Paano nga ba ang pasko para sa ating mga Pilipino?
Sabi nila sa Pilipinas ang pinakamahabang pagdiriwang ng Pasko. Biruin niyo pagdating palang ng Ika-1 ng Setyembre ay maririnig nang pinatutugtog ang mga Christmas Songs. Siyempre nangunguna dito ang pinakapatok na mga kanta ni Jose Mari Chan, lalong lalo na ang Christmas in our Hearts. Makikita na rin na unti-unti nang nagkakabit ng dekorasyon pamasko ang sa paligid. Tumatagal ang padiriwang hanggang Kapistahan ng Tatlong Haring Mago o ang tinatawag ng karamihan na Feast of the Three Kings. Minsan nga hinahabol pa ang Lunar New Year o ang mas kilala na Chinese New Year na pagtatapos ng Pasko.
Hindi ko nga alam kung kailan nagsisimulang magbilang ng araw bago ang Pasko ang mga tao. Hindi naman siguro pagkatapos ng Bagong Taon, diba? Mga kakabayan, 360 days na lang bago ang Pasko? Pagkatapos ng Chinese New Year? Di naman masyadong excited sa Pasko, diba?
Ano ano nga ba ang inaabangan kapag kapaskuhan?
1. Siyam (9) na araw na nobena bago ang Pasko na tinatawag natin na Misa de Gallo (kapag sa madaling araw) o Simbang Gabi (kapag anticipated).
Tandaan: hindi ka nagsisimbang gabi sa madaling araw! Kaya ayusin ang tawag! Inaabangan ito lalo na ng mga kabataan. Nadadagdagan kasi ang kanilang dahilan upang gumala at makasama ang mga kaibigan at ka-ibigan nila. Opo, karamihan sa kanila ay ginagawang Simbang Ligaw o Simbang Tambay ang Misa de Gallo at Simbang Gabi. Maganda sana ang intensyon na magsakripisyo ng 9 na araw sa pagpunta sa simbahan. Pero hindi nagtatapos sa pagpunta sa labas ng simbahan ang lahat.
2. Christmas Shopping
Para sa mga may mga inaanak at nagtatrabaho na, inaabangan ang pagtanggap ng Bonus at 13th Month pay. Para lang din naman itong dumadaan sa kanilang mga kamay lalo na kung mabenta siyang Ninong o Ninang. Pambili lang ito ng regalo at pambigay na pera para sa mga inaanak ngayong Pasko. Feeling ng lahat sila ang may birthday kaya kailangan may bagong damit at sapatos. Sa iba rin kailangan may bagong gamit at gadget. Minsan kahit wala nang pambayad ay bili pa rin eh ano naman kung ma-max out na ang credit sa card Pasko naman. Kaya pagkatapos ng Pasko at kaharap na ang credit card bill ay mabilis na nawawala ang ngiti sa mukha na naroon habang namimili. Punong-puno ang mga mall sa mga namimili. Sinasabayan pa ng mga Sale na para bang nanunukso talaga sa mga tao. Kaya grabe ang trapik sa kalsada. Kung gusto mong maranasan ang trapik sa ka Maynilaan ay sige mag biyahe ka sa panahong ito.
3. Caroling
Noong bata pa ako ay isa sa mga inaabangan ko ang karoling. Hindi ako nangangaroling dahil ayokong mahagad ng aso ng kapitbahay na ayaw magbigay ng pera pero gustong-gusto kong nagbibigay ng pera. Dati masaya na ang mga nangangaroling kahit 25 sentimos ang binibigay ng mga tao. Malakas na ang pagkanta nila ng "tenk you, tenk you, ang babait ninyo tenk you" kapag P5 ang binigay namin. Pero ngayon siguro mahina na ang P10 o P20. Hindi na nga halos kumakanta ng maayos ang mga bata na ngangaroling, gusto ata makakuha agad ng pera sa unang kanta palang.
4. Shows
Naaalala ko pa na parati kaming nagpupunta sa may COD sa Cubao noong bata pa ako kapag panahon ng kapaskuhan. Kakain muna kami sa Goldilocks at bibili pa ng Pure Foods Tender Juicy hotdog sa may pintuan ng COD bago magsimula ang palabas sa itaas ng COD. Hanggang sa nagsara na ang COD at palabas na ito ay nailipat na sa Greenhills. Minsan ay pumupunta pa rin kami kasama ng mga bata para mapanood nila ang napapanood namin noong bata kami habang kami naman ay nagbabalik sa aming mga alaala ng aming kabataan sa panonood ng palabas dito. Ngayon iba na, mas marami nang mabibili at makakain habang nanonood.
Kapag panahon din ng kapaskuhan ay pinapapanood kami ng Disney on Ice sa Araneta Coliseum. Minsan na lang namin ito nagagawa dahil naglalakihan na ang mga dating bata na isinasama namin.
5. Kris Kringle at Exchange Gifts
Iba iba ang gimik ng mga tao sa pagpapalitan ng regalo tuwing kapaskuhan. Yun iba ay nagtatago sa pangalan ng mga artista, cartoon character, character sa mga pelikula, atbp. Iba iba rin ang listahan ng Something. Swertihan nga lang. Kasi may mga makakabunot sa iyo na kuripot, mayroon din naman na nang-aasar, at mayroon din na galante.
Noong Grade 5 ako ay hindi ako swerte sa mommy sa Kris Kringle. Kasi sobrang kuripot niya. Nalaman ko na isang kaklase ko pala na mayaman ang nakabunot sa akin pero malas ko kuripot siya. Buti na lang hindi doon nagtatapos ang buhay. haha. May karma ang lahat! haha. Basta isipin mo na lang na mabuti na ang nagbibigay kaysa umasa sa matatanggap. Kaya huwag magkuripot! Be generous.
Nakakatawa dati isang pinsan ko narinig galit na galit sa nakabunot sa kanya. Kung ano-ano daw kasi ang binibigay sa kanya. Noong araw na iyon ay Something Sweet ang ibinigay sa kanya. Binigay sa kanya ay isang pakete ng bread sticks na bawas na may kagat pa ang isang stick. Yun nga lang ay nakalimutan ng nakabunot sa kanya na tanggalin ang pangalan ng bakery na pinagbilhan niya kaya nalaman namin na yun isang pinsan pala namin ang nakabunot sa kanya. Inaasar lang siya. haha. Masarap kaya ang pakiramdam na may napapasaya ka kahit man lang sa panahong ito.
Pero noong nagtatrabaho na ako ay nagkakaroon rin kami ng Kris Kringle at Exchange gift. Dalawa na lang ang pangalan na natira sa bunutan kaya sabay na kami ng kasama ko sa trabaho na bumunot. Birun niyo sa lahat ng mabubunot ko ay yun pang kasama namin na lalaki na tinutukso sa akin. Umiyak ako sa harap ng mga kasama ko. Naisip ko kasi "Lord, kung siya po ang kapalaran ko, salamat na lang po." Hindi ko talaga matanggap na baka umasa siya na may pag-asa pang magustuhan ko siya. Buti naawa sa akin ang isang kaibigan ko sa trabaho kaya nagapalitan kami ng mga nabunot.
6. Christmas Party, Noche Buena at Reunion
Kasama sa tradisyon ng kapaskuhan ang mga pagkain. Puto Bumbong, Bibingka, Queso de Bola, Hamon, ay ilan lang sa mga pagkain na una nating naididikit sa Pasko. Tila hindi kumpleto ang kapaskuhan ng hindi nasasayaran ang ating lalamunan ng mga ito. Ngunit sa kasalukuyan, kahit na Pasko ay maari na tayong kumain ng mga ito. Katulad ng maari na tayong kumain ng Halo Halo kahit hindi panahon ng tag-init o makakain ng lechon kahit na walang espesyal na okasyon.
Lahat ay may Christmas Party. Sa mga paaralan, sa mga opisina, atbp. ay nagkakasiyahan. Bigayan ng regalo, presentation, at higit sa lahat ay kainan. Bawat pamilya ay hindi maaaring walang Noche Buena. Kahit simple lang basta salo-salo ang pamilya ayos na. Uso rin ang reunion, sa mga magkakaibigan at mga magkakamag-anak. Sa lahat ng ito may kainan. Minsan ata araw araw ay may kailangan kang puntahan na Christmas Party o reunion. Ang hirap lang kung nagkakasabay sabay dahil hindi mo naman maaaring hatiin ang katawan mo. Sa lahat ng ito isa lang ang ibig sabihin, huwag ka nang umasang lilipas ang kapaskuhan nang hindi nadadagdagan ang baba mo at bilbil mo. Marami ang tumataas ang cholesterol, blood pressure at blood sugar. Idol daw natin si Santa Clause pag Pasko, malaki ang tiyan. haha.
Lahat ay may Christmas Party. Sa mga paaralan, sa mga opisina, atbp. ay nagkakasiyahan. Bigayan ng regalo, presentation, at higit sa lahat ay kainan. Bawat pamilya ay hindi maaaring walang Noche Buena. Kahit simple lang basta salo-salo ang pamilya ayos na. Uso rin ang reunion, sa mga magkakaibigan at mga magkakamag-anak. Sa lahat ng ito may kainan. Minsan ata araw araw ay may kailangan kang puntahan na Christmas Party o reunion. Ang hirap lang kung nagkakasabay sabay dahil hindi mo naman maaaring hatiin ang katawan mo. Sa lahat ng ito isa lang ang ibig sabihin, huwag ka nang umasang lilipas ang kapaskuhan nang hindi nadadagdagan ang baba mo at bilbil mo. Marami ang tumataas ang cholesterol, blood pressure at blood sugar. Idol daw natin si Santa Clause pag Pasko, malaki ang tiyan. haha.
7. Pamamasko
Ito ang pinaka-aabangan ng mga bata. Dati nagpapalakihan kami ng natatanggap na pera tuwing Pasko. Pinakaswerte ang pinakamalaki ang natanggap na papasko. Kaya hindi uso ang hiya kapag Pasko dahil kailangan makakuha ng mas maraming pera.
Nakakatuwa tuwing mayroon nagbibigay sa akin ng regalo noon. Umaasa akong Barbie ito o Polly Pocket. Kapag hindi naman ay ayos lang. Isang guro sa preschool ang nanay ko dati kaya sangkatutak ang regalong natatanggap niya. Naaalala ko pa na halos puno ang sasakyan namin ng regalo para sa nanay ko. Kaya doon ko naisip na dapat maging guro din ako pag laki ko para makatanggap ako ng maraming regalo. haha.
Para sa may mga inaanak. Ang iba ay halos nagtatago na lang upang hindi mahingian ng papasko ng mga inaanak. Naalala ko tuloy ito. Sabi nila marami daw sa ating mga Pinoy ang hindi na nararamdaman ang Pasko ngayon. Bakit nga ba? Katwiran ng karamihan dahil daw mahal na ang bilihin, patuloy na pagtaas ng mga presyo, kasabay pa ng maraming gastos tuwing kapaskuhan.
Ilang araw bago ang Pasko ay nagtext ako sa isang pinsan ko.
Ako: Diba kinukuha kang Ninang ni _______, sinabihan ka ba na sa linggo na ang binyagan?
Ate: Oo eh :(… Anong oras?
Ako: 11 am. Bakit may :(?
Ate: Habol pa kasi sa Pasko eh. haha
Pagdating namin sa simbahan kinalinggohan ay muntik ko nang isipin na may misa pa kung hindi ko lang alam na lagpas na ng 11:30 ng umaga. Punong puno ng tao ang simbahan. Maraming humahabol sa Pasko. Kung ayaw mong maging mabentang Ninong o Ninang, magtago ka na bago pa ang panahon ng Setyembre. haha.
Buti na lang sa pamilya namin uso ang nagpapaagaw ng pera. Kaya kahit nagbibigay kami sa mga inaanak ay kahit papaano ay natatanggap kami kahit masakit ang mga katawan namin at mga barya na lang ang natitira sa amin.
Sa lahat ng ito, huwag natin makakalimutan na ang tunay na dahilan ng bawat selebrasyon ay si Kristo hindi tayo. Huwag tayong maging makasarili sa panahong ito, dahil hindi tayo ang may birthday, kung kabirthday mo man si Kristo ay hindi ikaw ang main celebrator.
Wala sa dami ng perang laman ng ating bulsa, sa ganda ng dekorasyon sa ating bahay, sa sarap at dami ng pagkain sa ating lamesa, o sa dami ng regalo na ating natatanggap ang diwa ng Pasko. Hindi ito ang batayan ng kapaskuhan, kung hindi ang totoong dahilan kung bakit tayo may Pasko. Maligayang Pasko sa lahat!
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento