiwalay, kanya-kanyang bayan, kanya-kanyang mga datu, kanya-kanyang mga wika. Hindi katulad ng ibang bansa sa Asya, mayroon mga pagkakataon na nasasakop sila ng isang malakas na mamumuno (empire, kingdoms, atbp.). Dito kahit isang kahiraan na nag-ugnay sa buong kapuluan ng Pilipinas o isang emperyo ay wala. Walang mga ebidensya ng mga ancient kingdoms at infrastructure ang natagpuan kahit sa mga masukal na kagubatan. 

    Matapos tayong mabili ng mga Amerikano sa mga Espanyol ay napa-ilalim tayo sa mga bagong mananakop. Pinangako man ng mga amerikano na palalayain tayo agad, ay tumagal rin ito hanggang sa dumating pa ang mga Hapon. Sinakop rin tayo ng ilang taon ng mga Hapon hanggang sa sila ay matalo sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Dito muling naging makapangyarihan mga Amerikano  kasi sabi ni General MacArthur "I shall return". Noong nakamit na natin ang Kalayaan mula sa mga Amerikano ay ang mga elitista ang pumalit sa kanila sa matataas na puwesto sa gobyerno. 

 

Sabi sa documentary “Surviving R. Kelly” ang mga biktima raw ay napapalapit ng husto sa mga nang-aabuso sa kanila lalo na kung bata pa lang sila sinumulang absuhin, o kung matagal na panahon nila itong naranasan. Nahihirapan silang lumayo o umalis sa puder ng nang-aabuso sa kanila. Hinahanap-hanap nila ang sitwasyon, hindi dahil gusto nilang inaabuso sila, ngunit inaakala nilang ito ang paraan ng pagpapakita ng pagmamahal sa kanila. 


    Kung iisipin, bata pa lang ang Pilipinas na demokrasya na sanay na nasa ilalim ng mga mananakop noong namayani ang mga elitista. May mga Pilipinong nag-aakala na sa botohan nagtatapos ang partisipasyon nila sa demokrasya. Hindi doon natatapos ang responsibilidad natin bilang Pilipino. At hindi lang doon nasasabi na isang demokrasya ang bansa.

 

    Matiisin raw kasi ang mga Pilipino, kailangan muna lumipas ang maraming taon bago tayo mamulat at mag-reklamo sa mga abusong nararanasan natin mula sa mga namumuno. Para tayong mga biktima ng pangmomolestya. Nahihirapan tayong makaalpas mula sa sitwasyon na iyon. Nahihirapan tayong bumitaw mula sa pagkakauboso sa atin. Kailangan sagad na sagad na ang pagtitiis natin bago pa tayo umalma. Ano naman kaya ay aalma lang saglit, kapag sinuyo at pinangakuan ng pagbabago ay napapatawad na ang nang-aabuso. 

 

    Ilang beses na rin nagkaroon ng rebolusyon sa Pilipinas. Kasama na rin dito ang pinagmamalaki sa ibang bans ana “bloodless revolution” sa EDSA. Nasundan pa ito ng EDSA 2, at ng sinasabing EDSA 3 na hindi tinatanggap ng iba dahil hindi naman daw ito sinoportahan ng karamihan. Sa lahat ng ito, mayroon bang tunay na pagbabago? Tila tayo ay ‘kasal’ sa mga nang-aabuso sa atin—na lahat ay ginagawa natin, nagpapaka martir para lang maisalba ang kasa. Hindi nga raw kasi parang mainit na kanin na isinubo ang pag-aasawa na kapag nahirapan o napaso na tayo ay makikipaghiwalay agad. Ngunit, gaano ba kataas ang ating pain tolerance? Gaano ba dapat kasakit ang ating nararamdaman bago tayo magdesisyon na tama na—hanggang doon na lang ang ipagtitiis natin?

 

    Nitong natapos na eleksyon rin ay maraming ginamit ang social media upang ipahayag ang kanilang pagka dismaya sa resulta habang sinisisi ang mga bumoto sa mga nanalo na hindi nila gusto. Habang inaayos ko ang mga halaman ko ay narinig kong nag-uusap ang mga labandera ng kapitbahay. Alam ko na agad na kasama sila sa mga bumoto sa mga nanalo na ayaw ng mga nasa social media. Sabi nila dapat raw mag move on na ang mga tao. Tanggapin na ang resulta. Kahit sino naman daw ang mapaupo sa puwesto ay kailangan pa rin naman daw nilang magtrabaho. Para sa kanila ay hindi na sila naniniwala sa mga pangako ng pagbabago ng hindi nanalong kandidato. Hindi naman mali ang iniisip nila. Iniisip ko lang, umabot na ba tayo sa puntong pagod na tayong umasang magiging maayos pa ang kalagayan natin dito sa Pilipinas? 

 

    Sabagay ilang beses na ba tayong napangakuan ng mga kumakandidato? Sa halip na isang trabaho ang kanilang ina-aaplyan, para silang mga manliligaw. Tayong mga botante ang nililigawan. At kapag sila ang nanalo ay para na tayong kinasal sa kanila. Kailangan na tayo ang magpakain sa kanila. Ang tax na binabayad natin ang kontribusyon natin sa ‘bahay’. Pero imbes na sila ang magpakain sa atin, mag-uwi ng ‘sweldo’ upang tayo ay mabuhay, ay parang tayo lang lahat ang nagbibigay at nagsasakripisyo para sa pamilya. Minsan naisip ko bakit ba parang ang mayayaman lang ang maaring umasenso? Bakit lalong humihirap ang kalagayan ng mga ordinaryong Pilipino? 

 

    Ayon sa Heirarchy of Needs ni Abraham Maslow, ang pinaka mahalaga na mapunan sa bawat tao ay ang basic needs. Kasama ang physiological needs at ang safety needs. Kapag nakamit na ang mga ito ay, susunod pa lamang ang psychological needs. Katulad ng mga labandera ng kapitbahay naming na kailangan pang masigurado na araw-araw ay makakamit ang kanilang basic needs ang karamihan sa mga bumoto sa mga nanalo.

 

    Malaki na rin ng pinagbago ng eleksyon sa Pilipinas mula nang huli kong sinulat ang blog ko tungkol dito. May social media na ginagamit ngayon. Ang bawat tao ay may sinasabi tungkol sa mga kandidato. Mayroon rin mga fake news at troll farms. Kakaiba na ang mga meeting de advance ngayon parang concert o variety show na. Mayroon pang nahuhubaran at naisaskandalo. Pero paano ba talaga mapapasagot ang mga nililigawang botante? Ano ba sa mga ito ang epektibo? Nakakarating ba ito sa karamihan ng botante? 

 

    Ilang beses ka ba naging botante? Sa ilang beses ko nang bumoboto, parati naman hindi nanalo ang karamihan sa binoto ko. Mayroon rin naman mga nanalo at pinagsisihan ko na binoto ko. Kaya sa mga unang beses pa lang nakaboto, isipin niyo na ito ay nangyayari sa isang demokrasyang bansa. Kahit sa tiniin niyo ay kayo ang tama ang pinili, ay hindi ibig sabihin na iyon ang mananalo. Hindi ito isang pelikula, o fairytale. Sa totoong buhay, kahit ano ay puwedeng mangyari: minsan na aayon sa gusto mo, minsan ay hindi. Iba-iba ang mga isip ng mga tao. Kahit nga magkakambal ay magkaiba, paano pa ang milyon-milyong Pilipino na bumoto? Isa ka lang sa karamihan. Minsan nakakatamad na pumila ng mahaba para lang matalo ang mga binoto mo, pero ganoon talaga. Bilog daw ang mundo, kita mo iyong mga minsan nang pinaalis sa Pilipinas ng mga Pilipino ay siya ring binalik ng mga Pilipino. Hindi naman dito natatapos ang kuwento ng Pilipinas. 


Para sa iyo, paano na nga ba ang Pilipinas ngayon? 

Mga Komento

Mga Mabebentang Kuwento

Paano ba kami kapag may patay?

I sa sa iniiwasang pag-usapan ang tungkol sa patay. Pero paano ba kapag may patay kami? Katulad ng maraming pamilyang Pilipino, marami kaming sinusunod na pamahiin kapag mayroon kaming patay. Noong college ako ay nagsulat ako tungkol sa mga pamahiin ng mga Pilipino sa patay. Marami tayong mga pamahiin dito sa Pilipinas. Nag-iiba, nadagdagan at nababawasan ang mga ito depende sa lugar o probinsya. Pero sa mga pamahiin natin, ang mga pamahiin sa patay na ata ang pinakamarami.  Hindi man madaling isipin ang mamatayan  ng isang mahal sa buhay dahil lungkot ang una nating nararamdaman pero ito ay isang kaganapan kung saan dumarating ang mga kamaga-anak at nagkakaroon ng instant reunion. Umuuwi ang mga nasa ibang lugar na hindi madalas umuwi o nagpapadala ng pera ag dating mahirap hingan ng pera. Dumarating din ang mga outside the kulambo na pamilya sa mga lalaking may itinatago sa tunay na pamilya.  Habang nag-lalamay, inaalala ng mga tao ang namayapa. Paano ba siya noo...

Bakit Tayo Makasarili?

Bakit nga ba tayo makasarili? Ako, ako, ako, parati na lang ako sabi nga sa pelikula. Para sa iba, hindi nila maamin na makasarili sila, kasi para sa kanila perpekto sila. Sige na, kayo na. Pero para sa atin na aminado sa ating pagiging makasarili, bakit nga ba tayo ganito? Paano ba tayo nagiging makasarili? Sabi nga mahalin muna natin ang ating mga sarili bago tayo magmahal ng iba. Hindi masamang mahalin ang sarili. Kaya lang, lahat ng sobra ay  masama. Lahat rin ng bagay na sumasagasa na sa interes ng iba ay maaari na rin makasama. Dahil hindi natin maiiwasan ang pakikipag-ugnayan sa ating kapwa. Dito nasusukat ang ating pagkatao. Dito rin nalalaman kung paano natin tinitimbang ang mga bagay sa buhay natin.  Tignan natin ang mga ebidensya ng ating pagiging makasarili sa araw-araw. Kalamidad. Bakit nga ba nagbabaha? Isa na ata sa mga bagay na nakasanayan na ng mga nakatira sa siyudad ay ang karanasan sa baha. Bakit nga may baha? Paano imbes na itago muna ang balat ...

Na-LSS Ka Na Ba?

Na-LSS ka na ba? (LSS = Last Song Syndrome pero puwede rin naman na Last Sound Syndrome) Ito ay nangyayari tuwing mayroon tayong paulit-ulit na kanta na naririnig. Minsan tinatamaan tayo ng LSS dahil gusto natin ang kanta, minsan naman dahil ayaw natin sa kanta.  Natutunan ang tungkol sa pagkakaroon ng LSS noong ako ay nasa elementarya at high schol pa lang ako. Parati namin naririnig ang mga nagtitinda ng Selecta na tumutugtog upang manawag ng mga bibili lalo na mga bata. Dahil dito ay inuulit na ng kaibigan ko ang tugtog. Pero bago pa lang nangyari iyon ay naalala ko na sa sobrang pagkagusto ko sa isang kanta ni Ate Regine ay minsan kahit antok na antok na ako ay hindi ko mapigilan na hindi kumanta habang pinatutugtog ito sa radyo sa service. Nakakahiya man na nakikita ng mga ka-service ko na kumakanta ako habang natutulog bago ko napansin na ginagawa ko ang pagkanta at pagtulog ng sabay.  Noong nag-aral ako sa ibang bansa ay minsan pumunta kami ng mga kaibigan ko s...