Marami na tayong narinig tungkol sa oras o time. Ano nga ba ang mayroon dito? Narinig na natin na “time is gold”. Ginawang literal na kayamanan and turing sa oras sa pelikulang "In Time”. Mahalaga raw ang oras. Hindi raw dapat ito sinasayang dahil kapag lumipas na ito ay hindi na ito maibabalik. Ayon nga sa kanta ni Joey Albert, “ang nakalipas, di maaaring balikan…” Hindi pa rin naman na imbento hanggang ngayon ang flux capacitor para makapag time travel katulad sa “Back to the Future." Nabanggit rin sa “More than Friends” (친구에서 연인이 되는 경우의 수), ano naman silbi ng “time” kung wala ka naman ginawa sa panahon na iyon. Para saan ang paglipas ng panahon kung lumipas lang ito ng 'wala lang’.
First Time (1)
Parati na lang sinasabi na mahalaga ang mga first sa buhay. Ano ba ang mga unang pagkakataon sa buhay ng tao?
First haircut, first step, first words, first birthday kapag baby pa. Lalo na kapag unang baby ka ng pamilya. Lahat ng atensyon nasa iyo. Ingat na ingat ang magulang mo sa iyo at inaabanagan talaga ang mga “first" moments sa buhay mo.
Kapag lumaki ng konti, first day sa school, first graduation. Masaya ang magulang kapag first ka sa klase. Matatakot ka naman kapag mayroon mga first na alam mong mapapagalitan ka, first bagsak, first time masaktan at magkasugat, Mararanasan mo ang first palo o parusa mula sa mga magulang mo. Kapag naging teenager ka na, mayroon rin mga first na magpapaalala sa iyo na hindi ka na bata. Lalo na sa mga babae, nakakatakot ang unang beses na makakita ng ganun, akala mo may sakit ka na. Kung anu anong sasabihin nila sa iyo kapag nalaman nagkaroon ka na sa unang pagkakataon. Mahihiya Kang malaman nila na hindi ka na pala bata. Hanggang sa masasanay ka na rin at hindi ka na mahihiyang aminin ang nangyayari sa iyo lalo na kapag dumarating ang unang araw na iyon sa bawat buwan mula nang unang dumating yun sa iyo.
Kapag nagdalaga ka pa, sabi nila ang mga susunod na ay ang unang beset ka magka crush. Pati na rain ang first dance, first love, first kiss. Pero hindi nila sinabi nung bata ka na hindi lahat ng first ay masaya. Hindi ibig sabihin ng first ay ito na ang lahat sa iyo. Katulad ng sinulat ko kanina, mayroon mga first na hindi mo maaalala ng nakangiti ka. Kadikit rin ng mga ito ang first heartache. Kapag naranasan mo na ang first heartache dahil sa first love, kapag binalikan mo ang mga first moment niyo ay mayroon na rin konting sakit. Magdadasal ka na sana ang unang heartache na ang huling pagkakataon na mararanasan mo ito. Ayon nga sa isang kanta, “the first cut is the deepest”. Ang iba ay suwerte. Hindi na naranasan ito.
Kapag magpupunta ka sa isang lugar na hindi ka pa nakakarating, nandun ang excitement. Masaya ka na makakarating ka sa bagong lugar, lalo na kapag matagal mo na nang gustong makarating doon. Kaya lang kapag ang unang punta mo sa lugar na iyon ay nahaluan ng allang hindi masyadong masaya para sa iyo, sa tuwing babalikan mo ang biyahe na iyon ay wala na ang excitement. Sa halip, ito ay napapalitan ng ibang damdamin.
Paano na kaya ang mga pagkakataon na second, third, atbp? Yun mga nasa gitna ng first at last? Mahalaga ba talaga ang mga first time o mga unang pagkakataon sa buhay? Paano mo hinarap ang mga unang pagkakataon sa buhay mo? Kapag iniisip mo ang mga ito, madalas hindi na katulad ng dati ang nararamadaman mo. Minsan yun excitement, naaalala ng may pagsisi. Yun kilig, napapalitan ng lungkot, minsan rin kilabot (kasama ang tanong na bakit ko ba siya nagustuhan dati???). Yun takot at kaba, napapalitan ng tawa. Parang yun unang beses pinalabas ang Meteor Garden. Sa takot ko na baka di ko mapanood ang bagong episode ay parati ako nagmamadali umuwi. Nagsisi pa ako na yun napili kong oras ng PE natatapos ng 5pm tuwing miyerkules. Kung alam ko lang na mauuso rin ang pirated CDs, replay at reruns, e di sana nagamit ko ang panahon ko noon sa ibang bagay. Pero nakakatawa na lang ngayon.
Filipino Time (2)
Nakakainis kapag magkikita kayo ng mga kaibigan mo pero hindi sila tutupad sa pinag-usapang oras. Filipino time raw eh. “only in the Philippines” ba o “proudly Filipino”? Hindi lang naman mga Pilipino ang mayroong mga ganito. Sa totoo lang mayroong ibang kultura na mas matagal pa ang pagkahuli sa oras na pinag-usapan.
Minsan nakakahiya rin sa mga taong naghihintay at nasayang ang oras. Minsan masarap iparamdam sa mga taong mahilig mag sayang ng oras natin yan Filipino time na yan. Sana hindi na lang nakipag usap sa oras kung hindi naman ito kayang sundin. Hindi ko maintindihan kung bakit kailangan magkasundo sa oras pero hindi naman pala iyon susundin? Akala ko ba mahalaga ang oras? Marami sana magagawa kaya lang naubos na sa paghihintay. Bakit ba hindi na lang sabihin, “next time na lang”?
Next Time
Madalas na rin natin naririnig ang “next time”. Bakit ba lagi natin iniisip na mayroon naman susunod na pagkakataon pa na para bang siguradong sigurado tayo? Kaya lang minsan, hindi na dumarating ang “next time”. Paano kung para sa iyo ang next time na hinihintay mo ay time out na papa para sa kanya? O di kaya ay deadline na para sa kanya. Hindi na siya maghihintay pagkatapos ng deadline. Paano kung ito na pala ang time to move on niya? Kasi pagod na siya maghintay. Hindi na darating ang pagkakataon upang masabing “maybe this time”. Kaya mayroong mga taong nagtatanog ng “what if”. What if hindi na ipinagpa-next time ang pagkakataon? Ano ba ang silbi ng pag-iisip at pagtatanong ng “what if” kung hindi na maibabalik ang panahon? Kahit ilang beses pang sabihin “what if” ay hindi mababago ang nangyari na.
Kung mahalaga talaga ang oras, bakit mayroon nagsasayang nito sa pag-asang baka may next time naman? At kapag hindi na ito dumating ay maaari namang magtanong ng “what if?” Para saan pa ang next time kung hindi na dumating ito?
Time Out, Taympers (Time Freeze)
Nauubos ba talaga ang oras? Bukod sa mga empleyado na naghihintay na mag out sa office, naririnig natin ito ng madalas sa mga laro. Pinapapatigil ang orasan upang mag usap ng gagawin at makapahinga rin sandali ang mga manlalaro. Sandaling humihinto ang orasan bago magpatuloy ang laro. Ginagamit ito ng mga coach para makausap ang kanyang mga manlalaro. Taympers yun sinasabi kapag naglalaro ang mga bata. Madalas sa mataya-taya o tagu-taguan. Narinig ko siya dati sa mga kalaro ko lalo na kapag malapit na sila maabutan ng humahabol sa kanila. Sinsabi nila habang nakalabas na mga dila nila sa pagod. Time freeze pala ibig sabihin, akala ko “time first”. (now I know)
Sana sa totoong buhay rin ano may “time out”. Yun pwede mong patigilin ang oras para mag isip at huminga bago magpatuloy harapin ang laban ng buhay. Or pwedeng sabihin taympers muna. Baka pwedeng bawiin lang ang lakas bago bumalik sa malaking laro na ito.
Overtime
Ito ang tawag sa oras lapas sa regular na oras. Sa mga opisina, ito yun ayaw ng mga empleyado. Lalo na kapag biyernes. Swerte ng malaki ang bayad sa overtime nila. Minsan maliit lang ang bayad, minsan naman salamat ang bayad. Hindi lang naman mga empleyado ang may ayaw nito kapag mayroon bayad, dagdag gastos ito sa employer. Dagdag bayad, pati kuryente at tubig kung nasa opisina nag overtime. Sabi nga ng pisang kakilala ko, noong manager pa siya sa isang kompanya, ayaw raw niya na nag overtime ang empleyado kasi ibig sabihin hindi mo kayang tapusin ang trabaho mo sa oras na tinakda. Kaya lang sa karanasan ko, kulang ang oras sa maghapon upang matapos ang lahat ng kailangan gawin. Minsan iniisip ko, pwede kaya na doblehin ko ang sarili ko para lang magawa lahat trabaho ko. Hanggang sa nasanay na ako na halos ako na ang nagsasara ng opisina. Mas marami rin akong nagagawa kapag wala nang mga istorbo. Wala nang mga boss na ipapatawag ka at dadagdagan pa ang trabaho mo. Wala na rin mga tumatawag. Wala na rin mga kung sino sinon kumakausap sa iyo. Tahimik sa opisina. Para kapag nag aural ako sa bahay. Mas gusto ko sa gabi kasi malamig ang hangin, mas tahimik ang paligid at wala nang pumapansin sa ginagawa mo.
Overtime rin ang tawag kapag natapos na ang regular na oras ng laro ng tabla ang puntos ng magkabilang koponan. Bibigyan sila ng konting oras pa upang malaman kung sino ang panalo.
Paano sa totoong buhay? Mayroon rin bang overtime? Makakahingi ba ng extension kapag tapos na panahon para sa bagay na iyon?
Time-tested/Test of Time
Test of time. Sa math may problem solving, pati ba naman time may test pa???? Di naman siya graded pero sa pamamagitan raw ng oras ay masasabi kung ang isang bagay ay matibay, magaling, totoo, epektibo. Sa paglipas ng panahon ay masasabi raw kung tumatagal ang produkto. Parang sa komersyal ng isang pintura “habang buhay, ako sayo'y maghihintay. umaraw man o umulan, di sasablay. pintado sa aking puso…”
Kapag matanda na raw ang tao, marami na siyang pinagdaanan kaya matibay na siya. Marami na siyang nalalalaman. Marami na raw siya dapat natutunan sa mga pinagdaanan niya. Time-tested na siya—Pinagtibay ng panahon.
Ganoon din sa mga relasyon, kapag raw matagal na panahon na ang nakalipas ngunit hindi pa rin naghihiwalay ay mas matibay na ang sa samahan. Lalo na kapag dumaan na sa mga pagsubok ngunit hindi pa rin nasıra ang samahan, pinagtibay na ito ng panahon. Mga magkakaibigan na minsan nagkainisan, nagkakatampuhan, nag-aaway. Pero hindi bumibitaw sa isa’t isa. Mga matatandang mag asawa, kapag tumagal na ay wala na ang kilig na minsan naging dahilan ng pagsasama. Kaya raw dapat malalim ang pinagsamahan, parang magkaibigan. Kaya lang minsan, mayroon mga tao na matagal nang nasa buhay natin pero hindi talaga natin lubusang kilala. Katrabaho, kapamilya, kaibigan, karelasyon. Kapag mas matagal ba na kayong magka trabaho ibig sabihin close na kayo? Kapag ba matagal na kayong magkaibigan o magka relasyon mas gusto niko na ang isa’t isa? Hindi naman parating ganun ang sitwasyon. Kung hindi tayo gumawa ng paraan upang mas makilala sila, mas maintindihan, mas mapalapit o mapanatiling malapit sa kanila ay wala pa rin silbi ang mga panahong lumipas.
Kapag mas matagal raw ang wine, mas masarap ito. Kaya mas mahal rin ito. Ganoon din sa ibang mga pagkain, mas sumasarap raw kapag mas matagal na. Ang tinapay raw mas malasa raw kapag mas matagal na hinayaan ang yeast na paalsahin ang masa.
Anong gagawin mo sa lumilipas na panahon kung hindi ka naman natuto? Kailangan ba paulit-ulitin mangyari ang mga bagay bago maintindihan ang dapat mapulot doon?
Past time, Me Time, Alone Time
Ito yun ginagawa upang malibang ang sarili lalo na kapag sobrang nakakapagod ang trabaho. Iniiisip ko noon, kailin kaya ang susunod kong bakasyon? Yun makakapag libang ako. Yun magkakaroon ako ng oras para sa sarili ko. Yun makakapag isip ako ng tahimik. Marami sa atin sinasabi na walang oras para magpahinga dahil sa daming kailangang tapusin araw araw. Araw araw busy. Kahit holiday ay hindi ako nagpapahinga noon. Nasa bang lugar ako parati kapag bakasyon ko. Pagod sa biyahe, pagdating sa pupuntahan puno ang itinerary kasi sayang ang oras na nandun ako. Pag uwi pagod pa rin sa biyahe. Ilang oras lang na tulog, ayun balik trabaho na ulit.
Kapag sanay ka sa buhay sa metro manila, parang maiksi ang araw. Parating kulang sa oras. Lahat laging busy. Pagdating sa probinsya, sinasabi natin ang bagal ng oras. Alas-8 pa pa lang ng gabi tulog na ang mga tao. Bawal na ang maingay. Patay na ang mga ilan sa mga bahay. Nag iisip ka ng paraan para lumipas ang oras.
Noong nag quarantine, lahat na ata ng pwedeng gawin upang magpalipas ng oras ay nagawa ng mga tao sa loob ng bahay. Kuwento ng isang kakilala ko na may-ari ng isang construction supplies ay mas malaki raw ang naging kita nila nitong nagkaroon ng quarantine. Nagkaroon ng mga pagkakataon ang mga tao magkalikot sa bahay. Nagkaroon rin ng mga plantitas at plantitos. Naging mabenta ang mga halaman. Nagkaroon ng mga alagang hayop ang mga dating walang oras para dito. Marami rin ang naglululuto ng kung ano habang naka quarantine sa bahay. Naubos rin ang mga palabas sa Netflix. Lahat na ng manring mapanood ay napanood na. Mayroon din nagkaroon ng pagkakataon magbasa ng mga librong hindi nagalaw pagkatapos bilhin. Natapos rin ang iba pang dati ay pilit lang na sinisingit sa sobrang daming pinagkaka-abalahan noong normal pa ang lahat.
Paano kaya kapag natapos na ang quarantine? Aayusin pa rin kaya ang bahay? Aalagaan pa rin kaya ang mga halaman at pet? Magluluto pa rin kaya? Sabi naman ng iba mas mabuti na rin daw na pagluluto at paghahalaman ang naging pampalipas ng oras ng mga tao kaysa naman daw tao ang ginawang past time. Masakit talaga yun kung damdamin na ng tao ang ginamit bilang pampalipas oras hanggang sa mahanap na niya ang hinahanap niya. Kaya huwag rin magmadali baka wala naman daw taxi o grab na naghihintay sa labas. May right time naman para sa lahat ng bagay.
Mahalaga nga ba ang oras kaya ok lang palipasin? E paano naman ang time in between? Dati nasasabik akong isipin kung kailan ba ako magkakaroon ng me-time at alone time. Kaya lang nasobrahan na nitong nawala na ang mga magulang ko sinundan pa ng lockdown. Naging all the time na. Sinusubukan ba ng panahon kung guano ako katatag? Sabi sa “The Perfect Fit”, ang taong laging nakakaranas ng kamalasan ay kailangan raw “breathe fresh air” (paano gagawin yun bawal ngayon magtanggal ng mask? hehe)
Right Time
Ano naman daw ang right time? Paano ba malalaman kung kailan ang right time? Lahat raw ng bagay at pangyayari sa buhay natin ay may tamang panahon. Ito yun panahon na basta lang dumarating. Mga pagkakataon ay hindi pinipilit. Yun para bang lahat ng maganda at hindi magandang nangyari sa nakalipas ay magdadala sa iyo sa pagkakataon na iyon.
Halimbawa mayroon kang isang bagay na gustong gustong bilhin, pero maraming nangyayari kaya hindi mo nabibili ito. Biglang kulang ang budget, out of stock, sarado ang tindahan, atbp. Makalipas ang ilang linggo nagkaroon ka na ng budget, bukas na ang tindahan, pero wala na palang stock kasi mayroon nang bagong mas maganda pa ang specs kaysa dati. Masasabi mo na buti na lang hindi ka pa nakabili dati. Ganoon din sa ibang mga bagay o pangyayari sa buhay: gamit, oportunidad, lakad, relasyon, atbp. May masasabi kung buti na lang hindi mo nakuha ko o hindi nangyari dati yun gusto mo, kasi mayroon pa lang mas magandang darating para sa iyo tamang panahon—sa right time. Kapag dumating iyon right time para sa iyo, mararamdaman mo na maluwag na nangyayari ang lahat. Magaan ang mga bagay. Tama.
Sabi naman sa Reply 1988, ang 'fate' at 'timing' raw ay hindi lang nangyayari dahil nagkataon ito. Ito raw ay produkto ng maraming pagkakataon na tayo kinakailangan mamili ng walang pag-aalinlangan o pasubali. Dahil sa mga desisyon na kinakailangan natin malaman kung ano ba ang mahalaga para sa atin ang nagreresulta sa mga tinatawag nating 'himala'---mga mabubuting pangyayaring na hindi natin mapaliwanag.
Mayroon mga nagtatanong kung maghihintay na lang ba raw na dumating ang “right time”? Paano raw kung hindi na ito dumating? Darating at darating ito. Pero para sa akin, maghintay ng tamang panahon ng may effort. Hindi mo malalaman kung tamang panahon na ba talaga kung hindi mo rin naman sinubukang alamin kung right time na nga. Effort effort rin pag may time para mailman kung right time na. Kapag sa kabila ng mga effort ay hindi pa rin nangyari o nakuha, ibig sabihin, hindi ito tama sa ngayon o mayroon hindi pa tama sa panahon.
Time Heal All Wounds
Totoo ba na “Time Heal All Wounds”?
Parati natin naririnig na “time heal all wounds”. Balang araw makakalimutan rin ang mga masasakit na alaala. Balang araw maghihilom rin ng kusa ang mga sugat. Parang sa kanta ni Joey Albert sabi “…but seasons change and time erases the tears as swiftly as the rivers disappear…” Pero totoo nga ba ito? Ganoon lang ba iyon? Para bang tubig na kusang mag-evapprate lang ang sakit? Pero sa totoo lang, ano naman gagawin mo kung mahabang panahon na ang nakalipas pero wala ka naman ginawa para mag hilom ang ‘sugat’? Sa isang forum sinabi rin na ang mga sugat na hindi natin ginamot ay hindi totoong maghihilom. Minsan akala mo nakalimot ka na. Akala mo magaling ka na. Ngunit para itong isang taong nilibing mo ng buhay, balang araw ay babangon ito na parang zombie. Kapag raw ang isang isyu sa buhay natin ay pinilit lang natin isang tabi o ilibing (ibaon sa limot), darating at darating ang panahon na mayroon magpapaalala sa atin na nandoon lang siya sa ilalam at nagdudulot pa ng kirot. Para bang sugat na hindi natin nilinis at nilagyan ng gamot dahil masakit ang proseso ng paglinis ng sugat at paglalagay ng gamot. Minsan ang hindi natin alam na sa pag iwas natin harapin ang sanhi ng sugat ay nakakagawa tayo ng mga desisyon dahil dito. Hindi natin namamalayan na nababago nito kung paano natin hinaharap ang buhay natin.
Naaalala ko dati ay mayroon kaming isang kakilala na na-aksidente. Pumasok raw ang mga bubog sa kanya niya. Pero para mabilis na makauwi ay hindi na siya sinigurado na nakuha na ang lahat ng bubog. Kwento niya sa amin ay paminsan may mga nakukuha pa rin siya sa ilalim ng balat niya.
Masakit linisin ang sugat lalo na kapag malalim ito. Kapag ito ay hindi nalinis ng maayos, maaring maging sanhi ito ng impeksyon. Ang nana pa naman kapag hindi makalabas ay grabe ang sakit na maidudulot sa atin. Dapat raw pinagdudugo para masigurado na matanggal ang nana. Kung hindi raw ay hindi gagaling ang sugat—hindi mawawala ang sakit. Isipin mo nga, paano makakapag pagaling ang time, doktor ba siya? Kaya hindi talaga dapat iasa kay time ang pag-galing ng mga sugat natin.
Deadline/Due Date
Ito ang araw at oras na tinakdang hangganan ng paghihintay. Madalas sa atin cramming. Kapag deadline na, doon palang ibibigay o tutuparin ang kailangan gawin. Gusto ng marami yun kinakabahan kung aabot sa deadline. Kapag hindi umabot, makikiusap. Sa mga utang sa credit card at loan, kapag nahuli ka sa deadline, ay may penalty. Kapag nahuli ka mag submit ng assignment o project sa klase, maaaring deduction sa grade o bagsak ka na. Sa trabaho kapag nahuli ka na, mas mabigat ang kapalit nito: mawala ang trabaho, malaking halaga ang kapalit, atbp.
Katulad rin ito ng expiration date. Sa pagkain, inumin at gamot, ito ang itinakdang araw kung hanggang kailan lang iyon pwede. Ang validity ng mga ID, credit card, promo ay tinatakda rin. Kapag expired na ang ID at credit card, hindi na ito tinatanggap kaya di na magagamit. Souvenir na lang ito. Samantalang ang pagkain, inumin at gamot ay hindi na kinakain o iniinom kapag expired na. Maaari raw magkasakit kapag kinain o ininom ito. Kaya nga mayroon mga nagtatanong dati kung ang lason ba raw hindi na makakalason kung expired na.
Sa Deadline o Due Date nagtatapos ang mga bagay dahil lahat raw ay nagtatapos o kailangan magtapos. Kailangan lang natin ihanda ang sarili natin para harapin ito. Dapat maintindihan natin na ang katapusan ay darating. Hindi lang natin parating alam kung kailan at paano. Parang sa isang kwento, isang nobela, isang pelikula, kahit isang kanta, naisip mo na ba kung paano kung wala silang katapusan? Yun kayang nagsulat ng mga fairytale, tinamad na mag isip ng katapusan kaya parati na lang “…and they lived happily ever after” ang nilalagay nila? Mahalaga ang simula, ang climax, at ending. Mayroong mga kwento na maganda sa simula hanggang climax, pero hindi katanggap tanggap ang katupusan. Parati ko naririnig ito sa mga Pinoy na nanonood ng kdrama. Bitin raw ano kaya malabo. Ending. Paano ba ang magandang ending? Happy ending?
Mahalaga ang deadline sa buhay natin. Naglalagay ng mga deadline para kapag lumagpas na ang oras na tinakda para dito ay maaari nang magtakda ng panibagong gawain at due date. Ito ang katapusan ng isang bagay sa buhay natin. Paano ka magsisimula ulit kung hindi mo tatapusin ang isa? Paano ka makaka-“move on” kung hindi mo bibigyan ng deadline ang sarili mo hanggang kalian ka na lang magpapatuloy na sasaktan ang sarili mo sa nakalipas? Kailan ba ang expiration ng pagpapahirap mo sa sarili mo? Bakit mo patuloy na kakainin ang expired na kung magkakasakit ka lang dahil dito? Bakit mo iinumin ang gamot na hindi ka na mapapagaling? Nanghihinayang ka ba? Hanggang kailan ka ba aasa sa wala? Hanggang kailan ka maghihintay na mawawala na lang basta ang mga alaala na nagbibigay ng sakit?
Paano kung nagising na pala siya sa katotohanan na hindi na darating ang panahon na sasabihin niya na “perfect time” iyon sa inyo. Paano ka magkakaroon ng panibagong buhay kung hindi mo alam Kailan ka magsisimula? Kung hindi mo tinapos ang dapat na tapos na? Kailan kaya natin masasabi na "it’s about time”?
Time’s Up
Time’s Up na kapag ubos na ang oras. Minsan alam natin kung gaano katagal na lang ang oras na natitira sa atin. Maaari tayong maghanda o gumawa ng paraan spang umabot sa oras. Minsan kapag nag exam, sinasabi na time’s up na pero kapag hindi pa tapos sumagot ay humihingi tayo ng konti pang extension. Kaya lang sa buhay natin ay hindi parating maaaring makahingi ng extension ng oras kung time’s up na para sa atin. Darating ang panahon na ubos na ang oras natin sa mundo. Time’s up na. Kapag dumating ang oras na iyon, hindi na tayo matutulungan ng syiyensya o panalangin. Time’s up na eh, handa ka man o hindi, may kailangan ka man gawin o hindi. Tapos na ang oras mo sa mundo. Hanggang doon na lang ang panahon mo. Hindi na puwedeng humingi ng extension. Dahil ang bawat panahon na lumipas sa buhay mo ay binigay na inilaan na upang matapos mo ang kailangan mong gawin. Mahilig kasi tayong mag cram (3), pati ba naman sa mga mahahalagang bagay sa buhay gusto natin cramming pa rin. Kailangan ba kapag time’s up na, doon pa lang natin gagawin ang mga balak? Hindi naman ito parang si Veronika sa "Veronika Decides to Die." Kung kailan sinabi sa kanya na bilang na lang ang oras niya sa mundo ay nagustuhan mabuhay.
Kaya nga sa lahat ng mga ito, gamitin ng tama ang oras. Gawin ang dapat gawin. Magpahinga at huminto kung kailangan. Matutuhan ang dapat matutunan. Walang silbi ang oras kung hindi ito nagamit ng maayos—kung hindi nasabi ang dapat sabihin, hindi natapos ang dapat tapusin…
Para sa iyo, ano bang mayroon sa oras mo?
Notes:
(Kung marami ka pang oras pagkatapos mong basahin ang hindi kahabaang post na ito, maaring basahin ang ibang posts na kaugnay dito)
(1) "Bakit Mahalaga ang First’??"
(2) "Na-Indyan ka na ba?"
(3) "Bakit ang Hilig Natin Mag-Cram?"
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento